Busy sa Busan

Sa lahat ng mga naging paglabas ko ng bansa, ngayon lang ako hindi excited.

Ang awtor (Imahen (c) Gerard Concepcion)

Sino ba naman ang hindi kakabahan sa halos 4,000 katao na infected ng CoViD-19 sa South Korea? Langya, pati sa Busan kung saan ako magtuturo mula Marso hanggang Agosto, halos nasa 90 katao na ang infected, at isa sa kanila nadeds na.

Nang malaman ko na na-reschedule ang pasukan sa Marso 16, natuwa ako; kasi marami pa akong magagawa sa bahay namin sa Pasay. Mapapaliguan ko pa ang aso namin na twice a year na lang kung mapaliguan, baliw kasi si Twitter, lahat tinatahulan, sa akin lang matino. Makakapaglaba pa ako ng marurumi naming damit, lalo na yung mga damit ni Kahel na puro mantsa ng Kinder Joy. Makakapagluto pa ako ng Tinola at Adobo, mga paboritong ulam ni Kahel, yan lang kasi ang alam niyang luto sa manok maliban sa prito. Kaso, mariing sabi ng aming Dean sa Busan na kailangang naroon na ang lahat ng visiting professors ng Marso 1, naglaho lahat ng mga plano ko.

Kaya eto, nakaupo ako sa 43A ng PR418. Unti-unti nang napupuno ng mga pasahero, maraming Koreano, iilan lang ang mga Pilipino. Jackpot! wala akong katabi. Pero dahil sa paranoid ako, isinuot ko na ang surgical mask na pinatungan ko pa ng cloth mask for added protection. Yung lab goggles ko badtrip, nagmo-moist pala yun so hassle isuot. Ready na rin ang alcohol ko sakaling may bumahing i-sprayan ko sa mukha nang bongga-bongga.

Nang mawala na ang seatbelt sign, may lumapit sa aking lalake na medyo kalahating kamukha ni Sam Chui (yung mayamang Chinese vlogger ng mga eroplano) kasi naka-mask siya. Kung may nakaupo ba raw sa 43C. Sabi ko, none that I know of. Pucha ang arte ng reply. So ayun naupo siya, ang sikip raw kasi ng leg room nya sa likod. Tinanong pa ko kung ano pinanonood ko sa IFE, sabi ko Logan, yung kwento ni Wolverine at Professor X pero tanders na sila. Nagserve ng inflight meal, pinili ko chicken inasal. Langya, pati itong si Sam, inasal rin ang kinuha. Sabi ko, ba’t ayaw nya ng bulgogi e Koreano siya? Sawa na raw siya. Natikman daw nya yung inasal sa Mang Inasal at masarap, kaya yun daw ang gusto niyang kainin. Gusto ko sanang sabihin sa kanya na lasang atswete lang ang inasal sa PAL, pero di ko kayang sabihin sa Ingles kaya hindi na lang.

So apparently, businessman daw siya at may inayos na kontrata sa Maynila.  Ano raw ang trabaho ko (pero ang tanong niya e What keeps you busy?), ang sabi ko teacher, visiting professor ako ngayon sa Busan. Wala raw sa itsura ko. Sorry sya kung first time nyang makakita ng mukhang syokoy na nagtuturo. Ano raw ang itinuturo ko. Sabi ko Filipino language and culture. Wow that’s awesome ang tugon niya. Hindi ko alam kung may sinseridad yun o default reply lang ng mga sosyal at pa-sosyal. Sa totoo lang, ayaw ko sanang makipag-usap na sa kanya dahil no contact policy nga dahil sa CoViD-19, at pucha di ko na maintindihan kung bakit ulyanin na si Professor X sa pelikula. Nakahanap ako ng paraan para magninja. Sabi ko sa kanya, pupunta akong lavatory.

Excuse yun para maputol na ang kwentuhan namin ni Sam. Habang umiihi, iniisip ko na marami na akong nagawang paglabag sa mga dapat kong gawin sa loob ng eroplano. 1) nakipag-usap sa isang asymptomatic CoVid-19 (potential) infected person, 2) nagdisclose ng mga personal info sa isang PLA covert agent, 3) nagpunta sa lavatory na puno ng corona virus, 4) nalanghap ang recycled air na may corona virus mula sa mga bumabahing na Koreano mula rows 44 hanggang 47. Isang malaking BS ito.

Naalala ko ang payo ni Doc Willie Ong, maghugas ng kamay habang kinakanta ang happy birthday ng dalawang ulit, maghilamos maigi para sa mga kumapit na virus sa mukha, at i-sprayan ng sangkatutak na alcohol ang katawan – payo ko na yung ikatlo. Tahimik akong bumalik sa aking upuan, nag-excuse kay Sam dahil umiidlip na siya, at binalikan si Logan.

Saglit kong inangat ang shade ng aking bintana. Ganda ng view. Kita yung paghahati ng langit sa puti at itim, nagtatakip-silim na. Naalala ko yung tanong sa akin ni Sir U nang magkita kami noong Biyernes sa department, Ba’t ka pa babalik sa Busan?

Binuksan ko ang gallery ng aking cellphone at saglit na tiningnan ang picture ng aking mag-ina.

Si Gerard Concepcion ay may Ph.D. sa Filipino mula sa Unibersidad ng Pilipinas, kung saan siya guro. Kasaluyan siyang visiting professor sa Busan University of Foreign Studies. Kolektor siya ng vintage toys.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Google photo

You are commenting using your Google account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s