Materyales, alay sa Salinluho

Positibo Sanchez?

Banal (sa Filipino) ang bandang gitna ng bowang ito, samantalang banal (sa Ingles) ang pangkalahatang “tugon” ng pamahalaan sa pandemya kaya litaw ang padron matapos ipatupad ang Bayanihan Hell (sic) as One Act: Hindi ito sumasaklaw sa lahat, tulad ng mga regulasyong inilalatag sa bawat preskon, dahil ang mga VIP na komprador, panginoong maylupa, burukrata kapitalista dati ay mga VIP pa rin ngayong panahon ng pandaigdigang krisis pangkalusugan. Sa kabila ng ipinalagay na emansipatoryong potensyal ng pasyon ng bagong mga kristong kawangis ng mga manggagawa at magsasakang lumalansag sa mga pariseong monopolista ng Salita (Batas), ang ululasyong nagpapahayag ng tila pulahang epiko ay pinangingibobowan ng matapobreng kaululan ng mga mesayanikong mamumuhunan (mema) o tatawagin nating mga “BS” sa sanaysay na ito.

Imahen (c) Tilde Acuña

Makapangyarihan ang pangalan ng numero unong mema sa lipunang Pilipino dahil madali itong umangkop o lumahok sa mga salita. Pansinin ang pamagat. Naroon ang dakilang pangalan, pero nakakubli at narito rin sa negatibong bontolohiya nito. Upang maging aktibo ang papel ng mambabasa, sinadyang isingit ang pangalan kapag may pagkakataon—sa kabila ng nakayayamot nitong pag-eksena (na bohagi rin ng disenyo ng piyesa). 

Kung hindi kayo apektado ng liquor ban, maaaring gawing drinking game: shot kada bonggit sa pangalang may dalawang letra kung saan isa ay “o,” kaya madaling matukoy—o magpahiwatig. Ipalagay na sadya ang anumang “pagkakamaling tipograpikal.” Pansining ang tampok na patinig ay malapit sa ibo pa: tapyasan ang “a,” isara ang “e” o ang “u,” tutukan ang tuldok ng “i”—at “o” ang kalalabosan nito. Higit sa lahat, nagbibigay ang “o” ng pagpipilian; pero malay dapat tayong may pumili at naglimita na ng ating mga pagpipilian. 

Naging anagramatiko ang semana santa dahil maraming kristiyano mula sa kalagitnaan ng bowan hanggang sa puntong ito, na balak yatang buong bowan gunitain ang semana satan (sic) o April fools day, dahil bitin ang isang linggo o isang araw sa kaboktukan o kahangalan. 

Bowan din ng panitikan, kaya may bomidang manunulat ng kwentong pamboto na pinaalalahanan ang “poorest of the poor” na pakaingatan ang ayuda ng pamahalaan dahil galing daw ito sa bowis niya. Nagsilabasan ang bokas na liham laban sa pagka-matabopre ng naturang pahayag, habang nag-trend ang “boverty is a choice,” na madali namang nasupalpal ng “e bakit hindi mo piniling maging bilyonaryo?”

Toksiko ang pagkapositibong walang katumpakan at walang pakundangan sa karanasan ng iba. Kalabisang igiit na kung kaya mo ay kaya ng lahat, kamangmangang ipalagay na ang may trabaho lang ang nagbabayad ng bowis, at kahambogan maningil ng ambag gayong wala sa mamamayan ang 275 bilyong pondo at wala sa ating may makinarya upang kaharapin ang CoVid-19.

Mataas ang tribuna, pulpito, entablado ng mga prayle, pariseo, pastor kaya may tendensiyang maging mapagmataas ang perspektibo nila. Sa kasamaang palad, lumalaganap ang hindi-lapat-sa-lupang mga pananaw dahil naglalako ang mga BS ng langit na natatanaw nila diumano sa kinaluluklukan nilang tribuna, pulpito, entablado: naroon ang paraiso para sa mga masunurin sa panginoon. Dahil walang tiyak na pinatutungkulan kung ano ang susundin at kung sino ang panginoon, napag-iisa ang ano (bibliya at ang batas) at ang sino (diyos at poong pangulo), kung kaya tila anumang paglabag sa pamahalaan ay kasalanan sa bathala.

Hindi kasalanang ipanganak na mahirap pero kasalanang mamatay nang mahirap ang mantra ng mga mema. Magkakaroon daw ng himala sa pinaka-hindi-inaasahang pagkakataon, ang rekisito lamang ay manalig at maniwala sa kabotihan ng panginoon. Halimbowa, pinakain ng mga uwak sa parang ang propetang si Elijah—at matapos ito, inalagaan siya ng balo sa bayang dumaranas ng taggutom. Ikinuha siya ng tubig ng balo at humiling siya ng tinapay kahit kakaunti na ang harina at patak ng langis na lang ang suplay ng mag-inang maghahanda sana ng huli nilang hapunan bago tuluyang mamatay. Wika ni Elijah, huwag mag-alala at hindi sila pababayaan ng diyos, basta’t sumunod at unahing ihanda ang kanyang meryenda. Sumunod ang balo at tumagal nang ilang buwan ang harina at langis. May pantawid-gutom ang mag-inang instrumental sa pangangailangan ng propeta, habang maraming kumakalam ang sikmura.

Kailangan bo munang pumasa sa pagsubok bago makatanggap ng ayuda sa panginoong may kapasidad tumulong? Kung may ilan sa mga kaguruan ng UP na nagpasyang huwag nang subukin sa tradisyunal na paraan ang mga mag-aaral at bigyan sila ng markang “P” (pass) dahil sa extraordinaryong sirkumstansyang dala ng coronavirus, may ilan ding tila sumusunod sa halimbawa ng panginoong hinalaw at binigyang-interpretasyon ng mga BS: kailangan matiyak na karapat-dapat ang mga estudyante upang makapasa, tulad ng masunuring propeta at balo.

Kung may espesyal at nakaaangkop na mga estudyante (at guro) na naniniwalang “choice” ang makapagpasa ng mga akademikong rekisito at kung kaya nila ay kaya ng lahat, may mga VIP ding “bosiness-as usual” sa labas ng unibersidad (bagamat walang nasa loob ngayon ng unibersidad): ang mga naghaharing uring nais daw isalba ang ekonomiya upang isalba ang samboyanan. 

Hanggat hindi nagkakasundo ang mga mapaniil sa mga hakbang na magpapanatili at magtitiyak sa kanilang post-pandemikong hegemonya, may “bad cop” at “good cop” para sa mga “pasaway” (maralita; hindi kailanman magiging “pasaway” ang mayaman): Ang negatibong parak ay ang disiplinaryong sandatahang lakas at pulisya; samantalang ang positibong parak ay ang matapobreng nangangatuwiran para sa selektibong pagpapatupad ng patakarang nasa kamay ng mga negatibong parak, kabilang ang paglabag nila sa karapatang pantao. Sasabihin ng mga BS na tumulong na lang at huwag manisi, pero magkakamal muna sila para sa sarili upang maging pilantrobo at maniningil ng magkasimbigat na ambag sa maralita man, o sa marangya.

Tila nakangiting ipinapaalala ng mga positibo sanchez na “kaya mo ‘yan,” pero nakaismid talaga nilang iginigiit na “kayanin mo ‘yan.” Malakas ang loob nilang sabihing “matira, matibay” dahil matagal na silang nakasandig at nakikinabang sa opresibong estrukturang pasan-pasan ng mga pakutya nilang pinangangaralan. Darating din ang araw na matuturuan sila ng leksyon at marahil ang mga sinermonan naman nila ang sinserong magdedeklara: “kaya (ninyo / namin / natin) ito.”

May MA sa Philippine Studies si Tilde (Arbeen R. Acuña) mula sa Departamento ng Filipino at Panitikan ng Pilipinas – Unibersidad ng Pilipinas, kung saan nagtuturo siya ng mga kurso sa pagsulat, panitikan, at pananaliksik. “Materials, for Preposterity” ang kolum niya sa DavaoToday.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Google photo

You are commenting using your Google account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s