Ang Kasaysayan ni Baliw (Hikayat Si Orang Gila)

Walang sinumang nakaaalam sa pangalan ng siraulong madalas maupo sa sulok ng bangketa. Basta na lamang siyang tinawag na “Baliw” ng mga takatak boys at parak na madalas tumambay sa lugar. Nakapaskil sa sinasandalan niyang pader ang isang telang gula-gulanit kung saan nakatitik (pero halos hindi na mabasa) ang salitang “referendum.” Walang-imik si Baliw sa kaniyang sulok, diskumpiyadong sinisipat at sinisino ang mga bagay at mukhang bago sa kaniyang paningin.

Imahen mula sa Free Photo Library ng WordPress

Sa kabilang dako ng siyudad—malayo sa payapang sulok ni Baliw—nagsasagutan ang mga putok ng riple tulad ng mga lobong umaalulong sa kabilugan ng buwan. Ilang sandali pa’y nauulinigan na rin ang nagmamadaling yabag at histerikong sigawan ng mga residenteng nagkukumahog lumikas mula sa siyudad. Bitbit sa mga puputok nang bayong ang mga naisalbang gamit, mabilis silang nagsipulasan mula sa kanilang mga tahanan—nagmamadali’t nagtutulakan sa pagsakay sa mga trak na paalis ng siyudad.

“Hoy Baliw!”sigaw ng isang babaeng biglang sumulpot sa kaniyang tabi.

Napalingon si Baliw sa direksyon na pinagmulan ng tinig na tumawag sa kaniya. Nakatayo na ang babae sa kaniyang harapan. Bakas ang pag-aalala sa mga mata nito.

“Tara na! Mamamatay ka rito!” babala ng ng babae kay Baliw.

Blangkong tingin lang ang isinukli ni Baliw sa pag-aalala at babala ng babae. Para kay Baliw, ang babaeng iyon ay walang iba kundi ang babaeng halos araw-araw nagbibigay sa kaniya ng pagkain. Iyon lamang at wala nang higit pa roon. Hanggang sa mga sandaling iyon, ang buong akala ni Baliw ay gusto lang siyang bigyan ng babae ng makakain. Diah ang kaniyang pangalan.

“Umalis na tayo rito. Dali!” muling yakag ng babae.

Wala pa ring reaksyon si Baliw.

Muling bumatingaw at sumingasing ang putukan sa hindi kalayuan. Dumadagundong, nagsasagutan, papalapit sa payapang sulok ni Baliw. 

“Diah! ‘Wag na kayong maglandian d’yan! Madali kayo! Aalis na tayo!”sita ng  matandang ale kay Diah habang nakatanghod mula sa isang nakaparadang trak.

Nanatiling nakatingin kay Baliw ang mga nag-aalalang mata ni Diah habang tumatakbo siya papunta sa direksyon ng trak.

***

Makalipas ang ilang araw, nakaramdam na rin sa wakas ng matinding gutom si Baliw. Sa munting siyudad na iyon na pinanawan na ng lahat ng buhay, mag-isang hinahalukay ni Baliw ang tambakan para sa pagkain, nakikipagkumpitensya sa mga daga at pusang kalye. Wala naman siyang magagawa. Wala na si Diah na araw-araw nagbibigay sa kaniya ng pagkain. Wala na rin si Wak Haji na ipinagtatabi siya ng tinapay mula sa panaderya. 

Napadpad siya sa isang gusali ng paaralang tinupok ng apoy. Sa sobrang pagkatupok ng gusali, kulay uling na ang mga pisara, silya, at mesa sa mga silid nito. Sa kabila nito, kakatuwang nakasabit pa rin ang larawan ng Pangulo (na hindi napalitan ng larawan ng bagong pangulo dahil nawala sa isip ng mga guro at administrador ng paaralan) sa silid ng prinsipal na nilamon ng apoy.

Umaaso pa rin ang usok sa paligid, sa silid na kinalalagyan ni Baliw, at iba pang gusali sa siyudad. Ngunit hindi ito inalintana ni Baliw. Sa huli, nananatali ang isang naggugumiit na realidad: wala pa rin siyang masumpungang pagkain.

Nagsimulang lumipad ang kaniyang kamalayan, malayo sa lahat ng nangyayari sa kaniyang paligid. Pagsapit ng tanghali, lalong lumala ang paghihimagsik ng kaniyang sikmura. Desperadong masayaran ng pagkain ang kumakalam nang sikmura, pinasok niya ang bawat pinto at bintana ng lahat ng natitirang bahay sa siyudad na una nang pinasok ng iba. Pero muli, wala pa rin siyang matagpuang pagkain.

Sa pagod, ginawa niyang bangko ang banakal ng punong nakita niya sa bangketa.

Mula sa kaniyang timog ay dumaan ang isang trak ng militar na lulan ng isang batalyon ng sundalo. Malakas ang tunog ng makina ng trak. Pero daig pa rin ito ng tinig ng mga nagsisipagkantahang sundalo. Nagpatuloy ang pagkakantahan at paghaharutan ng mga sundalo hanggang sa magsimulang gumewang at umiskyerda ang trak. Naulinigan ni Baliw ang pagkakantahan ng mga sundalo na mas akmang ilarawan na katono ng mga awiting lasing kaysa kantang makabayan.

Ang maiingay na sundalo ang mga unang nilalang (na buhay) na naengkuwentro ni Baliw pagkatapos ng naganap na trahedya at eksodus ng tao mula sa siyudad. Bago ang engkuwentrong iyon, katahimikan at desolasyon lamang ang pumupuno sa mga araw ni Baliw. Para kay Baliw, malinaw na hindi sila ang mga taong kaniyang inaasahan (at puwedeng maasahan). Unang-una sa lahat, hindi nakatutuwa ang kanilang pag-uugali. Nang mamataan ng mga sundalo si Baliw mula sa malayo, binato nila si Baliw ng kung ano-anong gamit at ginulantang sa pamamagitan ng putok ng baril. Sa isip ni Baliw, hindi sila ang mga ‘anghel’ na lulutas sa problema ng kaniyang sikmura.

Lalong naging magulo ang mga sundalo nang mapadaan ang kanilang trak sa harap mismo ni Baliw. Nagsaliw ang sintonadong boses at sigawan (na nakakatawa sa kanilang palagay) ng mga sundalo, binabarena ang tenga at sentido ni Baliw.

Sa kabila nito, tulad ng inaasahan, hindi natinag si Baliw.

“Mga bok,” simula ng isang sundalo, “sigurado akong kasama s’ya sa grupo ng kaaway.”

“Oo nga.”

“Iligpit na natin yan!” 

Madali nilang inilabas ang kanilang mga baril at nagpaulan ng bala sa direksyon ni Baliw. Ngunit mintis ang lahat ng kanilang ipinutok. Paanong nangyari iyon? Posible kayang pinrotektahan si Baliw ng Diyos na nahahabag sa mga gutom na tulad niya? O baka naman sadyang mga butaw lang talaga ang mga sundalong namaril sa kaniya? Sinong makapagsasabi? Ilang sandali pa’y iniwan ng papalayong trak sa sentido ni Baliw ang alingawngaw ng awit at tawanan ng mga sundalo. 

Maginaw ang sumunod na araw. Maging ang mga ibong umaawit upang salubungin ang bukang-liwayway ay lumipat na sa ibang pugad at siyudad. Kahit iyong mga kalapating mababa ang lipad sa simbahan ay nawalang parang bula.

Binanlawan ng ambon ang labí ng apoy at guho sa siyudad. Kumalat ang amoy ng carbon sa paligid, pumapainlanlang at humahalo sa hangin ang amoy ng pulbura.

Naalimpungatan si Baliw. Nagsimula siyang makaramdam ng ginaw sa kaniyang katawan. Dagdag pa rito, siyempre, ang gutom na ilang araw na niyang tinitiis. Hindi pa siya nakakakain simula nang unang umatake ang gutom sa kaniyang sikmura. Nanghihina, giniginaw, at nanggigitata, nanatili siyang nakaupo sa kaniyang puwesto sa bangketa, nagsisimulang masanay sa kaulayaw niyang katahimikan.

Sapilitang nagpatuloy ang udyok kay Baliw na bumangon at mag-iikot-ikot sa kaniyang sinisintang siyudad. Kaya kahit wala nang lakas, muli niyang inisa-isa ang mga basurahan, isang bagay na makailang beses na niyang ginawa, ngunit panay kabiguan lang ang isinusukli sa kaniya. Mababakas na sa kaniyang mata ang pananamlay, lungkot, at pagdurusa. Gayundin, ang pamumulta ng kaniyang balat ay hindi maitago ng marumi at nanggigitatang niyang katawan na nasasapnan lamang ng shorts at gula-gulanit na t-shirt.

Ilang sandali pa’y sinimulan niyang dilaan ang mga butil ng tubig sa mga dahong basa. “Ininom” niya ang tubig at pagkatapos ay nginunguya ang mga ito. Mapait. Muli siyang napadura. Gusto niyang kumain. Gutom pa rin siya.

Sa hindi kalayuan, muli na naman siyang nakarinig ng putukan. Sa simula’y mahina at paisa-isa, ngunit pakaraa’y biglang mabilis na magsasagutan at mag-aanasan. Karag-karag ang halos bangkay na niyang katawan, dinala ng kaniyang mga paa si Baliw sa direksyon ng putukan. Sa isip ni Baliw, baka pwede siyang mabigyan ng makakain ng mga pusakal na de-riple. Baka naman may maidelihensya sila para sa nagdurusa niyang sikmura.

Ang paninindigang ito ang nagtulak sa kaniyang tuluyang iwan ang kaniyang payapang sulok. Sa isip niya, wala namang taong makapipigil sa kaniyang paglisan. Sa isip niya, wala namang taong iiyak para sa kaniya. 

Pumasok siya sa isang mabatong kalyeng putik na hindi pulido ang pagkakagawa. Sa paligid ay makikita ang naiwang bakas ng gulong ng malalaking trak, lumilikha ng samot-saring nakalilitong ruta sa malambot na lupang kinatitirikan ng kalye. Nagsimulang maipon ang alikabok sa kaniyang mga paa. Maliban sa hagkis ng talahib sa malapit na buról, sinalubong ng nakababagabag na dilim at katahimikan ang presensiya ni Baliw.

Maski patay na uod—na pwede sana niyang makain—ay wala siyang natagpuan. Patuloy lang na naglakad si Baliw sa kabila ng kaniyang gutom.

***

Hapong-hapo at wala nang lakas si Baliw nang makarating siya sa bungad ng isang sityo. Nang mapalingon siya sa pinanggalingang daan, biglang naglaho ang lupa, alikabok, at mga talahib na kaniyang dinaanan. Sa hindi kalayuan, muli siyang nakarinig ng putukan. Walang pakundangan ang pag-atungal ng mga riple, amoy na amoy sa hangin ang singaw ng pulbura.

Nagsimulang mag-ulol ang mga mata at manginig ang labi ni Baliw nang makakita siya ng mga bahay sa hindi kalayuan. Sa isip niya, doon, doon, doon ka makahahanap ng pagkain upang maisakatuparan ang pinakamahalagang tungkulin sa buhay: makipagdigmaan laban sa kamatayan.

Lalo pang lumakas ang putukan sa pagitan ng mga sundalo, na sinundan naman ng mga yabag mula sa direksyon ng sityong madaling pinupuntahan ni Baliw. Sa isang iglap ay nakasaksi siya ng mga taong nagsisipaglundagan at nagsisipagtakbuhan. Lumilikha ng nakaaantig na harmoni ang nagsasaliw na tilian, kaguluhan, takot, at putukan ng mga riple.

Blangkong tingin at ungol—na walang ibang kahulugan maliban sa pagnanais na puksain ang kaniyang gutom—ang iginawad niya sa mga nagkakagulong residente ng sityo. Ang mga babae, kandong-kandong ang kanilang mga sanggol habang pinatatahan naman ang iba pang anak na nagsisipag-iyakan. Ang mga lalaki naman, na kalakha’y matatanda, ay ineempake kung anuman ang kanilang mabibitbit.

Isang residente ng sityo ang nakarinig sa pag-ungol ni Baliw. Huminto siya sa tapat at tiningnan si Baliw.

“Huy Baliw! Mamamatay ka rito niyan e!”

Ilang sandali pa’y kumaripas na rin ito ng takbo kasabay ang nagmamadaling pulutong ng mga residente. Lahat sila’y dinatnan ng takot nang makita ang nakaumang na nguso ng mga riple.

Gamit ang natitira niyang lakas, binagtas ni Baliw ang daan papunta sa direksyon ng natanaw niyang mga bahay. Wala na ang mga nagmamadaling pulutong. Tanging ang mga bakas ng paa sa maalikabok na daan na lamang ang nalabi sa sa sityo. Mayroon ding manaka-nakang patak ng tumilamsik na dugo. Mula sa malayo, dinig pa rin ang tilian at sigawan ng mga takas na walang-sala.

Tanging si Baliw—na kasalukuyang ipinaglalaban ang kaniyang buhay mula sa pangil ng gutom at kamatayan—ang naiwan. Ngayon, maitatanong tuloy: anong pinagkaiba nilang lumikas kay Baliw? Lahat sila ay biktima ng digmaang nakalulungkot at walang katuturan. Lumipas ang mga minuto habang hinihila ni Baliw, tulad ng isang sugatang hayop, ang kaniyang katawan. 

Hindi naman para sa wala lang ang pagsisikap niyang ito. Lamang, habang nakikipaglaban sa gutom at kamatayan, biglang sumulpot mula sa kasukalan ng gubat ang mga sundalo at sinalakay ang sityong kanina pa iniwan ng mga residente nito. Walang ibang nagawa si Baliw kundi panuorin ang walang pakundangang pagpapaputok ng mga nagtatawanang sundalo. Bakas na bakas sa kanilang mukha ang tagumpay. Sinasabayan pa nila ang kanilang pagpapaputok at pagtatawanan ng mga nakababagot na monotonong awit.

Habang nagsisigawan, isa-isang pinasok, hinalughog, at pagkaraa’y sinunog ng mga sundalo ang mga bahay sa sityo. Marahil para sa isang sundalo, wala nang hihigit pa sa sayang idinudulot pagmamalaki sa kanilang mga nakulimbat sa digmaan.

Kung anong bilis ng kanilang pagdating ay siya rin namang bilis ng kanilang paglisan. Tangay-tangay ang lahat ng maaaring matangay, lumisan sila upang humanap ng bagong linang na sasalakayin at dadambungin.

Nakarating din sa wakas si Baliw sa naturang sityo—isang sityong nalugmok sa sukal ng kaguluhan, tuluyang nawasak, at walang kabuhay-buhay. Tanging mga natupok na bahay lamang ang tumambad kay Baliw. Sa isip niya, walang maaasahan sa mga ito. Gayunpaman, nagpapasalamat pa rin siya dahil nakakita siya ng isang bahay na nakaligtas mula sa konplagrasyon (kahit na kitang-kita sa kaniyang paligid ang bakas ng kaguluhan) at sa katotohanang buhay pa rin siya.

Gamit ang said na said nang lakas ng kaniyang buto, laman at dugo, pinasok ni Baliw ang naturang bahay. Tulad ng nasaksihan niya sa labas, kalat at kasalaulaan ang tumambad kay Baliw. Tunay, kaguluhan ang inaani ng bayoneta at bala.

Wala pa ring natagpuang kahit na anong makakain si Baliw. Kung anuman ang laman ng bahay na iyon, tiyak na binitbit na ito ng may-ari. At kung mayroon mang natira, siguradong tinangay na ito ng mga sumalakay na sundalo. Wala kahit mga tira-tirang butil ng kanin. Sa gutom ay napasalampak siya sa sahig at muling napaungol.

Dahil walang makain nang mahigit ilang araw at pakaraa’y inapoy ng lagnat, tuluyang binawian ng buhay si Baliw sa naturang bahay. Nakahandusay, walang kabuhay-buhay. (1999)

Si Eka Kurniawan ay Indones na manunulat. Awtor siya ng Corat-coret di Toilet (Cerita Pendek, 2000)at iba pang libro. Basahin ang mga panayam sa kanya dito.

Si Amado Mendoza III, mas kilala bilang “Arlo,” ang awtor ng nobelang Aklat ng mga Naiwan (Balangiga Press, 2018). Bihasa sa Bahasa Indonesia, kasama ang “Mga Himutok sa Palikuran” sa salin niya ng Mga Himutok sa Palikuran ni Eka Kurniawan.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Google photo

You are commenting using your Google account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s