Pitong Tesis Hinggil sa Panitikang Konseptwal at Sining Post-Konseptwal sa Panahon ng Krisis ng Imperyalismong Hegemonya

To be sensuous is to be an object of sense, to be a sensuous object, and thus to have sensuous objects outside oneself—subjects of one’s sensuousness. To be sensuous is to suffer. A human being as an objective, sensuous being is therefore a suffering being—and because he feels what he suffers, a passionate being. Passion is the essential force of man energetically bent on its object.
—Karl Marx, 1844 Economic and Philosophic Manuscripts (1964, 182)

E. San Juan, Jr. (larawan (c) E. San Juan, Jr.)

Paunawa/Babala

Tila isang kalabisan o kakatwang aksidente ang pagsisikap ritong tumalakay sa paksang iminungkahi ko sa kasamang U Eliserio sa gitna ng masahol na sitwasyong umiiral sa buong kapuluan. Pumuputakting kontradiksiyon, tagisan, dalamhati’t daing  magkabilaan. Ngunit saan ka man bumaling, kaharap mo ito.

Bukod sa madugong pagpaslang sa mahigit 30,000 suspetsang adik ng droga, biktima ng tokhang pagsugpo sa tumututol o nagpoprotesta, mahigit 5,000 biktima ng EJK—“extra-judicial killing” ng PNP-AFP at para-militari vigilantes ng rehimen. Mahigit $148 milyon taun-taon ang ibinigay ng U.S. sa diktadura sa alibi ng Operation Pacific Eagle, isang kontra-insurhensiyang planong kaakibat ng Oplan Kapanatagan. Mababanggit ang ilang tagapagtanggol ng karapatang pantao ang pinuksa ng rehimen kamakailan: Elsa Badayos at Benjamin Ramos sa Negros,  Ariel Diaz, Mariam Uy Acob, Butch Rosales, Randy Malayao, at marami pang di kayang banggitin dito. Kasalukuyang tinutugis sina Angie Ipong, Antonieta Dizon, at iba pang masugid na taliba ng kapakanan at karapatan ng masang proletaryo’t magbubukid. 

Sa harap na kasindak-sindak na mga pangyayaring ito, ano ang lohika ng diskursong ito hinggil sa kontemporaneong sining? Ano ang katuwirang kailangang paigtingin ang kuro-kuro’t argumento tungkol sa takbo at direksiyon ng makabuluhang panulat at maantig na performans? Bakit makatuturan ang gawaing pagsusuring pangkultura sa kabila ng kasuklam-suklam na katampalasang ipinahihintulutan, ang “impunity” ng mga padrino ng barbarismong laganap?

Baka mabigyan ng oryentasyon ang masalimuot na problemang ito sa buntot ng pagsubok-bulatlatin ito. Samantala, ilugar natin ang konseptong kasangkot sa sanaysay na ito sa ilang tesis o panukala. Huwag isapantaha na ang bawat aspekto ng kultura ay tuwirang repleksiyon ng ekonomya—ang deterministikong eskema na ibinibintang sa Kaliwa—sapagkat, kung tutuusin, taglay ang relatibong autonomiya ng sapin-saping pitak ng pormasyong sosyal (Morawski 1973, 10-12). Naipaliwanag ito ni Marx sa kaniyang puna tungkol sa matagalang pag-akit ng sining ng klasikong Gresya, at nina Georg Lukacs, Antonio Gramsci, at Rosa Luxemburg ang masalimuot na ugnayan ng relasyong sosyal at produktibong pwersa. 

TESIS 1: Upang masapol ang politika ng totalidad, maingat na ipaliwanag ang artikulasyon ng bawat sangkap ng penomena sa tiyakang paggalaw/pagsulong nito. Kailangang ikonteksto sa kongkreto’t detereminadong espasyo ng kasaysayan ang mga paksang kompikado tulad ng “tendendisyang pampulitika,” “realismo,” porma, anyo, ideologhiya, dating, epekto, atbp. “Laging isingit sa daloy ng kasaysayan”—ito, sa pakiwari ko, ang mabisang islogan sa pag-imbestiga sa aksyomang matatagpuan sa alinmang talakayan hinggil sa ideolohiya at aktibidad pangkabihasnan saan mang lugar.

Historiko-Materyalismong Panuntunan

Sa diskursong ito hinggil sa sining, pundamental ang araling nakabuod sa 1844 Economic & Philosophic Manuscripts (na masidhing sinundan sa “Theses on Feuerbach,” The German Ideology at Grundrisse) ni Marx. 

Umpisahan natin sa pagbuwag sa atomistikong proposisyon ng liberalismong kaisipan nina Locke, Hobbes, Bentham, atbp.  Ang indibidwal na nilalang sa lipunan ay totalidad ng kaisipan at karanasang nakapaloob sa lipunan—tunay na utak ng pamumuhay sa lipunan bilang natural o pangkalikasang totalidad ng buhay. Nang umiral ang pribadong pag-aari, lumaganap ang alyenasyon sa pagkasukol sa obhetong dagling magagamit, maipagbibili (trabahong nabibili); resulta nito ay pagdaralita, paghihikahos sanhi ng di-pantay na distribusyon ng yaman, ang produktong sosyal, at lakas-pampolitika.

Pag-inog ng Moda ng Produksiyon

Tinutukoy rito ang transisyon mula piyualismo tungo sa kapitalismo sa Europa (pwedeng ikompara ang kaibang transisyon sa Asya at Aprika). Kailangang makahulagpos sa kapangyarihan ng pribadong pag-aari (kapital, salapi) kung nais matamo ang pagkapantay-pantay. Sulat ni Marx: “The transcendence of private property is therefore the complete emancipation of alll human senses and quallities, but it is this emancipation precisely because these senses and attributes have become, subjectively and objectively, human. The eye has become a human eye, just as its object has become a social, human object—an object made by man for man. The senses have therefore become directly in their practice theoreticians” (1964, 139).

Dahit sa pangingibabaw ng hangarin sa akumulasyon ng tubo/kapital, napawi na ang pagka-“theoretician” ng pandama. Pagnilayin natin ang pahiwatig ni Marx: “Only through the objectively unfolded richness of man’s essential being is the richness of subjective human sensibility (a musical ear, an eye for beauty of form—in short, senses capable of human gratification, senses affirming themselves as essential powers of man) either cultivated or brought into being… The forming of the five senses is a labor of the entire history of the world up to the present” (1964, 141).  Samakatwid, ang kaalaman hinggil sa sining ay nakaugat sa kasaysayan ng tao sa lipunan.

TESIS 2:  Bukod sa hinuha na ang tao ay bahagi ng kalikasan, ang katauhan ay bunga ng kolektibong praktika ng tao sa lipunan sa bawat yugto ng kasaysayan. Bukod sa suhetibong sangkap ng kamalayan, kailangan ang obhetibong kapaligiran, ang mundo ng mga bagay sa kalikasan: “Thus, the objectification of the human essence, both in its theoretical and practical aspects, is required to make man’s sense human, as well as to create th human sense corresponding to the entire wealth of human and natural substance.”  Hindi nangyari ito dahil sa pagsipot ng ekonomya ng komoditi-petisismo, salapi/tubo, kapital.

Epoka ng Konsumerismong Migrante

Buhat pa sa simula ng industriyalisasyon, at paglaganap ng komoditi-petisismo, nabulid sa gayuma ng palengke ang artista: napilitang maging komoditi ang likhang-sining. Kantidad, hindi kalidad, ang mahalaga. Nawala ang “aura” ng aristokratikong pagturing sa sining (argumento ni Walter Benjamin), ngunit hindi naman bumulas ang demokratikong pananaw sa hanay ng mga artista at kritiko. Sa halip, estesismong anti-burges ang namukadkad. Masisilip ito sa kilusang romantisismo, simboiismo, impresyonismo, hanggang suryalismo, kubismo, at expresyonismong abstrak. Mula sa pagtakwil sa komoditi-petisismo sa sining, nabunsod ang artista sa pag-ayaw sa tradisyonal na paraang biswal sa eskultura, pintura, teatro—bawa’t pangyayari, kilos o salitang nabigkas ay maipapalagay na likhang-sining, o isang halimbawa ng makabagong sining. Singaw lamang ng ulirat/imahinasyon ang obhetibong istatus ng likhang-sining—abstraktong kaisipan, ideya, ang dapat ipagbunyi.

Buhat sa panahon ng paghahati ng lipunan sa iba’t ibang uri, mula panahon ng barbarismo tungo sa yugto ng pagkaalipin ng marami, piyudalismo hanggang kapitalismong merkantil, naghiwalay ang dating magkasanib na gawaing manwal at gawaing intelektwal. Sa kalangkap na dibisyon ng kamay at ulo, naghari ang ilusyon na mas makabuluhan ang ulo kaysa kamay (Thomson 1974; Sohn-Rethel 1978). Naisusog din ang malaking agwat, at superyoridad, ng sibilisadong lungsod sa primitibong nayon, ang edukado/marunong-sumulat na tao kumpara sa pesanteng hindi makabasa o makasulat.

Ang siyensiya ng estetika (pagkaunawa sa kagandahan) ay produkto ng kasaysayang kakikitaan ng dibisyon ng ulo at kamay. Lumilkha ang artista ng pintura hindi lamang para sa isang indibidwal, kundi isang indibidwal na karapat-dapat sa likhang-sining. Subalit sa panahon ng kapitalismo, naghahari ang alyenasyon sa puso ng bawat indibidwal.  Sa mga kolonisadong bayan tulad ng Pilipinas, lalong pinalubha ito ng sekswal at rasismong bigat ng pananakop ng ”white supremacy.” Maski na sina Marx at Engels ay apektado ng etnosentrikong maka-Kanluran, na winasto nina Lenin, Ho Chi Minh, Mao, Fanon, CLR James, W.E.B. Du Bois, atbp.

Modernisasyon ng Kamalayan-sa-Sarilli

Walang permanenteng esensiya ang pagkatao. Laging bukas sa transpormasyon ng relasyon sa lipunan, sa pagbabago at pag-unlad ng puwersa sa produksiyon (kabilang na ang dunong o agham). Pumasok na tayo sa epoka ng modernismo’t postmodernismo, sa panahon ng kirisis ng monopolyo-kapitalismo simula sa Komunalismong Insureksiyon sa Pransiya noong 1871 at Rebolusyong Bolshevik sa Rusya. Pagkaraan ng Pangalawang Digmaang Pandaigdig, at Cold War, nasadlak tayo sa malalang krisis ng kapitalismong neoliberal at teroristika hanggang kina Trump at Duterte—isang malupit at mabagsik na reaksiyonaryong antas ng kapitalismong batay sa utang (credit; pinansiyang dimensiyon), mabilisang sirkulasyon ng kapital/tubo, at malimit na digmaang rehiyonal upang makontrol ang teritoryong nag-aangkin ng hilaw na materyales, laluna langis at likas-na-yamang kailangan sa teknolohiya ng kompyuter at sandatang lumilipad (drones, nuclear rockets). 

Lumilitaw na magkasabwat pa rin ang polaridad ng ideya at pandama, ang maramdaming (sensuous) sensibilidad at intelihensiya, kahit ipinataw ang prioridad sa intelektwal na gawain.

Sa bagong milenyum, kaalaman/kabatiran ang pinakamahalagang komoditi na ipinagbibili’t ipinaiikot. Pati na ang siyensiya at ideolohiyang kaakibat nito. Ang konsepto o konseptwalisasyon ang itinatampok na susi sa paglago ng kapital, akumulasyon ng tubo. Sa elektronikong paraan ng pamilihan, tila ang pinakaimportante ang abstraktong hinuha, isip, balak, eskema. Makikita ito sa algoritmikong eksperimentasyon ng mga manunulat sa antolohiya nina Craig Dworkin at Kenneth Goldsmith, Against Expression (2011) na nakapokus sa avant-garde eksperimentasyon ng mga EuroAmerikanong manunulat. Tahasang tiwalag sila sa progresibo’t rebolusyonaryong praktika sa panitikan/sining ng mga Aprikano-Amerikano at mga sambayanang naghihimagsik laban sa imperyalismong Norte-Amerikano, ang mga bansang pinagmulan nina Pablo Neruda, Cesar Vallejo, Jorge Borges, Gabriel Garcia Marquez, Ernesto Cardenal, Che Guearra, atbp. Nalubog din ang konseptwalismo sa rasista-etnosentrikong prehuwisyong bunsod ng kapital.

TESIS 3:  Igiit natin ang diyalektikang relasyon ng kalikasan at kasaysayan. Magkabilang dulo ng parametro ang dapat kalkulahin: kalikasan/natural na kabuhayan ng tao na nakasilid sa parametro ng kasaysayan. Samakatwid, sa pagsusuri’t pagkilatis sa sining, kailangan timbagin at tasahin ang diayelektikang prosesong kasangkot ang nadaramang kapaligiran ng kalikasan at ang pagsulong ng kasaysayan ng lipunan sa paglinang sa malikhaing enerhiya ng tao. Ayon kay Marx, kontra sa ideyalismong gawi ng mga romantikong pilosopo tulad nina Kant at Schiller, ang kakayahang pandama ay hindi maiwawaksi sa sining, at kailangang isalin sa obhetibo’t kongkretong laman ang ideya o abstraktong hinuhang sumibol sa damdamin o utak (Lifshitz 1973, 78-79). 

“Lahat ng matigas ay natutunaw at sumusingaw”

Ang teorya ng sining konseptwal bilang “dematerialization” (ayon kay Lucy Lippard [1967]) o paglusaw sa kalamnan, ay hango sa praktika ng mga artista noong dekada 1960 na batay sa proseso at sa performans ng kilusang Fluxus (laluna si Yoko Ono), Mababanggit ang mapangahas na pahiwatig ng ideyalismong pampilosopiya ni Joseph Kosuth: “All art (after Duchamp) is conceptual (in nature) because art only exists conceptually.” Ibig sabihin, di na kailangan ang kalikasang nadarama, sapat na ang naisip,ang haka, ang diwang pabuod.  Natuklasan ni Peter Osborne na mas angkop ang pagdugtong nito sa avantgarde ng Sobyet Unyon. Ayon kay Eli Lissitzky, ang paglusaw ng laman ay kaugnay hindi sa wika, konsepto o representasyong mental, kundi sa enerhiya o siglang mababakas sa makina, sa teknolohiya:

“The idea moving the masses today is called materialism, but dematerialization is the characteristic of the epoch. For example, correspondence grows, so the number of letters, the quantity of writing paper, the mass of material consumed expands, until relieved by the telephone. Again,the network and material of supply grow until they are relieved by the radio. Matter diminishes,we dematerialise, sluggish masses of matter are replaced by liberated energy. This is the mark of our epoch” (1967, 40). 

Akumulasyon ng niyaring bagay ay nangyayari upang malusaw ang mga produkto/komoditi.  Sa punto-de-bista ng konstruktibistong Lissitzky, ang solusyon sa pagdami ng nilimbag at nilathalang babasahin ay ang elektronikong aklatan (Scharf 1974, 164)—propetikong hula sa pagdating ng Google at Website Gutenberg! Pati na rin ang kompyuterisadong paghabi ng tula/kuwento/nobela ayon sa logorithm sa Internet. Madaling kinopya ni Kenneth Goldsmith ang rekord ng awtopsiya ng pulis sa bangkay ni Michael Brown na pinaslang noong 13 Marso 2014 sa Ferguson, Missouri.  Walang atubiling inangkin ni Goldsmith sa isang tulang binigkas ang report ng awtopsiya sa isang publikong performans noong 17 Marso 2015. Nagulat, nasindak ang madla. Itinuring ng mga kalahi ni Brown na terorismong akto iyon at pinuntirya ang makata sa Internet at medyang sosyal. Pinagbantaan. Patibay ito na hindi maitatago ang politika-ideolohiyang simbuyo ng anumang panitik, bigkas o sinulat, sandaling makaakit ito ng atensiyon o makapukaw sa damdamin ninuman (ineksamen ko ang implikasyon nito sa artikulong lumabas sa e-djornal Kritike (San Juan 2019b; tingnan din ang San Juan, Kontra-Modernidad, 2019a).

Hinggil sa imperyalismong pangkultura, pagtuunan ng masusing analisis ang puna ni Luis Camnitzer, iskolar mula sa Uruguay, tungkol sa “cultural rape” na hagkis ng Kanluraning sining sa mga kolonya at neokolonya nito (1999, 224-31). Parabula itong lapat sa mga kasama natin “sa loob at labas ng bayang sawi” na humahanga kina Beyonce, Lady Gaga, Leonardo di Caprio, Hitchcock, Foucault, Deleuze, at Biennale sa iba’t ibang metropolis. Totoo, hindi unibersal ang programa ng konseptwalismo, gaano man ito pinag-uusapan sa akademya at kumakalat sa social media (tulad ng blogspot na kasalakuyang sinusubaybayan ninyo) at kwadro/entablado ng Smartphone G5. 

Sa larangan ng pag-unlad ng paraan ng komunikasyon, Ikinumpara ang wikang ginagamit araw-araw sa tuwid na paglakad, sumunod ang sulat at gulong, sinundan ng imprenta ni Gutenberg at karitong hinihila ng kabayo, pagkatapos ang kompyuter at digital kaagapay ng automobil, eruplano, rocket.  Sa bilis ng pagbabahagi ng impormasyon at ideya, nawala ang bagay na namamagitan: behikulo, kasangkapan sa paglalahad o pakikipagtalastasan. Wari’y lumulutang ang mensahe, lumilipad ang kaisipan, haka at hinuhang hulagway sa himpapawid. Napalitan na nga ang wika ng lenguaheng grapik o hieroglypiko sa manga ng Hapon. sa inilarawang kuwento at nobela. Unibersal ang senyas na ginagamit, hindi na alpabetikong nasyonal, upang ikalat ang isang ideyal na diskurso ng proposisyong pampilosopiya. Importante lamang ang proseso ng pagpapalitan, pag-ikot ng komodity, ang exhange-value nito.

Sari-saring konseptwalistang sining ang namukadkad mula sa Anglo-Amerikanong pagtataguyod nito, kaya matinining ang tendensiyang unibersal sa manifesto nina Sol Lewitt. Bochner, Baldwin, Graham at iba pa. Naging plural o relatibistiko ang konteksto ng konseptwalismo, depende sa lugar: Moscow, Latino-Amerika, Tsina, Czech, at natural, sa Pilipinas (kaiba iyon sa lohika ng mapanghimagsik na panitikan na itinagubilin at iginiit nina Roque Dalton, Paul Laraque, Arturo Arias at Martin Espada, atbp. sa antolohiyang Art on the Line [Hirschman 2002).

Umigpaw sa Klasikong Kategorya at Pamantayan

Naimungkahi na sa unang imbestigasyon ni Osborne na nagbuhat sa pananaw ng mga Alemang Romantiko ang praktikang pampilosopiya ng isang kaisipan tungkol sa sining na hindi nakasalig sa midyum o bagay (materyal mula sa buhay o karanasan). Sa klasikong prinsipyo nina Plato at Aristotle, ang sining ay isang teknik o galing ng artesano sa paghuhugis ng materyal na bagay, sa pagdulot ng karapat-dapat na porma o anyo sa hilaw na materyales (Mure 1940, 10-11). Mapagpasiya ang birtud o karakter ng manlilikha, ng eskultor, pintor o manunulat.

Katumbalikan ang nangyari nitong dekada 1960-70: Nawalan ng interes ang mga artista sa objeto o likhang idinisenyo sa studio ngunit ginawa sa ibang lugar ng mga sanay na artesano. Naitampok ang proseso ng pag-iisip o imahinasyon higit sa pisikal na ebolusyon ng produkto. Turing ni Sol LeWitt na “The idea becomes a machine that makes the art,” halimbawa ang kaniyang instruksiyon sa mga delinyante: “Ten thousand random straight lines drawn by one draughtsman, 1,000 lines a day,for ten days, within a 120 square. Lines not short, not straight, crossing and touching, drawn at random, using four colours…uniformly dispersed with maximum density covering the entire surface of the wall” (Godfrey 1998, 153). Tiwalag sa ilusyonismo ng pintura, ang marka sa pader ay buburahin ng delinyante, pansamantalang likha lamang iyon, hindi mabibili—ang may birtud ay ang plano o intensiyon na nahinog sa utak-matris ng artista. 

Hindi inobasyon ang pagtagubilin ng arkitekto sa mga manggagawa ng gusali kung ano ang dapat isakatuparan. Tulad ng pag-utos ni I.M. Pei  na itayo ang 70-piye piramidong bubog o kristal sa patyo ng Louvre, Paris. Siya ang umimbento at humubog ng istruktura sa papel, iba ang tumupad sa konstruksiyon (“Obituary,” The Economist 2019, 78).

Kompigurasyon ng Pagsasanay

Hulma sa gayong pangitain ang 1969 eksibit ni Robert Barry sa Amesterdam. Ipinaskil niya sa pinto ang babala: “during the exhibition the gallery will be closed.” Wala namang likhang-sining sa loob. Noong 1960, sa bisa ng dinamita, lumikha si Lawrence Weiner ng ilang bunganga o butas sa lupa sa Mill Valley, California. Metodo ng pagbawas, hindi pagdagdag, ang itinampok rito. Iniwan na ni Weiner ang pintura, binuhos ang atensiyon sa wika/lenguahe bilang materyal. Sa librong Statements (1968), mababasa ang mga atas o turo, halimbawa:

One standard dye marker thrown into the sea

A series of stakes set in the ground at regular intervals to form a rectangle

Twine strung from state to stake to demark a grid. (sipi sa Godfrey 1998, 166)

Isinakatuparan ni Weiner ang paniniwalang ang sining ay hindi pagyari ng bagay na babansagang “sining,” kundi ang dapat asikasuhin ay ito: “the relationship of human beings to objets and objects to objects in relation to human beings.” Kataga, parirala kakabit ang ilang guhit ng linya, ang idinidikit ni Weiner sa dingding sa gallery, sa mga gusali, tulay, takip ng tuberiyas, at mga publikong espasyo—isang sining ng impormasyong puro, kaalaman o kabatirang idinaraan sa koreo, telex, radyo, sistema ng telepono, TV, Internet (tingnan Toffler 1990, 312-50).  Gayunpaman, gamit ni Weiner ang marka, senyas ng alpabetikong lenguwaheng naikikintal sa pader o dingding o saanmang masusulyapan iyon. Hindi niya nakaligtaan ang payo ni Marx.

Anarkistang Doktrina, Nihilistikong Avant-garde

Kung sa partikular, ang krusyal na elemento ay ang utos, mando, tagubilin, o instruksiyon mula sa utak/ulirat ng artista para sa manwal na tagahubog o tagayari, ano ang kaibhan nito sa mga balak ng mga anarkista?  Halimbawa, sa libro ni Hakim Fey, bantog na imbentor ng T.A.Z. (“Temporary Autonomous Zone”), mababasa ang “Some Poetic-Terrorist Ideas Still Sadly Languishing in the Realm of ‘Concepual Art’”:

“1.  Walk into Citibank or Chembank computer customer service area during busy period, take a shit on the floor, & leave….

5.  Invoke a terrible curse on a malign institution, such as the New York Post or the MUZAK company. A technique adapted from Malaysian sorcerers: send the Company a package containing a bottle,corked and sealed with black wax. Inside: dead insects, scorpions, lizards or the like…” (2003, 28-39).

Performans art ito lulan ang probokasyong pampolitika. Ikumpara ito sa higit kilalalang interbensiyon ni Yoko Ono, pangunahing artist ng kilusang FLUXUS. Upang mapisil ang malaking pagkakaiba sa tono at punto ng dalawa, sisipiin ko ang dalawang instruksiyon ni Yoko Ono. Noong 1962, sa ilalim ng pamagat na “Wall Piece for Orchestra,” mando niya: “Hit a wall with your head.”  Noong 1964, sa pamagat na “Snoring Piece, naimungkahi niya: “ Listen to a group of people snoring. / Listen till dawn.” Payo pa niya sa takip ng libro: “Burn this book after you’ve read it.” (1998).

Tuwirang hamon at mabagsik na hagkis ang ginawa ni Hakim Bey. Hindi likhang-sining ang nais niya kundi dagling pagpukaw/paggambala sa Establisimiyento at dagling pagsira sa umiiral na orden. Sa kabilang dako, ang mando o panukala ni Yoko Ono ay alok o panambitan sa nakikinig o nagbabasa, isang hiling na maaaring gawin o hindi, nakatutok sa impak sa damdamin o dalumat ng sumusunod sa mungkahi. Sindak ang layon ni Bey, mahinahong paglilirip at repleksiyon ang layon ni Ono. Sino ang mas subersibong artista?  Balik-aralin ang rebolusyon ng art-for-art’s sake nina Baudelaire, Flaubert, Oscar Wilde, Jose Garcia Villa, na isang sampal sa burgesiyang nagtuturing na lahat ay mabibili, pati Mona Lisa ni Leonardo da Vinci o komposisyon nina Mozart at Beethoven. 

TESIS 5. Walang makatatakas sa galamay ng palengke/merkado at sirkulasyon ng salapi—hanggang ito’y isinaisantabi o di-pansin. Tulad ng ateistang kakambal na mga naniniwala, ang konseptwalista ay kasiping ng anti-konseptwalista: ang realistiko at romantikong artista. Pag-iisa ng magkahidwa: isang katangian ng kontradiksiyong umiiral sa burgesyang orden.

Sa pangitain ng konseptwalismo, ang mahalaga ay singularidad ng intensiyon, ng tangka o balak, hindi  epekto o kahihinatnan. Sa gayon, ang posisyon ng artista sa gitna ng lipunang sakmal ng palengke/konsumerismo, kung saan ang istandard at doktrina ng burgesya ang naghahari, ay nagpapahiwatig na ang indibidwalistikong estilo ng dalawa (ang estetisismo at konseptwalismo) ay tanggap ng makapangyarihang awtoridad. Hindi mapanganib at hindi makapinpinsala sa komersiyo, bagkus pang-aliw lamanag sa madlang naghihirap at nagdaralita sa ilalim ng mapagsamantalang sistema. 

Kapwa kasapakat sila ng ekonomyang nakabatay sa akumulasyon ng tubo sa negosyo.

Simulakra ng Utopya: Pagbabalatkayo ng Komoditi

Binansagang anti-form, seryalismo ito sa umpisa. Nakaraan na ang matagumpay na paglalangkap ng formang pansining at materyales, dumating na ang disintegrasyon ng likhang-bagay; alalaong baga, ang paglaya ng abstraktong ideya. Dumaan ang praktika ng sining sa Minimalism, hindi na kailangan ang katawan (kamay) sa imitasyon o reproduksiyon; pumaibabaw na ang lohika ng matematika na nagpapatibay na pwedeng lumikha ng sining mula sa prinsipyo, diyagrama, o hinuha na yumayari ng kahulugan. lihis o waglit sa kapaligirang realidad (Lippard 2000, 46-47).

Sa halip na patalasin ang istratehiya ng representasyon, itinanghal ang krisis ng realidad—ang gulo, ligalig,kasaligutgutan—at ilunsad ang isang walang katapusang proseso ng paghihimay, pagtatanong, pagbulatlat. Sa pagtahak sa ganitong landas ng produksiyon, naipalagay ng ilang kritiko na ito ay nagsisilang ng bagong suheto/ahensiya, bagong kasiyaan/kakayahan. Tumpak kaya iyo? 

Sa pagtatasa ng marxistang kritiko, si Stefan Morawski, ang pagwawaksi sa halaga ng porma, teknik o ekspresyon, ay bunga ng pagdiin sa elemento ng laro, ng biglang pangyayari (“happenings”), at pagsasadula ng karanasan (“theatricalization”). Kay Morawski ang sining ay kolaborasyon ng artista at awdiyens, hindi maipaghihiwalay ang dalawang sangkap sa estetikong danas. Hindi makakaligtaan ang estruktura o porma. Kahit sa pelikulang nakaangkla sa collage (Godard) o sa musikang walang umpisa o waka (Stockhausen), hindi maiaalis ang  pagsasaayos ng kabuuan, na namumukod sa panahon/espasyong pangkahalatan—samakatwid, estruktura o pormang hindi tradisyonal. Halimbawa niya ang praktika ng pagsulat nina Jean Genet at Alain Robbe-Grillet. Lagom niya: walang awtonomiyang likha na hindi nakaugat sa kombensiyon ng sining, na nakabuod sa panlasa o kabatiran ng nagpapahalaga at nagpapakahulugan sa obheto, pangyayari, o senyas na bunsod ng damdamin/sensibilidad ng artista (Morawski 1974, 120-21). Halaw ito sa turo ni Marx.

Teknik Muna O Birtud ng Sensibilidad?

Mapapansin na lubos na may tendensiyang determinismong teknolohikal ang pananaw ni Lissitzky at ang mekanikal na ruta ng pag-unlad ng sining sa naratibo ni Lippard. Idiniin ni Lippard ang halaga ng simplisidad, kaisahan ng ayos, sa siyentipikong pananaw. Wala ang damdamin, ekspresiyon, empirisistikong rasyonalidad sa eksperimentasyon, atbp  Naisantabi ang tradisyonal na midya sa paggamit ng elektronikong midya at madulang performans sa pintura at eskultura. Bumigat ang papel na ginagampanan ng panahon, na laging nag-aakay tungo sa gulo, ligalig, kalligutgutan—sa madaling salita, “entropy.” Bumaba ang papel na ginagampanan ng espasyo/lunan. Sintomas ba ito ng pagkawala ng komoditi, ng bagay na magagamit at magdudulot ng kasiyahan, luwalhati, kabusugan.

Hilig rin ng mga postmodernong manlilikha na isangkot sa kanilang gawa ang elemento ng pagbabaka-sakali o aksidente, pati implikasyon ng gusot o gulo. Hiniram ang ideya ng indeterminasyon at relatibismo sa makabagong siyensiya (Einstein, Heisenberg, Godel),  Kung wala nang bagay na matatawag na likhang-sining na makikita o madarama, ang ideya lamang ang importanteng atupagin, hindi na kailangan ng distansiya. Mas higit ang makukuha sa katiting o kapurit. Tila doktrina o dogmatikong susog ito. Sa tingin ni Lippard, “the artist has achieved more with less, has continued to make something of ‘nought’ fifty years after Malevich’s White on White seemed to have defined nought for once and for all (2000, 50). Subalit ang kawalan ay makahulugan pa rin dahil sa obhetibong kapaligiran. 

TESIS 6: Nakalimutan ng mga teorista ang leksyion tungkol sa kontradiksiyon sa penomenolohiya:  bawat konsepto ay tigib ng kontradiksiyon. Kaya walang purong absktraksyon sa ideya o konsepto; may salik na kongkreto ang abstraksiyon. Dinadaliri lamang natin ang kongkretong abstraksiyon sa bawat analisis ng kapaligiran (Lefebvre 1968, 88-100). Nakaligtaan ang diyalektikang pagkilatis at pagtaya. Paglimiin dito ang diyalektika ng pagsasanib/paghihiwalay ng “use-value” (halagang paggamit) at “exchange-value” (halagang pampalitan). 

Bagong Relihiyon ng Makina

Kay Goldsmith, ang sirkulasyon at konsumerismong pagpapalipat-ng salita ang gumagabay sa kaniyang panitik, hindi panlasang maselan o pihikan: “We deal in active language, passing information swiftly for the sake of moving it…focused all day on powerful machines with infinite possibilities, connected to networks…” (2011, xix). Matalinghagang katumbalikan: sa hangaring makahulagpos sa batas ng lipunan, tinawagan ng konseptwalistang artista ang lakas ng teknolohiya, akalang makatutulong ito, lingid sa katunayang itutulak siya sa deterministikong sulok kung saan ang magpapasiya ng tadhana para sa kaniya ay operasyon ng tubo/kapital, ang diktadura ng tubo/komoditi-petisismo na bulag o walang unawa sa anumang kagustuhan ng tao.

Tanggap na nawalan ng interes sa gawaing manwal ang konseptwalistang artista. Paalaala ni Weiner sa isang manifesto: pwedeng ipabrika ang likhang-sining, pwede ring hindi, at hindi kailangang yariin o gawin. Batay ito sa lohikang naka-pokus sa awdiyens, iginigiit ang halaga ng dating: “Each being equal and consistent with the intent of the artist, the decision as to condition rests with the receiver upon the occasion of receivership” (2007, back cover). Sa ultimong kaso, umapela sa pandama/damdamin ng kustomer.

Lapit sa Dating: Transpormasyon ng Dati?

Ang pagbaling sa konteksto ng madlang tumatanggap ay nagpapahiwatig na ang konseptwalistang ideolohiya ay kakaiba sa klasiko, romantiko o modernistang gawi. Ipinalagay itong postmodernistang tendensiya. Ngunit ito’y hindi lamang usaping pang-estetika kundi usaping sosyo-politika, sularining moral at etikal. Bakit? 

Limiin ang obserbasyon ni Morawski: “Conceptual art has gone further  than either the depersonalized technological art of constructivism [such as those of Lissitzky or Malevich] or the destructive gestures of dada [Duchamp and those after], and its critical stance is accordingly the most extreme.  Conceptual artists assume that their product is primarily and rightly an inquiry into the troubled status of art, and that they should undertake their work in a manner similar to that of the critic” (1974, 92). 

Magaling!  Ang konseptwalismo, samakatwid, ay kritisismo ng institusyon ng sining at araling pansining. Matutukoy rito ang mimetiko-ekspresibong sayaw/riwal na ginanap ni Vito Acconci, inilarawan ni Smith (2974, 266-67). Hindi lamang limitado sa palasak na problema ng pagsasakatuparan sa regulasyong idinikta nina Aristotle, Kant, Croce, John Crowe Ransom, Harold Bloom o Jacques Derrida. Pag-ayaw at pagbatikos sa tradisyon at kaugalian ang pakay ng conceptwalistang transaksiyon.

Ang temang ito ay igniit ni Peter Osborne, isang awtoridad sa diskursong ito, sa kaniyang masaklaw at masinop na talaan ng sining-konseptwal. Inilahad niya na ang pagsisiyasat sa institusyong nagbibigay-halaga at kahulugan sa likhang-sining ay umaandar sa pamamagitan ng pagkakaiba ng kapangyarihan ng mga pwersang panlipunan. Ibig sabihin, ang sining ay isang tipo ng ideolohiya na kalakip sa pagtatagisan ng mga pwersang bumubuo sa orden ng lipunan. Naibunyag ito sa mga pagsusuri’t imbensiyon nina Daniel Buren, Marcel Broodthaers, Hans Haacke at Michael Asher hinggil sa impluwensiya ng mga espasyo tulad ng museo, galerya, arkitektura’t pook ng pagtatanghal sa sining (Osborne 2002, 164-73). Meta-komentaryo ang bira ng konseptwalismo, sagad sa batis o pinagmulan ng paghahati ng kaalaman/kultura sa iba’t ibang bahagi: sining, ekonomya, politika,heograpiya, sikolohiya, atbp.

Winasak nito ang mga hanggahan, linya ng demarkasyon (kawangki ng demarkasyon ng siyudad sa nayon, kamay at utak), tungo sa isang integral na totalidad ng kabuhayan. 

Balangkas ng Bumabalikwas

Sa puntong ito, nais kong idagdag bilang sintomas ng mga dapat isakatuparan sa larangan ng kritika ang sitwasyon ng pedagohiya sa atin. Tila walang-muwang pa ang talakay nina Cecilia de la Paz at Patrick Flores tungkol sa sitwasyon ng museo, sining publiko, pista, mall sa siyudad, pelikula, at iba pang halimbawa ng kultura sa Pilipinas. Nabigong isakontekstong maigi sa determinadong kolonyal/neokolonyal na kasaysayan ng bansa ang usapin sa pagtuturo ng araling pansining. Tahimik ang librong Sining at Lipunan hinggil sa impak ng komoditi-petisismo, ang tiranya ng tubo/kapital, at alyenasyong laganap na namamagitan sa kamalayan at kapaligiran. Walang diyalektikong pagkilatis sa mga kontradiksiyong pampolitikang bumubuo sa museo, espasyo ng siyudad, pista, atbp. Sa halip, bagamat salungat sa kanilang tangka, ideyalistikong politika at sopistikadong ideolohiya ng pagkilatis sa sining ang idinudulot sa estudyante’t mambabasa. Nasayang ang pagkakataong imulat ang kolonisadong panlasa’t paghusga. Sa halip napasigla ang parasitikong gawi na gumagad sa mga akademikong teksbuk ng imperyo at tangkilikin ang burgesyang istandard ng interpretasyon at panimbang.

TESIS 7:  Walang makabuluhang diskurso hinggil sa sining at panitikan kung hindi nakapaloob sa paniniwalang umiiral pa ang kapangyarihan ng kapital/tubo/komoditi-petisismo. Walang paglaya sa alyenadong bagay/materya ng likhang-sining hanggang hindi pumapanaw ang tubo/pribadong pag-aari, na saligan ng dibisyon ng trabaho (manwal versus intelektwal: materya versus porma). Walang liberasyon sa alyenasyon at salot ng paghahati-sa-uri hanggang hindi nabubuwag ang kapangyarihan ng kapital na ginawang batas sa tulong ng tradisyon, pedagohiya, relihiyon, at iba pang instrumento ng aparatong pang-ideolohiya ng Estado.

Ensayo sa Dikonstraksiyon ng Distopya

Anong asignatura ang dapat unahin? Hinugot ito sa mga premis na nailahad sa itaas, partikular sa “passion” na binanggit ni Marx. Maimumungkahi sa wakas: ang imperatibong tungkulin ay durugin ang hegemonya ng burgesyang pangitain-sa-mundo.Gawing aktwal ang birtwal sa pakikipagsapalaran ngayon, upang tugunin ang pangangailangan ng pinakadahop. Dapat lansagin ang Estado ng kapital at aparatong pang-ideolohiyang kaniig nito, ang mga nosyon, institusyon at ugali/mentalidad na kalahok—hindi lamang patriyarkong orden ng pamilya kundi paaralan, midya, simbahan, lokus ng komunidad, atbp. Hanggang hindi naisasakatuparan ito sa paglulunsad ng mabisang kontra-gahum sa mobilisasyon ng masang anakpawis at kaalyado nito, lahat ng kuro-kuro, dayalog/kolokyum, argumento tungkol sa sining o panitikan ay kabaliwang walang saysay. Isang kahiya-hiyang kundi kaululang pagbibiro ito sa harap ng ilang libong biktima ng EJK, pekeng drug-war at buladas/pagmumura ng rehimeng Duterte at oligarkyang alipores nito, na patuloy na ginugugulan at sinusulsulan ng imperyalismong U.S. at kakompitensiyang Tsina. 

Mula sa bawat isa ayon sa kaniyang kakayahan, handog sa lahat ayon sa kanilang pangangailangan. Nakalaan sa atin ang hamon ng mundong maangkin at mapagtatagumpayan!

SANGGUNIAN

Bey, Hakim.  2003. T.A.Z,  The Temporary Autonomous Zone,Ontological Anarchy, Poetic Terrorism.  New York: Autonomedia.

Camnitzer, Luis.  1999. “Contemporary Colonial Art.”  Nasa sa Conceptual Art: A Critical Anthology, ed. Alexander Alberro and Blake Stimson.  Cambridge, MA: MIT Press.

de la Paz, Cecilia & Patrick Flores.  2014. Sining at Lipunan.  Ikalawang Edisyon.  Quezon City: University of the Philippines, Sentro ng Wikang Filipino.

Dworkin, Craig & Kenneth Goldsmith, eds.  Against Expression: An Anthology of Conceptual Writing.  Evanston,IL: Northwestern University Press.

Godfrey, Tony.  1998. Conceptual Art.  New York: Phaidon.

Goldsmith,Kenneth.  2011. “Why Conceptual Writing?  Why now?” Nasa sa Against  Expression.  Evanston, IL” Northwestern University Press.

Hirschman, Jack, ed.  2002. Art on the Line.  Willimantic,CT: Curbstone Press.

Lefebvre, Henri.  1968. Dialectical Materialism.  London: Jonathan Cape.

Lifshitz, Mikhail. 1973.  The Philosophy of Art of Karl Marx. New York: Pluto Press.

Lippard, Lucy and John Chandler.  2000 [1967]. “The dematerialization of art.”  Nasa  Lissitzky, Eli. 1967,  “The Future of the Book.” New Left Review 1.41 (Jan-Feb.): 40.

Marx, Karl. 1964.  The Economic & Philosophic Manuscripts of 1844. Ed. Dirk Struik. New York: International Publishers.

Morawski, Stefan. 1973.  “Introduction.” Marx and Engels on Literature and Art. Ed. Lee Baxandall and Stefan Morawski.  St Louis; Telos Press.

——.  1974.  Inquiries into the Fundamentals of Aesthetics.  Cambridge, MA: MIT Press.

Mure, G.R. 1940.  An Introduction to Hegel.  Oxford, UK: Clarendon Press.

Ono, Yoko.  1998. Grapefruit.  New York: Simon & Schuster.

Osborne, Peter, ed.  2002. Conceptual Art.  New York: Phaidon Press.

——.  2018.  The Postconceptual Condition.  New York: Verso.

San Juan, E. 2019a. Kontra-Modernidad.  Quezon City: University of the Philippines Press.

——-. 2019b.  “Sining-Konseptwal, Panitikang Post-Konseptwal: Pilosopiya at Politika ng Postmodernong Sining.” Kritike 24 (June). Accessed Dec. 20, 2019.  <https://www.kritike.org/journal/issue 24/sanjuan june 2019.pdf>

Scharf, Aaron.  1964. “Constructivism.” In Concepts of Modern Art, ed.Nikos Stangos. London: Thames and Hudson.

Smith, Roberta. 1974. “Conceptual Art.” Nasa sa Concepts of Modern Art, ed. Nikos Stangos.  New York: Penguin.

Sohn-Rethel, Alfred.  1978.  Intellectual and Manual Labor.  Atlantic Highlands, NJ: Humanities Press.

The Economist. 2019. “Obituary I.M. Pei.” London, UK (June 1): 78.

Thomson, George.  1974. The Human Essence.  London, UK: China Policy Study Group.

Toffler, Alvin. 1990. PowerShift.  New York: Bantam Books.

Weiner, Lawrence. 2007.  As Far As the Eye Can See.  New Haven Yale University Press.

Si E. San Juan, Jr. ay Emeritus Professor of Comparative Literature sa University of Connecticut, USA. Pinakabago niyang libro ang Kontra-Modernidad: Mga Pagsubok sa Proyekto ng Mapagpalayang Pagbabago (UP Press, 2019).

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Google photo

You are commenting using your Google account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s