Interbyu kay Dekki Morales

KULITI.ART: Dekki Morales, gumagawa ka ng cartoons at nagsusulat din ng mga maikling kwento. Ano ang naiaambag ng iyong pagsusulat sa iyong pagguhit, ng iyong pagguhit sa iyong pagsusulat?

DEKKI MORALES: Oh shyt. Simula nung mag-drawing ako last 3 years medyo hindi ako naging reflective sa ugnayan niyang dalawa. Sorry naman. Siguro, yung kaunting nalalaman ko sa pagsulat ang “nakapagsasalba” sa ilang iginiguhit kong skit. Nakakatulong yung pagsusulat ko sa pagpili ng papaksain sa ido-drawing. Pero sa totoo lang napapangitan talaga ako sa gawa ko at nito lang nasa mid-30s ko na ako nahilig sa pagguhit dahil sa ilang artist na nakikita ko sa internet. Sa realization ko, parang super late na para sa edad ko ang matuto ng ganitong klase ng drawing. Tignan niyo drawing ko maigi, daig pa ‘ko ng mga bata sa elementary. Simpleng drawing ng ilong, leeg at kamay saka pagkukulay sa loob ng mga linya di ko magawa ng tama. Pero ‘yun na nga, siguro itong katiting na nalalaman ko sa panitikan at ilang isyung pambayan ang ipinambabawi ko sa kaawa-awang lagay ng pagguhit ko. Mas nasa sulat siguro ‘yung value ng gawa ko kesa dun sa mismong drawing. (Tatawa.)

Si Dekki Morales, kasama ang anak niyang si Inday (Imahen (c) Dekki Morales)

Tungkol naman sa ambag ng pagguhit ko sa isinusulat, tingin ko, bukod sa hamon na maging malikhain, natuturuan talaga ako nitong komiks kung paano magtipid ng salita. Masalita kasi ako pagdating sa pagsulat ng kwento, minsan ako na rin mismo naaasiwa sa gawa ko at ang isang dahilang napupuna ko e sobra ako sa mga hindi na kailangang paglalarawan. Nakuha ko yata yun sa pagbabasa ng mga nobela nila Saramago at iba. Sa komiks, pinag-iisip ako nito kung paano sasabihin ‘yung maraming bagay sa pamamagitan ng ilang salita kasi maliit lang ang space at mas dapat na ang drawing din ang naglalarawan kesa words. Medyo mahirap pero gusto ko ‘yung ganu’ng hamon para makalampas ako sa ilang limitasyon at may bagong matutunan. 

Imahen (c) Dekki Morales

KA: Ikaw ang direktor ng PUP Center for Creative Writing. Ano sa tingin mo ang dapat maging relasyon ng alagad ng sining sa mga institusyon?

DM: Chief lang ako sa CCW. May boss ako at ‘yun ang totoong direktor na namamahala sa amin lahat sa loob ng isang institute, ang PUP-ICLS. Tungkol sa tanong, haha. Ang hirap naman. Pero sa tingin ko, dapat ‘yung mga alagad ng sining sila ‘dapat yung isa sa mga nangunguna sa pagre-revolutionize ng mga institusyon. Parang mga frontliners sa gera na matitindi ang fighting ability. Ibig sabihin din, hindi sila dapat ‘yung mga madaling makain at maging kasangkapan system para ipangatwiran ang maraming injustices and inequalities na ipinapatanggap ngayon ng napaka-atrasado nating lipunan. Si Sartre ata ang unang nagsabi ng may diwang ganito rin, nakalimutan ko na pero parang ganun yung isang idea sa statement niya nung tanggihan niya ang Nobel Prize Award. Sang-ayon ako du’n, ang hardcore di ba. Pero baka ang isang tanong ko rin sa sarili ngayon kaugnay nito, eh ba’t ako nasa CCW at naging hepe pa dito? Haha. Technichally hindi naman kami institusyon at lalong hindi kami ang establishment na gumagawa ng mga norm. Wala pang isang dekada ang CCW sa PUP at sa tingin ko hindi kasama sa mga tunguhin ng aming maliit na center ang magtanggol at maglingkod sa mga tiwaling kaayusan ng lipunan. Sa kabilang banda, mas tinitignan ko ang CCW na nagsisikhay kung paano makapag-aambag ang mga programa at pananaliksik nito sa pagpapabago ng isip ng mga kabataan ngayon dahil sila ang talagang magbabago sa mga institusyon natin ilang dekada mula ngayon. Sila talaga ang magbabasura sa mga palpak nating sistema gamit ang mga bago at mauunlad na kaisipan. Sa ganitong paraan ko tinitignan ang relasyon ng mga aalagad ng sining sa mga institusyon.    

Imahen (c) Dekki Morales

KA: Kamakailan ay naibenta mo ang print out ng ilan sa iyong mga cartoon. Ano ang naging proseso nito? Kinikilingan mo ang online na distribusyon ng iyong sining, ano sa tingin mo ang kinabukasan ng moda ng produksyon ng sining sa Pilipinas?

DM: Dalawang frame lang iyon na halos balik-bayad lang sa pagpapa-frame, pagkain at pamasahe ang natanggap ko. Hindi pa nga ata nakukuha yung isa sa office dahil sa covid pandemmit shyt. Haha. Anyway, ginagaya ko lang ang nasimulan ng gawin nitong mga independent artist sa internet na sinusubaybayan ko. Tingin ko medyo matagal na rin nilang ginagawa ito at mabisa ang internet, dahil dito ikaw na ang may tangan ng proseso (aaralin mo nga lang). Di mo na kailangan ang shyt ng middleman o kapitalista na later on mag-exploit lang sa ‘yo. Sa isang banda nae-empower ka ng ganitong moda bilang manlilikha kasi ikaw ang may hawak ng kapangyarihan sa produksyon at walang iba. Pero siyempre, iniisip ko rin na di-hamak na mas kumikita si Instagram at fb tuwing nagpo-post tayo ng kung anu-ano sa internet. Sa ganun kasi kapag nagsuma ka talaga, lugi tayo bilang populasyon na nagagamit ng marketing at malalaking negosyo. Anong magagawa natin? Una siguro maging conscious tayo na meron palang mga ganitong struktura sa mundo ng internet. Pangalawa, eto na nga kung alam na nating pinagkakakitaan pala tayo, bawiin natin unti-unti. 

Imahen (c) Dekki Morales

Tungkol sa moda ng produksyon, tibak pa ‘ko nung kolehiyo lagi ko ng naririnig ‘yan. Haha. Tingin ko hindi ganap na mapapatay ng online ang print kahit pa sabihing ginagawa na ang lahat ng bagay ngayon sa online, as in lahat pati gera at sex. Yes, mas mabilis kang makakapag-circulate ng akda mo sa online pero alalahanin nating isang malupit na virus at hacker lang ang katapat niyan, limas lahat yan sa isang iglap minsan isang araw. Bye bye ka na sa isang prosesong sinandigan mo. Dapat hindi taken for granted para sa ‘tin itong internet. Ako may bias din ako sa print sa totoo lang kasi old school ako at mas gusto ko sa isang akda halimbawa ang hindi lang nakikita kundi nahahawakan din, naamoy, nasasalat at nailalagay sa hanay ng mga paborito mong koleksyon para madaling balikan. Magandang may online at maganda pa ring may print. Sa tingin ko, parehong may natatanging kapakinabanagan yan. Kung susukatin ang kantidad, mas marami na talaga ngayon ang produksyon sa mundo ng online. Pero nasa nilalaman pa rin siguro ng isang akda magkakatalo sa bandang huli kung ano ang maganda at ano ang hindi. Dun natin masusukat ang kinabukasan ng moda ng produksyon ng sining dito sa bansa.  

Imahen (c) Dekki Morales

KA: Pulitikal ang madalas mong pinapaksa sa iyong mga cartoon. Ano ang relasyon para sa iyo ng sining at lipunan? Ano ang masasabi mo sa kasalukuyang sitwasyon ng alagad ng sining at nitong krisis ng COVID-19?

DM: May mabigat na impluwensiya siguro sa akin ang pagiging aktibo ko noon sa mga student org nung kolehiyo at ang pagiging sociology major kaya napapadalas ang pagpaksa ko sa mga isyung pulitikal. 

Imahen (c) Dekki Morales

Para sa ‘kin, mahigpit ang ugnayan nitong sining at lipunan. Hindi pwedeng umiral ‘yung isa na wala ‘yung isa. Walang society na walang art. At hindi magkakaroon ng art  sa isang lugar na walang lipunan ng mga tao. Nililikha nila ang isa’t isa. Mula dito, pwede nating maunawaan na malaki ang nagagampanan ng mga kaisipan, tulad ng matutunghayan sa sining, para magsulong o pigilan ang mga pagbabago sa paligid. Hindi lang simpleng ginagawa ang sining para lamang makakita ka ng maganda o maaliw.  Lalong hindi lang siya basta salamin ng mga materyal na kundisyon natin sa buhay tulad ng sinasabi sa mga lumang teoryang pangkultura. May transpormatibong kapangyarihan ang sining at nakapagdudulot ito ng makapangyarihang impluwensiya sa paraan nating bigyan ng kahulugan ang mga nagaganap sa paligid kaugnay ng mga nangyayari sa ating sa sarili.   

Imahen (c) Dekki Morales

Anong magagawa ng mga artist sa panahon ng matinding health crisis kung saan araw-araw may nagkakasakit at namamatay? Natutukso rin akong sabihing actually “wala”, hala sige mag-art na lang sila para malabanan ang bagot. Pero siyempre biro lang ‘yun.  Of course ang mas kailangan ng bayan ngayon ay mahusay na agham para malabanan ang demonyong virus pero hindi ito nangangahulugan na sa ganitong sitwasyon ay ganap na walang magagawa ang sining kaya dapat munang tumabi-tabi. May kakambal na matinding lungkot at pinsalang moral sa mga tao itong idinulot ng krisis sa covid-19. Sa mga ganitong sitwasyon, bukod sa mang-aliw, nandiyan pa rin dapat ang makabuluhang sining para tumulong mag-inspire, mag-educate critically, magmulat at makibahagi sa pagbibigay ng pag-asa na malalampasan din natin ang mga problema. Hindi ito magagawang mag-isa ng siyensya at ng bulok na sistema na meron ang bansa. Kailangan natin ngayon ng mahusay na perspective at nakatutulong ang sining sa pagpo-provide nu’n.

Imahen (c) Dekki Morales

Iba ang isyu dito ng mga nabansagang karerista na naging usap-usapan din lately sa internet. Sana hindi nila nakikita na magandang pagkakakataon ang nangyayari ngayon para makabuwelo ng husto ang karera ng sarili bilang “artist” sa gitna ng paghihirap ng iba. Para sila niyang mga negosyante ngayon ng overpriced alcohol at PPE. Medyo nakangingiwi talaga ito, para sa ‘kin. Nitong mga nakaraang araw parang ayaw ko na muna rin mag-drawing dahil dito. May guilt feeling ako ditto na parang nagse-self promotion na rin ako sa ginagawa kong drawing. Buti na lang mukha talagang tanga yung gawa ko kaya halatang hindi mapo-promote kahit anong gawin. (Tatawa nang malakas.)

Imahen (c) Dekki Morales

Bilang taga-NCCA-NCLA din pala, iniisip namin ang kapakanan ng mga freelance artist na sa paglikha lamang kumukuha ng ikabubuhay ngayong may lockdown. Hindi sila tulad ng mga artist na teacher din na naka-pay roll, sumasahod at may kita kahit may malaking problema ang bansa. Nakakabahala din ang magiging epekto sa kanila nitong krisis. So sana, maisipan na silang mga independent artist ng paraan paano matutulungan ngayong may lockdown na tatagal pa ata. Pansamantala, kung may kakilala tayo at makakatulong naman, pwede tayong magpakumisyon sa mga freelance artist ng ilang gawa.   

KA: Anong app ang gamit sa iyong paglikha ng mga cartoon? Ano ang maipapayo mo sa mga mas batang gustong gumuhit at nagsisimula pa lamang sa kanilang paglalakbay?

DM: Sketch app lang. Naka-built-in na ito sa selpon nung binili dati. Sa selpon lang ako nagdo-drawing pag may libreng oras at binabaliw ako ng kulit. Tingin ko downloadable naman ito sa internet / app store. 

Imahen (c) Dekki Morales

Ang tip ko sa mga bata, mag-drawing lang kayo araw-araw. Tignan niyo mga gawa ni Manix Abrera, Art Spiegelman o Marjane Satrapi, matuto kayo sa kanila. Habang bata pa at may dami ng oras para mag-aral, magsaya at paunlarin ang sariling kakayanan, gawin ninyo. Maganda rin nasasanay kayo na marunong magpahayag sa paraang malikhain. Kayo rin talaga ang tatangan sa kapangyarihan ng mundo ilang panahon mula ngayon kaya dapat may malalim na pagpapahalaga kayo sa art. Wag niyo kong gayahin na kung kelan tumanda e saka pa lang nagsimulang mag-drawing at magpahalaga sa art. (Tatawa.)

Imahen (c) Dekki Morales

KA: Ikaw ay surfer. Saan matatagpuan ang mga pinakamahusay na alon sa Pilipinas?

DM: (Tatawa nang malakas.)Nakakahiya ito pag nabasa ng mga totoong surfer na kilala ko. Babaluktot ang mga katawan nu’n sa kakatawa. Ang turing ko lang sa sarili ay fan ng surfing at nakiki-surf-surf na lang ako paminsan-minsan sa lugar ng mga kaibigan sa Baler na umaampon sa ‘kin ng isa hanggang dalawang linggo. Kung ako ang tatanungin, andu’n ang magagandang alon – kasi du’n lang ako nakaka-surf. 

KA: Dekki Morales, maraming salamat.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Google photo

You are commenting using your Google account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s