Pinakamataas na pagpupugay kay Teresita Gimenez Maceda, unang direktor ng Sentro ng Wikang Filipino, at Professor Emeritus ng Unibersidad ng Pilipinas, Diliman. Si Dr. Maceda ay awtor ng Bride of War: My Mother’s World War II Memories (Anvil, 2012), at Mga Tinig mula sa Ibaba (UPD OVCRD, 1996). Naging patnugot din siya ng maraming libro, at tagasalin ng mga likhang pampanitikan mula sa Cebuano.

Nagtapos siya ng kanyang masterado mula sa Ateneo de Manila University, at doktorado sa Philippine Studies sa UPD. Isa si Dr. Maceda sa mga nagsulong ng Filipino sa konstitusyong 1987.
Ipinanganak noong 1949 sa Cebu, nagkaroon sila ng limang anak ng kanyang asawang si Delfin. Mentor sa di-mabilang na estudyante at kapwa guro, hindi malilimutan ang kontribusyon ni Dr. Maceda sa pag-aaral ng popular na kultura, panitikan, at Araling Pilipino.
Teresita Gimenez Maceda, Enero 9, 1949 – Disyembre 10, 2019.