Inilunsad nitong nakaraang Sabado, Disyembre 14, ang Tomas, Volume 3, Issue 1, 2018-2019, sa opisina ng UST Center for Creative Writing and Literary Studies. Issue editor si Augusto Antonio A. Aguila, awtor ng The Heart of Need and Other Stories (UST, 2013), at managing editor naman si Chuckberry Pascual, awtor ng Ang Nawawala (Visprint, 2017). Pareho silang Resident Fellow ng CCWLS.

Bahagi ng programa ang pagbabasa ng mga awtor na kani-kanilang pyesa. Nagbasa ng mga tula sina Adrian Ho, Kid Orit, at Paul Castillo.
Ang ilan sa mga akdang nalathala sa Volume 3, Issue 1, ng Tomas ay kritikal na sanaysay ni Vlad Gonzales tungkol sa mga dula ni Floy Quintos, kritikal na sanaysay ni Dr. Joyce Arriola tungkol sa mga pelikulang base sa mga komiks na base sa mga korido, kritikal na sanaysay ni Louie Jon Sanchez tungkol sa mga soap opera sa radyo, mga tula ni Francis Macasantos (SLN), tulang pambata ni Dr. Eugene Evasco, flash fiction ni Quintin Pastrana, maikling kwento ni John Jack Wigley, at dulang Tao Po ni Maynard Manansala.
Lubos-lubos ang pasasalamat ni Dr. Cristina Pantoja-Hidalgo, direktor ng UST CCWLS, sa mga dumalo sa paglulunsad, lalo na’t palala nang palala ang sitwasyong pangtrapiko sa Pilipinas. Pagkatapos ng munting salo-salo’y nag-book exchange ang mga contributor sa Tomas at fellow ng CCWLS.
Taunan ang publikayon ng Tomas, at ang mga interesadong magsumite ng pyesa’y maaaring komunsulta sa kanilang Facebook page, dito, para sa mga update mula sa Center.