Doorbell

(Isang hapon ng ECQ, 5:30nh, 14 Abril 2020, isang baranggay sa QC)

May nag-doorbell, nagtaka pa kami kasi wala nang inaasahang delivery dahil dumating na kaninang umaga ang inorder na gulay mula sa online palengke. Lumabas ang kapatid kong si Rizza para itsek, bumugad sa kaniya ang guwardiya ng subdibisyon na siyang nag-doorbell, matandang lalaking nakabisikleta, isang babaeng naka-mask at may hawak na papel at bolpen, at ang ikinanerbiyos ng kapatid ko, may kasamang ambulansiya. Siyempre, tinanong kung ano ang kailangan. Ang tugon ng babae ay may nakatira daw bang Jessie Narvaez. Sinagot ni Rizza ng “Wala ho, bakit ho ba?” (May pagdududa pa ang mga nagtatanong kung nagsasabi ng totoo ang kapatid ko.) Kung may ambulansiya ang nagtatanong na babae, malamang naghahanap ng PUI o PUM. Tinanong niya sa babae ito para makumpirma. Ang sagot ng babae “Hindi ho, may itatanong lang kami.” Kasalukuyan akong nasa sala at nanonood ng TV, kakakain lang ng ginataang bilo-bilo na niluto ni Rizza. Last week pa dapat iyon pero dahil hindi kami makalabas, hindi kami makabili ng niyog. Dahil nga dumating na ang delivery sa online palengke kaninang umaga, nakapagluto na rin siya sa wakas ng ginataang bilo-bilo sa wakas, na minsang isang taon lang niya ginagawa tuwing Mahal na Araw.

Ang awtor, si Eilene Narvaez

Wala kaming alam kung ano ang nangyayari sa labas. Pero nagtataka nga ako bakit ang tagal ng kausap niya sa labas. Maya-maya pumasok na si Rizza sa loob ng bahay. Ninenerbiyos daw siya. Sabi ko bakit? May hinahanap na Jessie, e may kasamang ambulansiya. Sabi ko, “Anong sagot mo?” Sabi niya, “E di wala. Wala naman talaga e.” Sabi niya, “Nakakahiya kasi naglabasan lahat ng kapitbahay tapos nakatingin silang lahat, nagmamasid, nakikinig sa pinag-uusapan. Alam mo sa mukha nila na hinuhusgahan ka na nila.” Ganoon kapraning ang mga tao. Siguro kami man kung makakita ng ambulansiya at babaeng nagpipilit na hanapin ang isang tao na wala naman.

Nagmamadaling umakyat si Rizza sa kuwarto kung nasaan si Mama, para siguro mahimasmasan. Makalipas ang dalawang minuto, tumayo ako at sumilip sa labas. Naaninag ko pa ang mga paa ng mga tao sa labas ng gate at hindi pa rin umalis ang mga taong nag-doorbell. Kaya naisipan kong lumabas din. Binuksan ko ang gate, inilabas ko nang kaunti ang aking ulo at nagtanong, “Ano ho ba iyon talaga?” May narinig akong nagsabi, “O, wag kang lumapit diyan.” Hindi ko tiyak kung sino iyon at kanino sa mga tao sa labas sinabi. Basta ang mensahe, lumayo sa akin na biglang sumilip sa gate. Dahil ba sa social distancing protocol o dahil nga inaakala nilang nakatira sa bahay namin ang isang pinagsosospetsahan nilang may COVID na ayaw naman nilang sabihin.

Sumagot ang babaeng naka-mask, “Wala ho bang Jessie ang pangalan sa inyo diyan?” Sa loob ko, nasagot na nga ni Rizza kanina. Sinagot ko, “Wala nga ho. Ano ho ba ‘yan, PUI ba yan o PUM? May COVID na ba dito sa Subdibisyon?” Pareho ang sagot ng babae sa sagot niya kay Rizza, “Wala ho, may itatanong lang.” May kung anong nakakakaba sa sagot niya. Nagsalita uli siya, “Ilan ba kayo sa bahay ninyo?” Inisip kong dapat ko bang dini-disclose ang mga impormasyon na ito sa hindi namin kilala? Dahil nakita ko rin ang nagmaniobrang ambulansiya na papalapit, kumabog din ang dibdib ko kahit natitiyak ko namang wala ang hinahanap nila dito sa aming bahay. Mas ikinababahala ko ang pagpipilit nila. Sabi ko, “Kasama namin dito sa bahay si mama.” Nakakatawa nga dahil nasabi ko pa na lima kaming magkakapatid at itinama kong anim kaming magkakapatid pagkaraan. (Nalito na rin ako kasi ang dami namin at dahil na rin may kasama na ring nerbiyos ang pagsagot.) Dugtong ko pa, “…dalawang lalaki at apat na babae.” (Sa isip ko sasabihin ko rin, “at dalawang aso,” dahil kasama sila palagi sa bilang ng pamilya pero hindi ko na sinabi baka isa pa sa kanila ang mapagkamalang Jessie ang pangalan. Kiko po at Chichi ang pangalan ng aso namin.) Sumabad ang lalaking nakabisikleta, “Hinahanap ho kasi nila Narvaez. E kayo lang ang alam naming Narvaez dito. Cynthia ang pangalan ng nanay mo di ba?” Sumaot ako, “Oho.” Pero may pagtataka kung bakit niya alam. Bigla kong naalala na may pinasagutan ang baranggay noong isang linggo, parang sensus siguro para sa relief goods. Pero hindi rin ako tiyak dahil hindi naman sila nagbibigay ng relief goods sa loob g subdibisyon. Hiningi lang ang pangalan ng head of the family at walang hininging pangalan ng mga miyembro ng pamilya. Sumabad uli ang matandang nakabisikleta, “Baka naman may anak ang tatay mo na Jessie ang pangalan?” Sa loob ko, ipilit ba talagang may Jessie dito? Sumagot ako na medyo mataas na ang boses, “Grade five pa lang po ako nang mamatay ang tatay ko (25 taon na ang nakararaan, nakompyut n’yo ang edad ko? He-he!) at wala akong alam na anak niya sa labas! Tapos dito pa sa bahay namin nakatira?” Dagdag ko pa, “Gusto n’yo ilabas ko ang family picture namin, nariyan lang sa sala… saka IDs, kailangan ninyo?” Sumagot ang babae na naka-mask, “Hindi na po.” Pero nagtanong uli siya, may kapatid ba kayong lalaki? Ano hong pangalan?” Sabi ko, “Oo, Laurence at Ardyn. May tanong pa ba kayo?” Sumagot naman ang babaeng naka-mask, “Wala na ho, salamat.” May sinasabi rin silang ibang adres na tumugma sa katabi naming bahay at ang pangalang Jessie ay pangalan naman ng kabilang kapitbahay namin, ang tumugma naman sa amin ay apelyido ng taong hinahanap nila. Ano yun, puzzle? Mali ang adres, mali ang pangalan. Binuhay pa ang matagal nang patay na nagkaanak pa sa labas para piliting lumitaw ang taong wala naman. 

Sinara ko ang gate. Nanlata rin ako kahit sa maikling pakikipag-usap sa mga taong may dalang ambulansiya. Umakyat na rin ako ng kuwarto. Pagkaraan ng mga sampung minuto, sunod-sunod na doorbell ang narinig. Galit na galit ang pag-doorbell. Napatakbo na naman ako sa baba at nakasunod din ang kapatid kong si Laurence. Mabibigat ang yabag namin na may kasama nang tensiyon. Sa loob ko aawayin ko na itong mga tagabaranggay na ito! Bulalas ni Laurence, “Bakit nand’yan na naman sila!” Paglabas, nililisol at pinupunasang mabuti pala ni Rizza ang doorbell sa labas. Nagalit pa ako sabi ko, “Grabe ka namang maka-doorbell kasi! Sasabog na puso ko!” Sagot niya, “Siyempre, diniinan ko ang pagpunas para malinis. Baka sila pa may dalang COVID.” Nagtawanan na lang kami.

(Wala akong alam sa protokol ng DOH sa contact tracing o paghahanap ng COVID-19 positive. Pero hindi ito nakakatawang pagkakamali. Minessage ko ang FB ng Baranggay at sinita sila sa posibleng diskriminasyong sasapitin namin kinabukasan. Huling sinabi ko na lang, “Para ko sa kaalaman ninyo, walang may ubo, sipon, lagnat, o nagtatae man lang sa bahay namin. Dahil kung mayroon sa aming may sintomas ng COVID, kami ang unang-unang matatakot!” Huling sagot nila, “Sorry po maam, kaya po tayo nagpunta po sa address na ibinigay po sa atin ay para po iverify. Pasensya na po.” I-verify ang alin?)

Si Eilene Antoinette G. Narvaez ay guro, editor, mananaliksik, at tagasalin. Kasalukuyan siyang Assistant Professor sa Departamento ng Filipino at Panitikan ng Pilipinas, Kolehiyo ng Arte at Literatura, Unibersidad ng Pilipinas Diliman. Ambag niya sa panahon ng ECQ ang pagsasa-Filipino ng terminolohiya kaugnay ng COVID-19 at ang salaysay na ito. Ikaw, ano ambag mo? He-he!

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Google photo

You are commenting using your Google account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s