“AnO bAnG aMbAg Mu?” at Ilang Pagkukuro Hinggil sa Salita

Mula nang lumala ang krisis na dala ng COVID-19 sa Pilipinas, naging kaliwa’t kanan din ang sagutan ng mga pumupuna at mga nagtatanggol sa pamahalaan tungkol sa ginagawa at di ginagawa nito upang tugunan ang suliraning pangkalusugang nabanggit. Mula rito, kapuna-punang naging madalas na bahagi ng argumento sa usapan ang mga pahayag na “Ano bang ambag mo?”, “May naiambag ka (na) ba?”, at “Akala mo naman, malaki ang ambag mo.” Iniuuwi tayo ng nasabing mga pahayag sa iisang umaalingawngaw na salita – “ambag”. Kaya naman, nagiging interesante, kung gayon, na balikan ang kahulugan (o pinaghuhulugan) nito bilang pagdalumat at pagdiskurso sa salita.

Meme ng mga Kongresista ng Pilipinas, para sa ilang detalye basahin ang artikulong ito mula sa Rappler http://shorturl.at/jxEVZ

Kung pagbabatayan ang Vocabulario de la lengua Tagala (1754)nina Juan de Noceda at Pedro de Sanlucar, binibigyang-kahulugan ang salita sa ganitong paraan: “contribuir con algo” o “magbigay ng anoman(g bagay)”. Sa ganitong diwa rin iikot ang dalawang entri ng salita sa UP Diksiyonaryong Filipino (2001):

am.bág (png) 1: pagbibigay ng salapi, oras, kaalaman, o tulong kasama ng ibang tao para sa kawanggawa; 2: anumang ibinigay para sa pangkalahatang pondo o suplay

Nakatuon ang salita sa pagkakaloob ng isang bagay na sarili upang ariin, pangalagaan o pakinabangan ng iba. Maaaring bunga ang pagbibigay na ito ng iba’t ibang motibasyon tulad ng awa, pagpapakita ng mabuting ugnayan, o maging pagpapasunod sa isang ninanais o kahilingan. (Tingnan din ang mga kahulugan ng salitang “bigay”.)

Kalaunan, nagagamit na rin ang salitang ito sa iba’t ibang konteksto. Isang kilalang halimbawa na rito ang inuman. Sa tuwing nababanggit ang “ambag” ng mga nag-iinuman, may pagkakataong nagtutunog ito bilang pangangatiyaw, o maaari ding panlilibak. Kaya naman sa mga nagkálat na memes ngayon, hindi nakaligtas sa mga patama ang malalakas uminom o mamulutan kahit walang (o kaunti ang) iniambag. Mula sa konteksto ng inuman hanggang sa higit na malalaki at seryosong usapin,palasak ang ganitong paraan ng paggamit sa nasabing salita.

Nagiging problematiko, kung gayon, ang paggamit ng salitang “ambag” sa kasalukuyang diskurso. Mula sa pahayag na “Ano bang ambag mo?”, naibabaling ang positibong denotasyon ng salita tungo sa negatibo. Binubura nito ang diwa ng pagbibigay bilang kilos na kusa at ipinapataw ang tuwirang paghingi. May perlukusyon (perlocution) ang pahayag na kung wala ka pang naitutulong, tumulong ka; at kung wala ka namang naiaambag, huwag ka nang magreklamo dahil wala kang karapatang magreklamo. Madalas din, may kasama pang paghahámon na danasin o saluhin kayâ ang trabaho ng binabatikos. Nagiging busal sa bibig, kung gayon, ang mawawaring isa sa layon ng pahayag.

Dalawang uri ng “ambag” ang makikitang nagtutunggali rito – iyong aktibo at pasibo. Sa aktibo papasok ang mga kongkreto o nakikitang ginagawa ng sínumán. Sa panahon ngayon, nagiging indibidwalisado o individualized ang ambag ng isang tao. Sinusukat siya sa kakayahang magbigay ng donasyon (pera man o kagamitan), o serbisyo gaya ng paglilingkod sa mga ospital, pamilihan, bángko, at iba pa. Ang kakatuwa sa ganitong klase ng ambag ay lagi’t laging pangkaraniwang mamamayan ang hinihingan nito. Nakaiiwas ang pamahalaan na makuwestiyon kung ano ang (aktibong) ambag nila sa taumbayan. Tila ba ang mamamayan ang higit na dapat kakitaan ng aktibong ambag sa halip na ang institusyong dapat na nagsisilbi sa bayan.

Maituturing namang pasibong ambag ang kooperasyon. Dito na papasok ang “pagsunod bilang ambag” na siyang dahilan ng umaatikabong sagutan (at/o sumbatan) ng mga tao. Ambag pa rin naman ang pagsunod. Ano ang problema rito? Bakit pa rin ba pinagtatalunan? Mainam balikan kung sino nga ba ang tinutukoy na susundin at ano ang kanilang iniuutos. May tahimik na sumusunod, pabor sa nais ng pamahalaan. Samantalang may mga taong nag-iisip at nagsasalita bago at habang sumusunod. Higit na masalimuot ang kahulugan ng pagsunod bilang pasibong ambag kumpara sa naunang klase. Samakatuwid, nagiging “ambag” lamang ang pagsunod kung nangangahulugan ito ng pagpanig sa kinikilingang posisyon o paniniwala.

Gayundin, pinaglalaho nito ang kaakibat na esensiya ng salitang “ambag” na pagkakawanggawa na di ipinagsasabi sapagkat may udyok ang pahayag na sabihin, isa-isahin o itala ang anumang naiambag na. Hinihingi ito na tulad ng tiket ng isang indibidwal upang pumuna o magsabi ng anumang kritisismo sa pamahalaan. Sa ganitong pagsipat, lumulutang ang baluktot na lohika at absurdong pangangatwiran gamit ang pahayag.

Marapat ding hanapin sa argumentong ito ang tila nawawala o di tukoy na direksiyon ng salitang “ambag” sa pangungusap. Sino ba ang tatanggap ng ambag o dapat ambagan? Pamahalaan, mamamayan, o pareho? May tinatawag na unacknowledged gap sa pangungusap – may tinutukoy na karoroonan ng ambag subalit hindi kinikilala kaya’t nagkakaroon ng guwang. Ipinoposisyon tayo ng guwang o gap na ito sa panibagong sapot ng katwiran. Kung pamahalaan ang tinutukoy, saklaw ang lahat ng pagbabayad ng buwis. Samaktuwid, iyon ay lehitimong ambag na. Kung mamamayan naman, ibinabalik tayo nito sa diwa ng karidad o charity. Kusa itong ipinagkakaloob at hindi hinihingi; sinasarili sa halip na ipinagsasabi.

Sa isang banda, maaari ding tingnan na hindi tuon ng pahayag kung kanino mapupunta ang “ambag” dahil posibleng ang sinusukat ay ang bigat o value ng naibigay, ngunit maaaring hindi kasama ang pangkalahatang epekto o impact nito. Dito, nagkakaroon ng katwiran kaya higit na pangngalan o noun ang salitang “ambag” kaysa pandiwa o verb. Dahil nominal ang pangngalan, nagagawa nitong magbigay-label, at sa pagli-label ng naging “ambag” ang nagiging batayan ng pagkukuwentang ginagawa ng iba.

Dahil labeling nga ang wika, laging kailangang mapangalanan ang mga bagay dahil kung hindi, may posibilidad na magdulot ito ng kahirapan sa ating pag-unawa. Maaalala rito si Ludwig Wittgenstein sa kaniyang aklat na Tractatus Logico-Philosophicus (1921)na nagsabing ang hangganan ng kaniyang wika ang hangganan ng kaniyang mundo. Samakatuwid, kung wala sa konsepto o sensibilidad ng iba ang pagpuna o pagpoprotesta, hindi nila ito ituturing bilang balido o valid na “ambag”. At kung ang pagsunod lamang sa gobyerno ang pinangalanan nila bilang lehitimo, lahat ng labas dito ay hindi na. Lumilitaw kung gayon na ang hindi pagkakaunawaan sa paggamit ng wika ay lumilikha ng mga buhol-buhol na pagtatalo.

Iniiwan tayo ngayon ng ganitong paglalatag sa masalimuot na talaban ng lohika at suliranin sa pagsasalikop ng idea. Ibinabantad din tayo nito sa panganib ng dinamismo ng mga salita – na maaaring maging kakampi at katunggali. Sa panahon ng ligaglig madaling kasangkapanin ang salita, partikular ang “ambag”, bilang panunumbat sa halip na pagtulong sa mamamayan. Habang nababago o nadaragdagan ang kahulugan nito, higit na kailangan din ng pagsusuri upang hindi tuluyang malihis ang ating atensiyon sa tunay na dapat hinahanapan ng ambag. Sa dulo, huwag sana tayong humantong sa salitang ambâ sa isa’t isa. Salitang kasunuran ng salitang “ambag” sa diksiyonaryo nina Noceda at Sanlucar na nangangahulugan ng “(pagba)banta at poot na kilos ng kamay”.

Talasanggunian

Almario, V. S. (ed.). (2001). Ambág. Sa Unibersidad ng Pilipinas (UP) Diksyunaryong Filipino (ikalawang ed., pp. 45-46). Sentro sa Wikang Filipino, Sistemang Unibersidad ng Pilipinas.

Noceda, J. & Sanlucar, P. (1754). Ambág at Ambâ. Sa Vocabulario de la lengua tagala, compuesto por varios religiosos doctos y graves, y coordinado (pp. 11). Imprenta de Ramirez Y Giraudier.

Wittgenstein, L. (2007). Tractatus Logico-Philosophicus (C.K. Ogden, trans.). Cosimo, Inc. (Orihinal na nalimbag noong 1921)

Kasalukuyang instruktor sa Kagawaran ng Filipino ng Pamantasang Ateneo de Manila at Departamento ng Filipino ng Unibersidad ng Santo Tomas si John Carlo S. Gloria. Kasama niyang namumuhay ang kanyang ama, at mga alagang aso, pusa, at bagong mga kuting na paminsan-minsan niyang binabasahan ng tula.

Kasalukuyang instruktor sa Departamento ng Filipino at Panitikan ng Pilipinas sa UP Diliman si Deidre R. Morales. Bukod sa pagtuturo sa kolehiyo, nagsisilbi rin siya bilang review coach sa mga kukuha ng Licensure Examination for Teachers (LET).

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Google photo

You are commenting using your Google account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s