Materyales, alay sa Salinluho

Kaklase, kauri, kaari?

Puro na lamang neolohismo ang pasakalye ng karamihan ng mga naisulat, at bagamat hapo na ang gayong gimik, hindi lalayo roon ang sanaysay na itong magsisilbing suplemento sa “Class-mates,” na nasa “Materials, for Preposterity” ng DavaoToday, kung saan ginatungan ang tambalang-pangngalang higit pa sa “kaklase” kundi “kasama” (mate) sa “uri” (“socio-economic class,” imbis na “silid-aralan”). Ang “class” ay “clase” pa rin naman sa wika ng nauna nating amo, kaya bagamat kakatwa, ang “kaklase” ay maipagpipilitan pa ring “katulad sa antas ng sosyo-ekonomikong uri”—kahit tunay namang mas pumapatungkol iyon sa “kasama sa silid-aralan,” na pangunahing proyekto naman ng ating ikalawang mananakop.

Self-portrait ng may-akda (Imahen (c) Tilde Acuña)

Sa ibang paraan nilaro ng “meme” ng “satirikong” entidad (tawagin nating M) ang “class”—may panipi ang naunang dalawa dahil duda ako kung “meme” at “satire” iyon. Naka-super-impose ang textong “NO CLASS” sa bandang bumbunan ni Duterte at “IN ALL LEVELS” naman sa bandang tiyan. Katumbas ng “breeding” at/o “sibilisado” at/o “kulturado” ang “class” sa naturang deklarasyon o deskripsyon. Kumbaga, mas ang katatawanan dito ay kawalan ng “class” (maaari ring “manners”?) ng ulyaning pasistang payasong hindi naman na kinatutuwaan ng marami. Tulad ng superpisyal na “pahayagan” (tawagin nating G), na tila kabagang nito, matapobre ang humor ng M. Mauugat pa sa dekada sitenta ang paggamit ng “class” na kabaliktaran ng “bakya”; pang-mayaman ang una, pang-masa ang huli. Sa ilang kakilala, maaaring nakakatawa ang mga hirit ng M at G, pero gaano man ka-KJ ang pahayag na ito, heto na rin: ibinubuyangyang ng tawa ang posisyon (malay man o hindi) ng isang tao. Ang posisyong iyon ay hindi palagiang linyado sa sosyo-ekonomikong uri, dahil tulad ng pandemyang COVID-19, nakahahawa nang palihim ang ugali ng naghaharing uri.

Sa noontime shows, matingkad na ito. Kadalasang kalahok ang mahihirap. Uungkatin ang buhay nila. Magtatanong ang mga insensitibong usisero at usisera sa personal na buhay. Magbabahagi ng mga pinagdaanang hirap ang kalahok. Bibigyan silang pera. Burado ang estruktural na karahasang idinulot ng mga bossing na nagbigay ng perang galing din naman sa pagsasamantala ng mga korporasyong pilantropo. Sa petiburgis (tawagin nating P) o gitnang-uri, ganoon din. Hindi nakagugulat pero nakagagago at nakagagalit pa rin ang mga pahayag hinggil sa “kabutihan” na dulot ng coronavirus: Sa wakas, makauuwi na raw ang mga “squatter” sa probinsyang pinagmulan nila kung hindi man papayag sa relokasyon, luluwag na ang Kapital, bawas-trapik, masaya ang lahat. Galit sa KADAMAY, dahil nagka-bahay ang mga hampas-lupa gayong hulog nang hulog sa PAG-IBIG ang mga huwarang mamamayang may sipat daw at tiyaga. 

Walang kamalay-malay (kung hindi man pikit-mata) ang gitnang-uri na nangangamkam ng lupa ang mga panginoon sa kanayunan at sa tindi ng hirap, dumadayo sa kawalang-katiyakan sa lungsod ang mga magsasaka upang maging sahurang manggagawang kadalasa’y kontraktwal. No work, no pay rito sa siyudad, kaya imbis na mag-self-quarantine, posibleng indahin nila ang anumang karamdaman upang makapagtrabaho nang sa gayon, makaraos sa pang-araw-araw at kahit papaano’y may pampagamot sila sakaling magkasakit. Tulad ng mga mapagmalaking dating mga kaklase ng celebrity noong hindi pa sikat ang huli at kapantay lamang ng una itong mga gitnang-uring nangangarap na maging kauri ang mga komprador kaya sinisimulan sa asta ng pinapantasya nilang maging—hanggang doon pa lamang kasi ang kakayanin sa ngayon, to-follow ang aktwal na pagyaman. Ika nga’y ang tunay na pagbabago, nagmumula sa sarili. 

Satispaksyong burgis at pyudal ang panggagantso at panlalamang na kadalasang ibinibintang sa mga “squatter.” Bagamat ang diskarte upang tiyakin ang sariling survival nang hindi isinasaalang-alang ang kapwa ay matingkad sa mga lumpen sa mga looban, maliit lamang ang saklaw nito kumpara sa pandaigdigan at sistematikong “diskarte” ng mga korporasyon upang tiyakin hindi lang ang pananatili ng negosyo kundi ng kanilang garapalang monopoly nang hindi isinasaalang-alang hindi lamang ang kapwa kundi ang sangkatauhan, sangkahayupan, sansinukob. 

Ngayong natuhog na natin kahit papaano ang kaklase at kauri, ano naman itong kaari? Sa wika pa lamang may manipestasyon na ng namamayaning ari. Natuhog? Ang pagka-meron ng phallus ang distingksyon ng lalaki sa babaeng may pagka-wala nito. Kailangan lagi ng lalaki ng balidasyong meron siya, kaya takot siyang makapon. Kaya palalawigin kung saan ng isang iskolar na peminisado ang paggawa (kahit pa may bias ang empleyo sa kalalakihan) sa paglilingkod nito sa maka-lalaking kapital. May bahid ng mansplaining ang humor ng M, dahil ipinagdidiinan nito ang “class” na diumano’y wala kay Duterteng huwaran ng machismo. May klase ang ating pangulo dahil maikakategoryang pasistang papet ng imperyalismo; may uri at mga kaalyadong uri dahil kasapakat ang mga komprador at mga panginoong lupa; at may ari dahil kanya ang lahat ng sangay ng pamahalaan at ang iba pang susing rekursong pang-ekonomiya at pampulitika. 

Kaklase, kauri, kaari ba ng M at P si Duterte? Pwede. May kompetensya rin naman sa pagitan ng magkaklase, magkauri, magkaari pero pare-pareho nilang nais panatilihin ang ugnayan sa anumang imperyalista, ang paghahari ng mga may “class,” at regulasyon sa mga “squatter” na mga bagay lamang na kanilang pagmamay-ari na dapat ma-relocate o maibalik sa pinanggalingang probinsya, tulad ng babaeng pinababalik sa kusina o kama, ng pulubing pinalalabas sa mall, ng katutubong pinalalayas sa lupang ninuno, ng biktimang inuutusang makipagtulungan sa salarin. Kailangan patahimikin, patalsikin, panagutin si Duterte hindi dahil wala siyang “class” kundi dahil mapangwasak ang kanyang klase ng pamumuno, uring pinaglilingkuran, aring ipinangangalandakan.

May MA sa Philippine Studies si Tilde (Arbeen R. Acuña) mula sa Departamento ng Filipino at Panitikan ng Pilipinas – Unibersidad ng Pilipinas, kung saan nagtuturo siya ng mga kurso sa pagsulat, panitikan, at interdisiplinaryong pananaliksik. Inilathala ng Humanities DilimanKritika KulturaBanwaJacket2, at iba pang publikasyon ang kanyang mga gawa; ilan sa mga zine niya ang Apo sa Ika-22 Siglo: Mga Abstrak (2017) at Klasiko Katalogo (2018). Kolumnista siyang nag-aambag ng Materials, for Preposterity sa DavaoToday.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Google photo

You are commenting using your Google account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s