Doble Tres

Sa tuwing magdiriwang tayo ng kaarawan, iba’t iba ang pagtingin at pakiramdam ng bawat isa. May sobrang excited, may naghahanda ng maraming pagkain, may nasosorpresa, at meron din namang ang pakiramdam ay walang pinag-iba sa ordinaryong araw, ang sinasabi nga ng iba, “lilipas din yan.” Lilipas naman din talaga kaagad dahil napakabilis lang ng bente-kuwatro oras. Iyon nga lang, baka sa panahon ngayon, mas mabagal, mas matagal.

Birthday cake (Imahen (c) April Perez)

Sa kaso ko, bilang isang taong gala, mas gusto kong magbiyahe sa iba’t ibang lugar kung may pagkakataon, tulad ng mga espesyal na okasyon. Kung natuloy ang naka-schedule na biyahe mula sa piso fare na nakuha ko noong isang taon, ikatlong araw na sana namin ngayon sa Guangzhou, China, o di ba? “Sa China talaga?” Tanong ng mga napagkuwentuhan kong may birthday biyahe nga ang pamilya. Sagot ko naman, eh kasi iyon yung isa sa mga destinasyong naka-promo. Halos ang mga biyahe naman kasi namin ay panay promo fare, bakit naman pipiliin ang mas mahal kung puwedeng yung mura lang ‘di ba? Tiyempuhan lang talaga at konting puyatan sa pagbu-book. Noong Nobyembre ako nakatiyempo ng ticket at boom! Sino ba naman ang mag-aakalang may biglang susulpot na virus na makapagpapabago ng maraming bagay? Pagtuntong ng Enero, unti-unti nang nag-aabiso ang mga airline company na kanselado ang ilang flight na ang iskedyul ay hanggang Pebrero. Sa puntong ito ay medyo nag-iisip na ako, paano kung hindi mag-cancel, tutuloy ba kami? Kung sakali, free cancellation naman ang booking para sa tutuluyan, wala pa rin naman talagang itinerary at hindi pa rin kami nakapagproseso ng visa. Ilang linggo pa akong naghintay at sa wakas, na-cancel na rin aang biyahe namin. At least ngayon, hindi na ako mag-iisip o mangangamba pa, at mukhang ako lang din naman ang may gustong tumuloy kung sakali. Hindi rin naman nasayang ang bayad kasi na-refund. Pero sabi nga, wait, there’s more, kanselado na rin ang papanoorin sana naming repeat concert ni Odette Quesada, isang linggo pagkatapos ng aking birthday week, #gifttoself pa naman sana, pero para na rin sa kaligtasan ng lahat, sa Hulyo na raw matutuloy.

Palapit na nga nang palapit ang kaarawan ko, nag-iisip pa rin ako ng puwedeng gawin o puntahan. Makapag-staycation kaya, sinubukan kong magpa-book sa isang lugar sa Subic para malayu-layo sa siyudad pero dahil nga mas umiinit na ang usapin ng COVID-19 virus na ito, nagdalawang-isip na rin ako at kusang nag-cancel, buti na lang free cancellation ulit. Samakatuwid, wala na talaga akong plano, bahala na, tutal may pasok naman kaya siguro, pagkatapos na lang. 

Iyon na nga, nag-anunsiyo nang isasailalim daw ang Metro Manila sa community quarantine, nakauwi naman kami noong Marso 13 at lumuwas na rin ulit nung Marso 15, bitbit ang ID sakaling hanapin sa checkpoint. Maluwag ang mga kalsada, may social distancing sa bus, ipinakita namin ang ID bago sumakay, 25 pasahero lang din kada bus ang pinapayagan. Nakarating kami ng Quezon City nang walang checkpoint na dinaanan, mabuti na ring lumuwas na dahil paniguradong pahirapan kinabukasan.

Marso 16, isinailalim na sa enhanced community quarantine ang Luzon, ibig sabihin, hindi na puwedeng maglabas-masok sa lugar ang mga tao, kung gayon, hindi na rin muna makakauwi sa Bulacan. Sa puntong ito, hindi ko na rin iniisip kung ano ang mangyayari sa a disinwebe. Mas nakatuon ako ngayon sa kung sino yung mga taong pwedeng manatili sa campus para araw-araw na may magluluto para sa mga estudyanteng hindi nakauwi sa kani-kanilang lugar. Mabuti na lang at may mga kawani talagang handang magsakripisyo alang-alang sa tawag ng tungkulin. Hanga ako sa mga taong sa kabila ng sitwasyon ngayon ay patuloy pa ring naglilingkod sa kapwa.

Araw-araw, tuloy pa rin ang korespondensiya sa opisina sa pamamagitan ng text, chat, video call, at personal na pakikipag-ugnayan kung lubos na kinakailangan. Ganito pala ang maging frontliner, paano pa yung mga nasa sektor ng kalusugan, sa panahon ng pandemya. Halu-halong emosyon ang mararamdaman sa panonood ng balita, kaba, inip, inis, pero sabay ring maiisip kung gaano kahalaga, kaiksi, at kasarap mabuhay.

“Happy birthday!” Sunod-sunod na pagbati sa text at Facebook ang sumalubong paggising ko. Isa-isa kong sinagot ang mga mensahe bilang pasasalamat sa lahat ng nakaalala buong araw. Kahit pa wala na sa kalendaryo ang edad, hindi naman mawawala doon ang pangalan ko. Nasa letrang N pa lang din sa Bingo. Malamang kung hindi naka-lockdown ang Luzon ay lumuwas na ang pamilya ko para magkasama-sama kami sa espesyal na araw na ito pero dahil nga sa nangyari, hanggang video call na lang muna. Walang gala, walang kain sa labas pero puno pa rin ng pagpapasalamat sa panibagong taong ipinagkaloob sa akin. Hindi man natuloy ang mga orihinal na plano sa ngayon, alam kong may darating na mas magandang pagkakataon para rito, antay-antay lang. Baka paraan na rin Niya ito ng pagsasabing manatili muna tayo sa kani-kaniyang tahanan. Sa ngayon, abangan natin ang muling pagsasama-sama, yung puwede na ulit magkantahan, magsalu-salo, magkwentuhan nang personal. Huwag tayong mainip, mabilis ang oras. Itong nararanasang krisis ngayon, sa pagtutulungan ng bawat isa, at sa gabay ng Maykapal, lilipas din yan.

Katuwang na Propesor sa Departamento ng Filipino at Panitikan ng Pilipinas si April J. Perez. Siya rin ang Tagapamahalang Opisyal ng University Food Service sa kasalukuyan. Tagapayo siya ng UP Lakan, ang samahan ng mga Bulakenyong mag-aaral sa UP Diliman.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Google photo

You are commenting using your Google account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s