Interbyu kay Tilde Acuña

KULITI.ART: Tilde Acuña, kilala ka bilang eksperimental na manunulat at aktibista. Sa iyong pananaw, may kontradiksyon ba ang masalimuot na anyo ng iyong mga gawa at ang pulitikal mong oryentasyon?

TILDE ACUÑA: Sa ilang nakatisod ng mga piyesa ko, baka may gano’ng impresyon. Pero may default discomfort ako sa pag-identify as “manunulat” man o “aktibista”; sa unang label o claim, may cringe o pagka-ilang sa implicit self-importance nito, samantalang sa huli may hiya sa paghanay sa sarili among mga taong selfless at prayoridad ang paglilingkod sa sambayanan. Parang kapos ako sa self-importance man o selflessness. Sa mga bionote, ang usual identipikasyon ko sa sarili ay “guro,” sabay lista ng ilang recent publications—moderate flex. Medyo may kontradiksyon nga ata ang anyo at oryentasyong pulitikal tulad ng lahat ng bagay? Kahit naman ang anyong “pangmasa” o “madali” at kapitalistang kahayukan sa profit, may built-in kontradiksyon? 

Tilde Acuña (Imahen (c) panitikan.ph)

KA: May built-in kontradiksyon?

TA: Sa kaso ng ilang proyekto, mas leaning ako tungong produksyon ng tinatawag ni Barthes na textong “writerly” imbis na “readerly,” kaya mas nanaisin kong kakaunti ang mga target reader ko pero engaged at active ang role sa meaning-making, kaysa marami nga, tipong lahat gusto mo mabasa ka, pero pasibo ang pagkonsumo, at puro palakpak. Baka mamisinterpret as elitismo ito, pero baka maaring ikonsiderang mapagkumbabang pagka-praktikal? Ilan lang ang kayang “kausapin” ng ilang proyekto, hindi tulad ng ambisyon ng ilang proyektong kausapin at iligtas ang buong mundo. Mas gusto kong kalkulado at precise ang target readers: ‘yung equipped, sila ang intended readers. So bale, baka mailalarawang “demanding” ang ilang gawa ko. Dala ang ganitong tendensiya ng katotohanang hindi naman madaling unawain ang mundo—higit pa, ang tuluyan itong mabago. Sinasalamin, sana, ng salimuot ng anyo ang truth na iyon. Sa isang colloquium nabanggit kong tulad ng transmutasyon ang pagsulat na may tatlong hakbang: comprehension, deconstruction, reconstruction—referencing Fullmetal Alchemist. Idaragdag ko na ring baka ganoon din ang aktibismo. Paano ka bubuo ng diegetic world bilang kwentista o ng panibagong mundo bilang aktibista, kung walang pagtatangkang maunawaan itong kinaiiralang riyalidad? Sa kabila ng kontradiksyon ng anyong pampanitikan (iilan ang maaring makaintindi dahil di-kumbensyunal) at oryentasyong pulitikal ng aktibismo (marami dapat ang mahamig upang mapalawak ang makauring hanay) ng mga piyesa ko, magtatagpo rin ang dalawa sa crossroads ng kritikal na pedagohiya.

Pabalat ng gastronomical visions (2013). Maaari itong i-download sa link na [ito], maging ang retrograde: stories & images (2013) at Apo sa Ika-22 Siglo: Mga Abstrak (2017).

KA: E sa paglathala sa mga journal ng Likhaan, gayong meron kang publikasyong independyente, konradiktoryo ba o may bangaan ba rito? 

TA: Masalimuot din iyan, at baka maging diyan, may kontradiksyon sa praktika, dahil naroon ako sa “institusyonal” maging sa “alternatibo”—at hindi ako nag-iisa dahil may ilang nasa akademyang katulad ang kinalalagyang posisyon. Ganoon ang estruktura ng UP: nagluwal ng Marcos at ng Joma, halimbawa. Balik sa publishing, nakataya ako sa “tradisyunal” at sa kahit papaano’y “radikal”—pero nais ko rin lang sabihing nagsusumite na ako sa calls for submission at gumagawa ng sariling zines at komix bago pa man ako maging gurong nakapaloob sa “publish or perish” na kalakaran sa akademya. Thinking-out-loud at repleksyon ito upang kumbinsihin ang sariling hindi puntusang kwantipikasyon ng pagkatao ang nagtulak na gawin ko ang mga ginagawa ko. May mga usaping kailangan iadres at may espesipikong midyum para rito. May ambag sa “poetika” at praktika ko ang pamantayan at tema ng mga journal at antolohiyang pinagpasahan, maging ang pakiramdam ng demokratisasyon sa produksyong DIY (do-it-yourself), kaya lagi’t laging may tangka sa eksperimentasyon at sa kawalang katiyakan. 

“THE N(8)SE” (2020). Nataong naipost ito sa personal na account ni Tilde Acuña noong Marso 28, ika-75 na kaarawan ni Pangulong Duterte.

KA: Sa tingin mo, nasaan ang kinabukasan ng paglalathala sa Pilipinas?

TA: Interesante, sadya man o hindi, na hindi iilang pagkakataong sabay ang Writers’ Night sa UP kung saan inilulunsad ang Likhaan at ang BLTX (Better Living Through Xeroxography) kung saan naglalatag ng iba’t ibang zines. Kung usapin ng access, mahirap matantsa dahil wala akong empirical data. Ilang observations: may kopya online ng Likhaan, bago pa maganap itong lockdown; wala pang upload ng titles mula sa mga lokal na university press; ilang zines at komix na ang libreng ipinamahagi online, bagamat may iba ring medium-specific (o mahirap “isalin” tungong PDF file). Sa “imperial Manila” pa lang ang sagap nitong radar ko. Kaya mahirap maaninag nang komprehensibo ang kinabukasan ng paglalathala. May sigla itong pagsibol ng relatibong “bago,” pero tulad ng kinaiiralan nating sosyo-ekonomikong kalagayan, bumabara pa rin kahit papaano ang “luma.” Nariyan din ang posibilidad ng e-publishing, sa narito na’t nalalapit na hindi natin tiyak na “bagong normal” na kalalagyan natin bilang producer at consumer ng texto matapos itong lockdown. Hinubog at huhubugin ng namamayaning moda ng produksyon at pagpalag dito ang paglalathala, at iba pang aspeto ng pag-iral sa mundo.

Kasalukuyang tinatapos ni Tilde Acuña ang Halaga sa F—ed. Abangan ang paglabas nito ngayong taon.

KA: Lumilikha ka ng komix. Maaari mo bang ipaliwanag ang paggamit mo ng salitang ito, gayundin ang iyong pagtatasa sa kasalukuyang sitwasyong pangkomix sa Pilipinas? 

TA: Una kong na-engkwentro ang “komix” kay Adam David; hindi magtatagal matitisod ko ang “co-mix” kay Art Spiegelman, pero mas hahalaw ako sa “x” sa “imagextext” ni W.J.T. Mitchell. Itinuring ko ring variable ang “x” sa “komix” at sa “ilustraxon,” na palalawigin sa artikulo. Sorry, isa-cite ko ang aking sarili: “Sa potensyal na sarplas, dayalektika, at sintesis ng imagextext, maaaninag pa rin ang ‘image,’ ‘x,’ at ‘text,’ pero tila iisang entidad na lamang ang ilustracion [pagkatuto] at ilustrasyon [pagdibuho] sa ilustraxon.” Tapos, mas bagahe ng “komiks” ang dami ng arawan, lingguhan, buwanang benta dahil masasabing industriya ito noon samantalang mas bagahe ng “komix” ang iba’t ibang kontemporaryong isyu lampas (at dagdag) sa ekonomikong usapin ng kita at trabaho; sa BLTX man o komikon, masaya na ang mga awtor sa breakeven sa sales dahil karaniwang may iba silang hanapbuhay o mga raket.

Apat na shirt design. Ibinenta at ipinamahagi sa mga kumperensya at iba pang aktibidad ng CONTEND-UP.

KA: Kaugnay nito, mayroon ka bang payo sa mga batang komikerong nagsisimula pa lang lumikha? 

TA: Baka wala akong kapasidad at karapatang tumasa sa sitwasyong pangkomix dahil hindi ako ganoon karegular dumalo nitong nakaraang taon sa BLTX man o komikon kaya hanggang “so far so good” lang ang masasabi hinggil sa lokal komix production at “maging responsable” lang ang mapapayo. 

Mother Democracy’s smoking gun.” Editorial cartoon sa Salungguhit ng bulatlat.com.

KA: Ano naman ang proseso mo sa paggawa ng komix?

TA: Spontanyo ang proseso ko sa paggawa. May germ (o pathogen?) ng idea, magkahalo ang key words sa thumbnail layout—na nasa notebook o scratch paper. Matapos magkaroon ng estruktura, along the way, may mga binabago rin. Hand-drawn muna, tas edit at kulay ay rendered sa photoshop. Wala (pa) akong tablet, drawing sa papel, scan via phone, at render ang steps ng produksyon ko.

“Nang mag-agaw-dilim ang kabataang mangangaso sa Majayjay” (2012) at “splitting the atom (2014). Kabilang sa Factsheet #6 & #7, mga art exhibit ng Artists’ Arrest, Southern Tagalog Exposure at iba pang organisasyon.

KA: Sa sitwasyon ng Pilipinas sa kasalukuyan, lubhang naapektuhan ng COVID-19, ano sa tingin mo ang responsibilidad ng mga manunulat at alagad ng sining sa panahon ng krisis? 

TA: Tiyakin siguro sa sarili kung ano ang layunin ng akda o ng sining sa anumang krisis? Ambag ba talaga sa pag-unawa sa lipunan ang kinakatha? O obheto lamang ang isyung panlipunan sa asersyon ng pagka-manunulat o pagka-artist sa gitna man ng paglindol, pagsabog ng bulkan, bagyo, pandemya, at iba pang suliraning pandaigdig? Mainam ding balikan ang nabanggit na metaporang alkemikal: pag-unawa, pag-deconstruct, pag-buong-muli. Kawalang pakundangan ata kung bubuo na kaagad ng akda o sining, gayong hindi pa tinangkang unawain at gagapin ang sitwasyon? Bagamat maaari din kasing coping mechanism sa anxiety ang inaakalang produktibidad (ganito ang karanasan ko sa nakaraang mga araw)? 

“Diptych” (2014). Artwork na lumabas noon sa Shift Focus ng DiscLab | Research and Criticism.

KA: Ano ang nakikita mong mga tunguhin ng mga malikhaing efforts kaugnay ng disaster o pandemya?

TA: Delikado ang mistipikasyon sa alanganing panahong ito ng corona—na ipinaksa ng recent article sa DT. Pwede rin namang hindi 24/7 ang pagka-manunulat at pagka-artist, depende sa kahandaan at kamulatan. Kailangan siguro, sensitibo at maingat sa tendensiyang malakihin ang papel ng sining. Hindi naman bawal maging tiyak at maging sayantipiko sa pagtatasa ng ambag kahit papaano. Madalas, hindi lapat sa lupa ang romantisismo sa bokasyon o role kaya overemphasized ang pagpapahalaga rito. Kaya binatikos, halimbawa, ang pagkumpara ng mga mambabatas ng sarili nila sa health workers. May mga sinserong manunulat, artista, komikero, filmmaker, atbp, na nag-initiative ng fund-raising activities para sa health workers at para sa marginalized sectors. May mga nagpahayag din ng kritikal na sipat sa mga institusyong dapat singilin at bulok na sistemang umiiral. Madalas kaysa hindi, sabay itong ginagawa hindi lang ng mga alagad ng sining kundi ng mamamayan sa pangkalahatang kailangan nilang sandigan. 

Cover study para sa Manlilikha Journal ng UP Diliman Departmento ng Filipino at Panitikan ng Pilipinas

KA: Sino-sino ang mga komikerong Filipino ang kinasasabikan mong mabasa ang mga bagong likha at bakit? 

TA: Para walang spoiler, sisikapin kong maikli na lang ang sagot dito. Inaabangan ko ang pagpapatuloy ng: Dead Balagtas ni Emiliana Kampilan, Dylan + Joan ni Adam David at Josel Nicolas, anumang bago ni Apol Sta. Maria, Julius Villanueva, at Hulyen—dahil masaya sila. Malamang may iba pang hindi ko lang maalala ngayon, kaya iyan muna.

“edifice.” Itinampok sa “PSR:5MMiRV” sa Quarterly Bathroom Companion Comics Compendium Volume 1 (2010). Kasama sa kuleksyong retrograde: stories & images (2013).

KA: Ano pang partikular sa kanilang praktika ng sining ang iyong kinahuhumalingan?

TA: Hindi lang “masaya” dahil nakakalibang kundi dahil may pinagtatawanan silang pinagtatawanan ko rin. Sa proseso ng enjoyment ko bilang mambabasa at ng mga awtor, hindi nakokompromiso ang kalidad. Kung kinamumunghiang kinamumunghian ko naman ang usapin, espesyal na banggit ang Sauron ng SAKA (Sama-samang Artista para sa Kilusang Agraryo). Bukod sa primarily anti-pyudal ito pero malinaw rin ang anti-imperyalistang talas, halos maglaho sa background ang mga komikerong involved dito; hindi sila pabida. Sadya man o hindi, walang byline nang unang lumabas ang mga komix nang paisa-isa sa online platforms. May print edition ito para sa fund-raising. At higit sa lahat, dokumentasyon itong nakabatay sa salaysay ng mga magsasakang biktima ng pasismo ng estado sa Negros. Ito ang paradox ng komix na ito. Walang sinumang nasa tamang pag-iisip na aabangan ang susunod na isyu ng Sauron upang makakita ng “art” dahil nananawagan ang mga komix sa koleksyon ng tunay na repormang agraryo at hustisya sa mga biktima ng pyudalismo at pasismo. Parang “prison writing,” na natalakay minsan ni Ericson Acosta: sana magsulat ng danas ang mga bilanggong pulitikal pero pinakamainam kung wala nang bilanggong pulitikal. Kung ang nais ng mga aktibista ay mundong hindi na kailangan ng aktibista, sana naisin din ng mga artist ang mundong lahat maaaring maging artist kaya hindi ito espesyal. Anyway, echo chamber ba ang mga nabanggit na komix? Malayo roon. Sa panel at pahina ng mga ito, nakukwestyon ko ang sariling praktika at sipat sa mundo. Hanggat hindi nauubos ang tanong, patuloy ang existence. Habang binabago ang mundo at pananaw rito, binabago ang sarili.

Cover ng Manlilikha Journal ng UP Diliman Departmento ng Filipino at Panitikan ng Pilipinas

KA: Bilang pagtatapos, palagay mo paano sila nakakaimpluwensiya sa iyong mga ginagawa?

TA: Kung puro apirmasyon ang dala ng akda at walang espasyong pupunan ang mambabasa, baka henyong henyo sa sarili ang awtor—at baka ang mga ganito ang iniiwasan ko. Static sa mga ganoong siklo ng produksyon at konsumpsyon ang awtor at mambabasa. Mainam kung dynamic at nagbabago. Humahalaw ako ng praktika sa mga binabasa, at baka maaninag rin ng sinumang seryosong mambabasa ang impluwensiya ng mga binabasa nila. bilang pagtatapos, isang moral lesson tulad ng marapat na pagtatapos ng anumang kwento (ewan kung may nakapagsabi na nito): you write what you read.

KA: Ikaw ba talaga iyan?

TA: Ako nga ba? Baka nasa Altered Carbon o Ghost in the Shell ang sagot lalo at April Fools.

KA: Tilde Acuña, maraming salamat.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Google photo

You are commenting using your Google account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s