Mga Himutok sa Palikuran

Binuksan niya ang pinto ng cubicle habang nilalanghap ang amoy ng bagong-pinturang pader. Sinara niya ang pinto, kinandado mula sa loob, tumayo sa harap ng inidoro, at binuksan ang zipper ng kaniyang pantalon. Ilang sandali pa’y dinig na sa loob ng cubicle ang sagitsit ng ihing bumabanda sa inidoro. Kumalat ang amoy ng ammonia sa loob. Bakas na bakas ang ginhawa sa mukha ng estudyanteng umiihi. Matapos tumulo ng huling patak, pinagpag at winisikan niya ang kaniyang etits ng tubig mula sa gripo ng slop sink. Hinayaan niyang tumulo ang huling butil ng tubig sa inidoro. Muli niyang sinuot ang kaniyang pantalon.

Ang awtor, si Eka Kurniawan (kaliwa), at ang tagasalin, Amado Mendoza III (larawan (c) Amado Mendoza III)

Nasa bente anyos ang naturang estudyante. Nakasuot siya ng damit na pang-punk. Nagitla siya nang mapalingon siyasa malinis na pader sa kaniyang kinalalagyang cubicle. Kakatapos lang pinturahan, naisip niya. Nagpuputang pink pa ang ginamit na kulay.

Agad niyang hinalughog ang kaniyang backpack at mabilis na natagpuan ang hinahanap: whiteboard marker. Damang-dama na abot-kamay ang isang maliit na tagumpay, sinulat niya sa pader ang sumusunod: “Bigo ang Reformasi, mga kasama! Kaya tara na’t tapusin na natin ang demokratikong rebolusyon!”

****

Alas-siyete ng umaga. Bago pa man makapagsimula ng kalokohan sa kanilang silid ang mga estudyante, palihim na tumungo ang isa sa kanila sa naturang palikuran sa ilalim ng hagdanan. Lingid sa kaalaman ng nakararami (at kasama ang mga mambabasa dito), naiiba siya sa kaniyang mga kaklase: malaki at namamaga ang kaniyang pantog. Siguro dahil madalas siyang magkape at bihirang mag-ehersisyo. Pagkatapos iraos ang kaniyang nakababagot na pang-umagang ritwal, napansin niya ang mga nakasulat sa pader.

Gamit ang kaniyang bolpen, gumuhit siya ng palaso sa direksyon ng nabasang pangungusap at isinulat ang kaniyang ambag sa diskusyon: “Huwag ka ngang epal! Walang malulutas na problema ang rebolusyon. Kapayapaan ang gusto ng taumbayan. Mas maigi kung dahan-dahan nating aabutin ang pagbabago.”

****

Estudyanteng tomboy na mukhang adventurous naman ang sunod na gumamit ng naturang palikuran. Naka-jeans na hapit at t-shirt na medyo maluwag: kita manaka-naka mula sa neckline ang kaniyang susong hindi nasasalo ng bra. Parusa para sa kaniya ang pag-ihi. Malaking abala sa kaniya ang paghubad sa kaniyang hapit na pantalon. Upang makapagpraktis, minsan na niyang sinubukan—tulad ng nakasanayan ng mga lalaki—na umihi nang nakatayo. Pero tulad ng kaniyang inaasahan, hindi siya nakaramdam ng kahit anong ginhawa sa ganuong paraan ng pag-ihi. Sa madaling sabi, hindi naging maganda ang resulta ng kaniyang pagtatangka: tumapon at sumirit lang kung saan-saan ang lintik niyang ihi. Lamang, ang problema, itinakda para sa pag-jingle ang buhay sa mundong ito. Walang magagawa ang kaawa-awa nating tomboy. Kaya kahit malaking abala, patuloy pa rin siya sa pag-ihi sa banyo ng mga lalaki. At tulad ng sinumang parokyano ng pampublikong palikuran, naengganyo si Tomboy sa mga nakasulat sa pader, at pagkaraa’y naudyukang magbigay rin ng kaniyang opinyon. Dali-dali niyang kinalkal ang bitbit na bag para sa whiteboard marker, pero lipstick lang ang kaniyang natagpuan. Gamit ito, gumuhit siya ng palaso (tulad ng mga nauna sa kaniya) at opisyal na naging kalahok ng huntahan sa palikuran: “Tuta ka ng militar! Tuta ng Orde Baru! Piyudal, burgis, reaksyonaryong bobo! Puro satsat lang ang Reformasi. Ikasa na ang rebolusyon!”

****

Dalawang araw ang lumipas nang walang kababalaghang nagaganap sa naturang palikuran. Payapa ang lahat hanggang sa dumating ang isang natataeng estudyante. Pagkahubad niya ng kaniyang pantalon, dali-dali siyang tumuntongsa inidoro at saka idineposito ang naipon niyang sama ng loob. Plok! Plok! Nagitla at nahiya siya sa kilapsaw ng tubig na nilikha ng nalaglag niyang ebak sa inidoro. Para hindi marinig sa labas at ng iba, binuksan niya ang gripo ng slop sink upang ikubli ang nakapandidiring “plok, plok” ng kaniyang nalalaglag na ebak. Habang nawiwili sa mga sandaling iyon na puno ng kabantutan, nabasa niya ang umaatikabong sagutan sa pader. Napangiti siya sa huling pangungusap na kaniyang nabasa, napapaisip kung anong klaseng babae ang sumulat nito.

Pagkatapos maghugas ng pwet, bumunot siya ng bolpen at sabik na nakisali sa sagutan: Hi, Ganda! Type koang mga tulad mong rebolusyonaryo. Date tayo, tara?

****

Isa pang babaeng estudyante ang dumating pagsapit ng tanghali. Isang babaeng hedonista na adik sa pagpapaganda. Punong-puno ang kaniyang make-up kit ng kolorete at iba pang bagay para sa pagpapaganda. Malinaw na hindi siya tumungo sa palikuran upang umihi o hindi kaya’y maglunsad ng konsyerto ng ‘plok, plok’ sa inidoro. Hindi rin siya tumungo sa banyo para maghugas ng kamay o dumura. Sa halos araw-araw na pagbisita niya sa palikuran, wala siyang ibang inatupag kundi ang maya’t mayang renobasyon ng kaniyang mukhang agad din namang nawawala sa ayos. Ngunit wala siyang ibang rekurso. Kulang ang kumpiyansa niya sa sarili kaya kailangan niyang magpaganda.

Tumayo siya sa harap ng slop sink at nanalamin sa kaniyang compact mirror. Ilang sandali pa’y pinalitadahan niya ng foundation ang kaniyang malanding mukha at nilagyan ng eye shadow ang kaniyang mga talukap. Hindi rin niya nakalimutang maglagay ng blush on. Sinuklay niya ang kaniyang magulong buhok, at pagkatapos ay sabay itong hineadband at ipinuyod. Pagkaraa’y pinahiran naman niya ng lipstick na kasimpula ng pambansang bandila ang kaniyang namumutla nang labi. Habang abala sa ‘renobasyon’ ng kaniyang sarili, naagaw ng mga himutok sa pader ang kaniyang atensyon. Gamit ang kaniyang lipstick at habang natatawang kinikilig, nakisali siya sa huntahan: “Gusto mo ba akong maka-date? Sige! Sunduin mo sa ako sa café mamayang alas-nuwebe. P.S. Huwag kang magdadala ng intel.”

****

Pagkalipas ng ilang araw, isang lalaki naman ang sunod na lumitaw sa palikuran upang maging potensyal na kalahok sa naturang huntahan. Matangkad at malaki ang pangangatawan ng lalaki. Maikli ang buhok ng lalaki. May ganyak din siyang bigote at balbas sa kaniyang maputing mukha. Mumurahin naman ang mga hikaw sa kanyang kaliwang tenga at may nakasabit na apat o limang kuwintas sa kaniyang leeg. Maluwag ang kaniyang t-shirt, baggy naman ang kaniyang pantalon. Sa unang tingin, hindi nakapagtataka kung mapagkakamalan siyang bakla (kahit mahirap mapatunayan). Kahit ang isinulat niya sa pader—na humigit-kumulang ay representasyon ng kaniyang ideolohiya at politika—ay wala pa ring maibigay na katiyakan hinggil sa kaniyang seksuwalidad. Ano’t anuman, heto ang kaniyang sinulat: “Kasama, kung talagang matatapang at mga rebolusyonaryo kayo, magpakita kayo! Huwag kayong gumawa ng gulo at magsisisigaw lang diyan sa likod! Mga PKI talaga o!

****

Bunga ng isang nakakaburat na pangyayari, lumipas ang isang linggo nang walang nangangahas na pumasok sa naturang palikuran. Isang araw, may isang tarantado—napihadong kupal, walang-modo, at talagang sinumpa ng mga parokyano at janitor ng naturang palikuran—gumawa ng isang nakapandidiring ‘himala’ sa palikuran. Ewan kung anong araw o oras niya ginawa ang kaniyang nakasusulasok na himala. Basta isang araw, bigla na lang siyang pumasok sa cubicle at dali-daling pinaulanan ng bomba mula sa kaniyang tumbong ang inidoro. At ang tarantado, hindi nag-flush! Basta na lamang lumabas ang gago nang hindi nagbubuhos. Naiwan ang inidoro na parang taeng nilagyan ng tubig ang laman nito.

Pagkatapos ng nakasusulasok na pangyayaring iyon, tiyak na mawawalan ng ganang magbanyo ang sinumang malas (o siraulo) na papasok sa palikuran. Ilang araw iniwasan ng lahat (estudyante, opisyal ng paaralan, at maging mga janitor) ang naturang palikuran. Lahat talaga? Ay hindi! Sa kasamaang-palad, may isang estudyanteng may sapak sa ulo ang pumasok sa naturang palikuran, malay sa mga ‘peligrong’ naghihintay sa kaniya sa loob. Nangyari ito sa oras ng klase. Hawak-hawak ang harapan ng kaniyang pantalon na parang may itinatagong kontrabando, mabilis na tumalilis mula sa silid ang naturang estudyante.Una siyang tumungo sa palikuran sa ikalawang palapag—may tao. Pagdating naman niya sa palikuran sa unang palapag, ganun pa rin: may tao. Nanginginig na ang kaniyang mga paa, namanhid sa kaaakyat-baba sa una at ikalawang palapag, at pilit na pinipigil ang kaniyang ihing sumirit nang wala sa oras. Ngunit dahil talagang hindi na siya makapagpigil, wala siyang ibang rekurso kundi tumungo sa sinumpang palikuran. At sa isang iglap, isinuko niya ang sarili sa tawag ng kalikasan… Wushhh…. Pigil-hininga at nakapikit niyang iniraos ang tawag ng kalikasan sa sinumpang cubicle. Hindi naman na ito nakagugulat. Talagang nasa isang nakasusuka at nakasusulasok na estado ang palikuran noong panahong iyon. Subalit pagkatapos niyang umihi, sa hindi maipaliwanag na dahilan, napagpasiyahan niyang gawin ang hindi pinangahasan ng marami—isang kabayanihan—upang wakasan ang sumpa ng naturang palikuran. Habang nakapikit at takip-takip kaniyang ang ilong, binanlawan niya ang inidoro hanggang sa malusaw at mawala ang tumpok ng tae na kaninalang  ayhalos umapaw at tumapon na sa sahig.

Nakaramdam ng kung anong ginhawa ang naturang estudyante pagkatapos ng kaniyang kabayanihan. Ilang sandali pa’y nabasa niyasa pader ang bakas ng galit at hinanakit ng mga parokyano ng palikuran hinggil sa naganap na ‘trahedya’. Dali-dali niyang kinuha ang kaniyang asul na whiteboard marker at nakisali sa diskusyon: “’Yung gagong nagpasabog ng ebak dito ang tunay na reaksyonaryo! Siguradong di rin siya naghuhugas ng pwet! Hoy gago, totoong member ako ng PKI: Panatiko ng Komiks sa Indonesia. May problema ka?”

****

Alam ng lahat na pininturahan ang palikuran para maging malinis at kaaya-ayang tingnan. Pero bago iyon,may isang panahong lantad sa lahat ang tunay nitong mukha: isang maliit na espasyo kung saan maaaring maghimutok, mag-emote, mag-usap, at magdebate ang maraming tao. Puno ang kaniyang pader ng mga polemiko hinggil sa mga ideyang radikal at progresibo; imbitasyong makipag-eyeball, chat, date, blowjob, anal, at orgy; at mga obra maestra ng mga singko-sentimong makata na niligwak ng mga palimbagan kung kaya’t sa pader na lamang inilathala. Lalo pang nagkaroon ng kulay at buhay ang mga nakasulat sa pader nang sinimulan ng mga baguhang kartunistang gumuhit ng maiikling sketches na maaring ibulsa sa ilalim na etiketang ‘toilet comedies’. Dahil sa mga ito, mabilis na napuno ang pader ng mga graffiti na pilyo, matalino, at puno ng katarantaduhan—walang pinagkaiba sa makikita sa mga palikuran sa terminal, paaralan, stadium, at mga opisina.

Dahil talagang agaw-pansin na ang mga vandal, doodle, at himutok sa pader ng palikuran, isa sa mga dekano ng paaralan ang nagpasyang muling papinturahan ang mga pader nito. Dahil dito, nabura ang lahat-lahat ng nakasulat sa pader na nagsilbing kolektibong aklat ng mga parokyano ng palikuran. Subalit, tulad ng alam at inaasahan ng marami, muling nailathala ang unang obra sa blangkong pahina, na pagkaraa’y sinundan pa ng isa, ng ikalawa, at ng marami pang iba. Hindi nagtagal ay muling nanumbalik ang mga kuwento sa pader ng palikuran na kayang tapatan maging ang mga makasaysayang kuwentong nakaukit sa mga templo ng mga lumang kabihasnan. Hindi natuwa ang mga masunuring estudyante sa nagaganap na pagsalbahe sa kalinisan, kaayusan, at pamantayang moral ng paaralan at lipunan.

Isang araw, isa sa mga estudyanteng ito ang hindi nakapagpigil at tumungo sa naturang palikuran. Agad siyang nadismaya nang madatnan niya ang kasalukuyang estado ng pader na noong isang araw lang ay malinis pa: naglipana ang mga walang kuwentang ideya mula sa mga damuho. Hindi siya maituturing na bandalista at kailanma’y hindi nanira ng kahit na ano, subalit nang sandaling iyon ay talagang matindi ang halina ng tukso. Kaya kahit labag sa kaniyang loob, at bunga ng kaniyang pagkasuya, ibinulalas niya ang kaniyang sentimyento: “Ano ba kayo? Huwag kayong magsulat dito! Please keep it clean! Hindi ‘to ang lugar para sa mga himutok at sentimyento n’yo. Kung meron kayong reklamo, dumiretso kayo sa Kongreso!”

****

Makalipas ang isang linggo, sa ilalim mismo ng isinulat ng dismayado-at-masunuring estudyante, ay dose-dosena na ang tugon at komentaryo ng iba pang parokyano ng palikuran. Pagkalipas ng isang buwan ay umabot na ang mga tugon sa halos isang daan. Walang nakakaalam kung sino ang nag-udyok o nagmungkahi na ibalik ang pader ng palikuran sa dati nitong ayos. Basta na lamang natangay ang lahat sa unos ng debate. Isinulat nila ang kanilang komentaryo sa sentimyento ni masunuring estudyante sa lahat ng posibleng paraan: sa pamamagitan ng bolpen, whiteboard marker, lipstick, lapis, dugo, pako na ikinaskas at ikinayas sa pader, bato, at uling. Sa sobrang tindi ng kanilang pagnanais na makisali sa debate, perpekto nilang naisabuhay ang isang lumang kasabihan: “Kung walang ratan na magagamit, mapagtitiyagaan na ang mga ugat nito.”

Heto ang unang tugon sa himutok ng masunuring estudyante: “Ulol! Wala akong tiwala sa mga nakaupo sa Kongreso. Mas may tiwala ako sa mga pader sa palikuran.”

Heto naman ang sumunod na tugon: “Ako rin.”

Para naman sa nalalabing isang daang komento, nagkasya silang lahat sa tugon na: “Ako rin.” (1999)

Tala ng tagasalin

Orde Baru – Bansag ni Suharto at ng kaniyang mga kaalyado sa rehimeng kanilang itinatag noong 1965 bilang reaksyon sa tinatawag nilang “Orde Lama” (“Lumang Kaayusan”) na kinakatawan ng administrasyon ni Sukarno. Bumagsak ang Order Baru noong Mayo 1998 bunga ng serye ng mga pagkilos at demonstrasyon na pinangunahan ng mga estudyante, manggagawa, intelektuwal, at iba pang sektor sa lipunang Indones.

PKI – Partai Komunis Indonesia (Partido Komunista ng Indonesia)

Si Eka Kurniawan ay Indones na manunulat. Awtor siya ng Corat-coret di Toilet (Cerita Pendek, 2000)at iba pang libro. Basahin ang mga panayam sa kanya dito.

Si Amado Mendoza III, mas kilala bilang “Arlo,” ang awtor ng nobelang Aklat ng mga Naiwan (Balangiga Press, 2018). Bihasa sa Bahasa Indonesia, kasama ang “Mga Himutok sa Palikuran” sa salin niya ng Mga Himutok sa Palikuran ni Eka Kurniawan.

1 Comment

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Google photo

You are commenting using your Google account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s