Kuwentong Bayan sa Panahon ng Corona Veerus

 (adaptasyon mula sa kuwentong bayang “Si Payo”)

1. Tae

Isang linggo bago pumutok ang Covid-19 pandemic ay isinama ni Meyor ang kanyang dakilang alalay at kapitan ng isa sa kanyang mga baranggay na si Kap Bong para mamaril sa gubat ng kabog (malaking paniki) na kanyang lulutuin para sa darating na bisitang mga Intsik. Hindi pa nga sila masyadong nakakalayo nang pinahinto ng Meyor ang kabayo at tinanong si Kap Bong kung nakita niya ang kanyang nahulog na pulbora. Sinabi ni Kap Bong na nakita niya ngunit hindi niya pinulot dahil akala niya ay itinapon ito ng Meyor.

Ang awtor, si John Barrios (Imahen (c) John Barrios)

“Buang ka, sa susunod na may makita ikaw mahulog mula sa aking kabayo pulutin mo ito at baka kailangan pa natin. E, kung barilin kaya kita?”

“Soli na, Meyor, ” sagot ni Kap Bong.

Makalipas ang ilang sandali, ang kabayo ng Meyor ay nagkalat ng tae sa kanilang dinadaanan.  Maliksing bumaba ng kanyang kabayo si Kap Bong at pinulot ang mga tae at inilagay sa isang sisidlan.

Nang sumapit ang tanghali, namahinga sila sa ilalim ng punong balete. Ginutom ang Meyor kayat inutusan niya si Kap Bong na ilabas ang baong tinapay. Matapos ibigay ni Kap Bong ang sisidlan laking gulat ng Meyor nang makita ang tae sa tinapay. Napasinghal siya.

“Yudiputa, bakit may tae sa tinapay?” tanong ng Meyor.

Sumagot si Kap Bong na, “Hini ba sinami mo akin pulutin lahat mahulog mula iyo kamayo dahil baka kelangan natin ‘to?”

Dahil sa narinig itinutok ng Meyor ang kanyang baril kay Kap Bong. Kakalabitin na sana niya ang gatilyo ngunit hindi ito natuloy dahil nakakita siya ng isang malaking kabog sa itaas ng puno.

2. Tainga

Nang makita ng Meyor ang isang malaking kabog (na paboritong kainin ng mga Intsik ng Wuhan) sa sanga ng puno ng balete, inasinta niya ito at sinabihan si Kap Bong na gamitin ang pangsindi sa pagbaba-pag-akyat ng kanyang tainga habang inaasenta ang target. (Ang kanyang baril pala ay mula pa sa kanyang lolo na naging meyor din sa Mindanaw panahon pa ng mga Kastila kayat kailangan pang gumamit ng pangsindi.)

Kinuha ni Kap Bong ang pangsindi at binantayan ang paggalaw ng tainga ng Meyor. Nang bumaba-umakyat ito ay sinindihan niya ang kaliwang tainga ng Meyor.  Nag-apoy ang tainga at halos naubos ang kalahating bahagi nito. Habang pinapatay ng Meyor ang apoy ay tumakbo na palayo si Kap Bong.

Ang gusto palang mangyari ng Meyor ay sindihan ni Kap Bong ang pulbora ng baril. Dahil nakatakbo na si Kap Bong napamura na lamang si Meyor. “Pesteng yawa na Kap Bong ka, babarilin kita! Hindi kita iiendorso sa susunod na eleksiyon bilang konsehal! Hindi kita pagagawan ng tarpulin! Lahing Intsik!”

3. Bangka

Hindi nagawa ng Meyor na barilin ang kanyang dakilang kapitan. Kaya’t nang dumating ang araw ng pagdating ng 12 Intsik na mula sa Wuhan ay sinabihan pa niya si Kap Bong na maghanap ng bangka. Naghanap naman si Kap Bong at nang makakita ito ng isang bangka sa ilog ay hinila niya ito at pinabaliktad. At dahil mataas na ang araw, napag-isipan niyang magpahinga sa ilalim ng bangka. Ilang sandali pa ay maririnig na ang kanyang paghilik.

Nang dumating ang 12 Intsik ay nakita nila si Kap Bong sa kabilang pampang na natutulog sa ilalim ng bangka. Makailang beses silang sumigaw para marinig ng natutulog na si Kap Bong ngunit nabigo silang pukawin ito. Napag-isipan ng isang Intsik na baka nagtutulog-tulugan lang ito kaya nagpalabas ito ng pera mula sa kinita ng kanilang POGO at sinabing susuhulan nila si Kap Bong. Ngunit hindi pa rin si Kap Bong nagising. Napag-isipan naman ng isang Intsik na ipagsisigaw na dala-dala nila ang mga PPEs na kailangang gamitin ng mga frontliners. Hindi pa rin nagising si Kap Bong. Sinabi rin nila na dala nila ang sulat ng kaibigan ng Meyor na si President Xi Jinping. Ngunit hindi pa rin natinag si Kap Bong. 

Sa huli, napag-isipan ng isa sa mga Intsik na gisingin na lang si Kap Bong sa pagpapaputok ng mga Chinese firecrakers. Pero hindi pa rin nagising si Kap Bong. Ang nagising ay si Meyor na natutulog sa kanyang palasyo kaya dali-dali itong pumunta sa Ilog Pasig. Nang makita nito si Kap Bong ay kanyang ginising at tinanong kung bakit hindi niya sinundo ang mga Intsik sa kabilang pampang. Sagot ni Kap Bong, “E, ikaw pahanap lang akin mangka, hini mo naman sabi sunduin sila!” 

Napakamot na lang ng ulo si Meyor sa narinig. Ngunit hindi na niya magawang sabihing babarilin niya ang dakilang alalay. Nalimutan niya ang baril sa palasyo.

4. Tiyan

Ilang oras bago dumating ang kanyang mga bisitang Intsik inutusan na ni Meyor si Kap Bong na lutuin ang kanilang nabaril na kabog (na isang malaking paniki), na talagang paborito ng mga Intsik mula Wuhan. Sinabihan niya si Kap Bong na matapos lutuin ang kabog ay itago niya ito sa lugar na walang makakakita.  

Matapos mailuto ni Kap Bong ang kabog ay inilagay niya ito sa isang basket.  Ngunit nang tingnan niya ang ilalim ng basket nakita pa rin niya ang mga paa nito na nakalabas sa butas ng basket.  Inilagay niya ito sa sahig at tinakpan ng palanggana pero nang bumaba siya ay nakita pa rin niya ang mga paa ng kabog sa siklat ng sahig kayat naisipan niyang tadtarin ito at itago na lang sa loob ng kanyang bunganga.  

Nang utusan na siya ng Meyor na iserbe ang kabog sa bagong dating na mga bisita ay napatitig na lang siya sa siklat ng sahig. Kaya medyo nagduda ang Meyor.

“Kap Bong, nasaan na ang kabog?” tanong ng kanyang amó.

“Para hindi makita ninuman, inilagay ko sila doon,” sagot niya sabay turo sa itaas. 

Ngunit walang nakita ang Meyor sa siklat ng sahig. Nakisali na rin sa paghahanap ang mga Intsik.

“Kap Mong, singe na, lamas mo na kamog at dadagdagan namin inyo budget Bild-Bild-Bild program,” sabi ng isang Intsik.

“Pwene rin namin kayo ngawin prominsiya ng Tsina,” sabad pa ng isa.

Ngunit talagang matigas si Kap Bong. Kaya’t hindi na nakapagpigil si Meyor at medyo napapahiya na, binunot nito ang baril, itinutok kay Kap Bong at saka sinabing, “Babarilin na kita, pesteng yawa ka!”

Sa takot napasabi na rin si Kap Bong, “Ay, dito ko pala tago loob akin tiyan.” 

Hindi na napakamot ng ulo ang Meyor. Pinaputok na nito ang kanyang baril sa humaharurot sa pagtakbong si Kap Bong habang hawak-hawak ang sulat ni President Xi Jinping na hindi binasa ni Meyor noong unang-unang presscon.

5. Puno

Umuwi si Kap Bong sa kanila at nangakong hindi na siya maninilbihan sa Meyor kailanman. Hindi na rin siya tatakbo sa susunod na halalan. Sa totoo lang, hanggang pagiging senador pa sana ang kanyang gustong pangarapin. Maging Best in Epal na kandidato. At dahil walang magawa, pinutol niya ang malaking puno ng narra sa tabi ng kanilang bakod.  Bumagsak ito sa kanilang bakod at naabot ang Spratly’s Island na pinagtayuan ng base militar ng Intsik.

“Pan Sit!” sigaw ng Intsik.

Pero hindi siya narinig ni Kap Bong.

“Kan Ton!” sigaw muli ng Intsik.

Nang makita siya ni Kap Bong, sinigawan niya rin ito ng, “Chop Suey! E, makit naman kasi kayo tayo base lugar saan bagsak puno tapos ako sisihin nyo!?”

Ang nabiglang Intsik ay napakamot na lamang ng kanyang ulo at dali-daling tumalikod at nagbukambibig ng, “Ikaw sumbong akin Meyor! Hmmm!”

Narinig siya ni Kap Bong at sinigawan ng, “Puto balaka puli Tsina!”

Matapos ang 14 araw, si Kap Bong ay nabalitaang naging positibo sa Covid-19 dahil sa kinaing kabog (malaking paniki) na paboritong kainin ng mga Intsik mula Wuhan. Unang nahawa ang kanyang kapitbahay na Intsik dahil hindi nakapag-social distancing, este physical distancing, at natalsikan ng laway ni Kap Bong. Umuwi ng Tsina ang Intsik isang linggo matapos mabagsakan ng puno ang kanyang isla na inagaw lang naman sa iba. At matapos pa ang tatlong buwan nagdeklara ang WHO ng pandemik at nagkaroon ng lockdown sa iba’t ibang bansa.

Si John Barrios, Ph.D., ay may-akda ng Txtm8rs at iba pang kwento (Kasingkasing Press, 2014) at Engkanta(w)o ag iba pang matag-ud nga Istorya (NCCA, 2005)Nagtuturo siya ng Pantikan at Wika sa UP Visayas. Interes niya ang panitikan ng Kanlurang Bisayas.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Google photo

You are commenting using your Google account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s