Kuwento ng Isang Kaibigan (Kisah Dari Seorang Kawan)

Laging mas mabilis ang pagdating ng takipsilim sa loob ng kampus sapagkat nalililiman ito ng malalabay na puno; dahil mas maagang nawawala ang sinag ng araw na hinaharangan ng mga dahon at bulaklak. Bukas na ang mga ilaw sa kalye, estasyon, plaza, at outpost ng guwardiya. Tila mas mabilis na naman ang pagdalaw ng gabi.

Ang tagasalin, si Amado Mendoza III (larawan (c) Amado Mendoza III)

Sa panahong iyon nagsisimulang maligalig ang mga palaboy ng kampus. Sila ang mga estudyante na nagsisilbing buhay at kaluluwa ng kampus: aktibista, nature-lover, alagad ng sining, at mamamahayag na talagang wala ni kubol o tulugang  matutuluyan sa tuwing sumasapit ang dilim. Tanging mga silid na nanlilimahid at sira-sira ang nagsisilbi nilang tirahan. Samantalang ang mga pasilyo, hagdanan, at silya naman ang kanilang mga kabigha-bighaning nilang kaulayaw at kasiping sa  pagtulog.

Mayroong apat na estudyanteng nag-uumpukan sa sulok ng plaza. Hindi naman na nakagugulat ang ganitong tagpo. Sa mga pagtitipong tulad nito madalas sumisiklab ang mga enggrandeng balak tulad ng mga makinasyong subersibo. Pakinggan natin ang kanilang usapan:

“Oo, militar ang tatay ko,” wika ng isa sa kanila. Matangkad ang nasabing estudyante, naka-bireteng itim na may maliit na pulang bituin na katulad ng kay Che Guevara.

“T’yak na tarantado ang tatay mo, ano?” kasama niya iyon, si Pilantod, nagpapatutsada habang nagrorolyo ng pinaglumaang papel, sinisindihan ang dulo nito sabay hihithitin. Wala ni isa sa kanila ang may sigarilyo.

“Totoo ‘yan.” wika ni Birete Guevera. “Nang malaman niyang sangkot ako sa pulitika dito, hindi na niya ‘ko muling pinadalhan ng perang pambaon.”

Nakaupo sa harapan ni Pilantod ang isang patpating estudyanteng may hilatsang mapanglaw. Wika niya, “Maliit na magsasaka lamang ang aking ama. Siya ang kauna-unahang taong bigo na nakilala ko.”

Natahimik ang tatlo niyang kaibigan. Sumisimpatiya. Pagkatapos gumitaw sa ere ng ilang sandali ng katahimikan, bigla itong binasag ni Pilantod. Wika niya:

“Guro naman sa elementarya ang tatay ko.”

“Tuta ng pamahalaan!” sabat ni Birete Guevara nang may pamimintang.

“Palaban siya, tanga! Hindi siya kailanman nangurakot. Hindi siya kailanman nakipagsabuwatan sa mga pulitiko! Marangal siyang naghanap-buhay bilang isang guro.”

Natawa na lamang si Birete Guevara nang makitang nag-iinit ang ulo ni Pilantod. Ang iba naman ay tahimik ding natawa. Tinapon na ni Pilantod sa lupa ang labi ng sigarilyong papel sapagkat nakapapaso na sa labi ang usok nito.

“At ikaw naman?” tanong ni Birete Guevara sa pinakahuling estudyante na sa simula’t sapul ay tahimik lamang na nakikinig. “Ano naman ang tatay mo?”

Napangiti lamang ang kasama nating ito na mahaba ang buhok, marungis ang mukha, at balbas-sarado. Nagsimula siyang magsalita: “Lalaya ang tatay ko mula sa kulungan dalawang buwan mula ngayon,” wika niya.

“Astig!” napabulalas si Pilantod. “Bilanggong pulitkal ba siya?”

“Kung iisipin ngayon, parang ganun na nga,” sabi ni Long Hair. “Pero hindi. Siya’y bilanggong kriminal.”

“Paano nangyari iyon?”

“Kuwento naman d’yan!”

At siya nga ay nagkuwento.

***            

Umeere mula sa silid na nilisan ng mga estudyanteng nature-lover ang musikang dangdut na hindi mawawaan. Sa kabilang panig naman ay mauulinigan ang ilang kabataang umaawit ng kantang reggae sa saliw ng magaspang at hindi kaiga-igayang pagsipra ng gitara.

Mas lalong nagsiksiksn sa  pagkakatabi ang magkakaibigan, handang makinig sa anumang kuwento mula sa isa’t isa.

Bumuwelo si Long Hair: “Nangyari ang lahat ilang taon na nakararaan,” simula niya. “May maliit na puwesto si tatay sa palengke kung saan nagbebenta s’ya ng bigas.”

Matamang nakikinig sa kuwento ang kanyang mga kaibigan, tinutupi at ikinukuyakoy ang mga paa’t binti upang mapawi ang lamig. Biglang kumalam ang sikmura ni Lugami, tanda na siya’y talagang gutom na.

“Limandaang rupiah lamang ang bigas noong panahong iyon,” ani Long Hair.

“Limandaan lang?”

“Oo.”

“Mura ‘yon.”

“Noon…lahat mura. Alam mo ‘yon.”

Sandaling natahimik ang apat, sinusubukang labanan ang pananalasa ng gutom na lalo pang pinalalala ng malamig na simoy ng hangin. Nagsimulang magsiliparan ang mga lamok mula sa isang kamay tungo sa isa pang kamay, sinisipsip ang kanilang dugo at nag-iiwan ng mga pantal sa kanilang mga braso’t binti. Mintis lahat ang minsanang paghabol nila ng hawi at sampal sa mga ito.

“Tanging ang puwesto lamang ni tatay ang bumubuhay sa amin. Nagbebenta siya ng bigas, mais, sari-saring balatong at mani, at iba pa. Naaalala ko pang nasa sulok ng palengke ang pwesto niya. Nasa isang hilera na nakalaan para sa mga nagbebenta ng bigas at gulay. Mga maliit na manininda rin lang bigas at gulay ang kasama ni Tatay sa palengke na naghahanap-buhay nang simple at tapat—isa sa masasabing natatanging birtud ng aming maliit na siyudad. Hanggang sa isang araw…”

“Nasunog ang palengke?”

“Hindi.”

“Ninakawan?”

“Hindi.”

“E ano?”

Kinamot ni Long Hair ang tungki ng kanyang ilong bago nagpatuloy: “Isang araw, bigla na lang may dumating na negosyanteng ewan namin kung saan nanggaling. Sa isang bagsakan, sa tapat mismo ng maliliit na manininda ng bigas sa palengke, ay bumili siya ng walong puwesto.”

Kinakamot pa rin ni Long Hair ang kanyang ilong, naghahanap ng kung anumang mapagtatapunan ng pansin upang malimutan ang kumakalam niyang sikmurang humihiling nang malamnan ng pagkain. Gutom na gutom na silang apat. Subalit kailangan magpatuloy ng kuwento: “Siya’y… isang mayamang negosyante…Nagbebenta rin siya ng bigas. Marami siyang benta. Maraming-marami. Pati sa bahay niya, sa pagkakaalam ko, ay nagtayo siya ng bodega na maaari niyang pag-imbakan ng bigas.

Noong una’y hindi nakaramdam ng pag-aalala ang  maliliit na manininda tulad ng aking Tatay sapagkat mayroon naman silang mga parokyano, lalo na yaong mga ina na kakilala na nila.

Maayos at matiwasay ang lahat hanggang sa isang araw ay sinimulan ng mayamang negosyante na ibenta ang bigas sa halagang 400 rupiah kada kilo.”

“At lumitaw ang demonyong kapitalista,” hirit ni Pilantod.

“Ganun na nga,” sagot ni Long Hair.

“Anong nangyari pagkatapos?” tanong ni Lugami.

“Alam mo naman siguro,” wika ni Long Hair. “Na mas kakaunti ang kikitain kung ibebenta ang bigas ng 400 rupiah kada kilo, tama? Hindi ‘yon sapat upang bumuhay ng pamilya. Pero hindi ‘yon problema para sa isang mayamang negosyante. Marami siyang pera. At noong panahong iyon, dahil mas mura ang kanyang benta, hindi na nakapagtataka na mas marami ang bumibili sa kaniya.

Dahil doon, nagsimulang bumili sa pwesto ng mayamang negosyante ang mga dating  parokyano ni Tatay at ng kaniyang mga kasamahan: mga simpleng may-bahay, katiwala ng mga apartelle, at mga aleng namamalengke para sa mga karinderya. Sa huli, nagkaisa ang aking ama at ang iba pang maliliit na manininda na ibaba na rin sa 400 rupiah kada kilo ang benta nilang bigas. Sa isip nila noon, ‘di bale nang maliit ang kita kaysa naman hindi makabenta.”

“Noon pa man, sigurado na akong walang taglay na makataong aspekto ang kapitalismo,” ani Birete Guevara. “Kung may taong nagsasabing makatao na ang kapitalismo, nangangahulugan lamang ito na hindi niya talaga alam kung ano ang kapitalismo.”

“Ituloy mo na ang kuwento,” hiling ni Lugami kay Long Hair

Nagpaunlak naman si Long Hair: “Ayun na nga. E di binenta nila ng 400 rupiah kada kilo ang bigas, kahit na dapat 500 rupiah talaga ang presyo. E di muling nagsibalikan sa kanila ‘yung mga dati nilang parokyano. At dahil nakita nilang mura, marami sa kanila ang namakyaw hanggang sa maubos ang suplay ng lahat ng maliliit na manininda bago pa man dumating ‘yung supplier. Dahil doon, wala silang maibenta hanggang sa pagdating ng supplier sa aming maliit na siyudad pagkaraan ng ilang araw.

Subalit sa kasamaang-palad, hindi natanggap ng tatay at iba pang maliliit na manininda ang nakasanayan nilang suplay ng bigas. Pinakyaw na kasi ng mayamang negosyante—na hindi nangiming magbayad ng mas mahal—ang suplay ng supplier. Dulot nito’y nagsimulang maghimutok ang maliliit na manininda, lumulukob sa kanilang mga mata ang posibilidad ng pagkalugi. Bilang kinatawan ng kanyang mga kasama, nakipagkita ang si Tatay sa mayamang negosyante upang hikayatin itong ibenta sa kanila ang maliit na parte ng imbak niyang bigas. Sasang-ayon daw ang mayamang negosyante basta’t tama ang presyo. Magkano? tanong ni Tatay. 600 rupiah, sagot ng mayamang negosyante. Nahihibang ka! bulalas ng Tatay. ‘Kaw bahala. Kung gusto mong may maibenta, bilhin mo ng 600 ang bigas ko, giit ng mayamang negosyante.

Pinigil lamang ni Tatay ang galit na nagliliyab sa kanyang isipan.  O siya, wika niya. Iyon na lamang ang kanyang naisambit. Pagkatapos ay umuwi siya sa bahay, kumuha ng itak, at bumalik sa tirahan ng mayamang negosyante upang paslangin ito. Iyon ang dahilan kung bakit siya hinuli at kinulong.”

Matapos ang kuwento ni Long Hair, biglang sinaklot ang magkakaibigan ng nakaririmarim na katahimikang hinahalinhinan ng kanilang mabibigat na paghinga.

***

Nang lumalim ang gabi, nilisan ng magkakaibigan ang pinagluluklukang nilang pasimano (na tila pwedeng gamitin pangdekorasyon sa isang liwasan). Hila-hila ang kanilang pagal na mga paa, sinuyod nila ang pasilyo patungo sa direksyon ng kantin.

Magulo ang mga mesa at upuan katulad ng kung paano ito iniiwan ng mga estudyanteng katatapos lang mananghalian. Hindi pa kailanman kumain sa naturang kantin ang magkakaibigan dahil medyo mahal ang mga pagkain dito. Tanging mga estudyanteng banyaga at mga estudyanteng burgis lamang ang karaniwang kumakain dito, ihinihiwalay ang kanilang mga sarili sa malaking bulto ng mga estudyanteng kumakain sa maruming kantin sa tabi ng parking area.            

Nakakita sila ng isang kotak makanan na nakabuyangyang sa mesa. Halos hindi pa nagagalaw ang pagkain sa loob nito. Parang tinikman lang. Mukhang nagmamadali at walang-gana ang bumili nito, naisip nila. Inamoy ni Long Hair ang pagkain sa loob ng kahon at napabulalas: “Hindi pa panis!”            

Dali-dali nilang pinaghatian at kinain ang nasumpungan grasya, pinapawi ang gutom sa gabing iyon na hindi naging maganda para sa kanila at dagli rin nilang ibabaon sa limot. (1999)

Tala ng tagasalin

dangdut – Isa sa mga pinakapopular na genre ng awit sa Indonesia at Malaysia. Madalas na tungkol sa bigo o napurnadang pag-ibig ang paksa ng mga awiting dangdut. Madalas rin na magagandang babae na mahusay sumayaw (at gumiling) ang sumisikat na dangdut artist. Sa panahon ng eleksyon, karaniwang makikita ang mga dangdut artist na bitbitbit ng mga pulitiko sa kanilang pangangampanya upang libangin ang mga tao sa komunidad.

kotak makanan – Karton na madalas naglalaman ng full meal. Madalas na ginagamit sa mga fastfood restaurants at mga turo-turo para sa take-out at bultuhang order para sa malalaking okasyon.

Si Eka Kurniawan ay Indones na manunulat. Awtor siya ng Corat-coret di Toilet (Cerita Pendek, 2000), at iba pang libro. Basahin ang mga panayam sa kanya dito.

Si Amado Mendoza III, mas kilala bilang “Arlo,” ang awtor ng nobelang Aklat ng mga Naiwan (Balangiga Press, 2018). Bihasa sa Bahasa Indonesia, kasama ang “Kuwento ng Isang Kaibigan” sa salin niya ng Mga Himutok sa Palikuran ni Eka Kurniawan.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Google photo

You are commenting using your Google account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s