Sinong Nagpadala sa Akin ng Bulaklak (Siapa Kirim Aku Bunga)

Kuwento ito tungkol kay Kontrolir Henri na naganap sa Hindia Belanda noong huling taon ng 1920. Ang malungkot na kuwento ng kaniyang pag-ibig—na naging isang kuwentong isinasalin-dila—ang nag-udyok sa aking muling magsalaysay. Sapagkat ang kaniyang kuwento ay kuwento ng naglahong kasaysayan ng mundo at ng dumating na bagong mundo. Nagsimula ang kuwentong ito sa isang misteryosong bulaklak na ipinadala sa kaniya ng isa ring misteryosong dalaga.

Ang awtor, si Eka Kurniawan, at ang tagasalin, si Arlo Mendoza (larawan (c) Amado Mendoza III)

Unang natanggap at nakita ni Henri ang misteryosong bungkos ng rosas sa mesa ng restoran ng kaniyang kaibigan. Tulad ng nakagawian, sa pag-alis niya ng opisina tuwing hapon, dumadaan si Henri sa naturang restoran. Ang lugar na ito, bukod sa football field, ang isa sa mga paborito niyang lugar. Dito, nakakasalamuha at nakakahuntahan niya ang mga kaibigan, ginoo, binibini, at iba pang kagalang-galang na personalidad na kasabay niyang nagpapalipas-oras—nakipagdaldalan o di kaya’y umiinom ng limon. 

Nasa ibabaw ng mesa sa kaniyang harapan ang bungkos ng rosas. Sa una’y hindi ito nakatatawag-pansin, lalo’t nakatuon ang atensyon niya sa pinto, inaabangan ang pagdating ng kaniyang mga kaibigan. Ilang sandali pa’y tumugtog mula sa gramophone ang “Unfinished Symphony” ni Schubert. Bakas sa mukha ni Henri ang pagkabagot—sa tugtog at paghihintay. Ang pagkabagot na ito ang magtutulak sa kaniyang damputin ang naturang bungkos ng rosas.

May nakasingit na maliit na papel sa pagitan ng mga tangkay nito. Pagkabuklat ay tumambad kay Kontrolir Henri ang isang maikling pangungusap na babago sa buhay niya: “Para kay Henri.”

Sa gulat, na para bang nadarang ng apoy sa unang pagkakataon, ay nabitawan niya at nalaglag sa ibabaw ng mesa ang naturang bungkos ng rosas. Pagkaraa’y inilibot niya ang kaniyang tingin sa paligid at nakita ang isang dalagang nagtitinda ng bulaklak. 

Isang kakaiba o di-karaniwang tagpo ang makakita ng isang dalagang nagtitinda ng bulaklak sa labas ng restoran, isang detalyeng wala sa hulog, nakakatawag-pansin. Nasa labing-apat hanggang labinlimang taon ang edad ng naturang dalaga. Nakasuot siya ng malinis na damit Europeo, ngunit malinaw na hindi siya Europeo. Siya ay isang dalagang tubong Java. Hindi inalintana ni Henri ang mata at maliit na pangangatawan ng dalaga. Mas napukaw ang kaniyang atensyon ng mga bulaklak na itinitinda ng dalaga.

Tumayo si Henri at tumungo sa direksyon ng dalaga. 

“Miss,” simula niya, “sino-sino ang mga bumibili sa ‘yo ng bulaklak?”

“Marami po, Senyor,” sagot ng dalagang tindera ng bulaklak habang nakatingin kay Henri.

“Babae ba?”

“Meron po, Senyor. Mayroon din pong mga senyorito at senyoritang bumibili sa akin.”

“Mga senyorita kamo?”

“Opo, Senyor.”

Muli siyang pumasok sa loob ng restoran pagkatapos makuha ang sagot na hinahanap mula sa dalaga. Sa isip niya, tiyak na isa sa mga kaibigan kong dalaga iyon. Siguradong isa sa kanila iyon, patuloy na pangungumbinsi niya sa sarili. Dahil alam na alam ng nagpadala ng bulaklak kung saan siya madalas umupo sa restoran. Marahil isa sa kanila ang tuluyan nang nahulog ang loob sa kaniya, at tanging ang palihim na pagpapadala lamang ng bulaklak ang kaya nitong gawin.

Kaya naman nang magsidatingan ang kaniyang mga kaibigan sa restoran, isa-isa niyang kinilatis ang mga kaibigan niyang babae, hinuhulaan kung sino sa kanila ang posibleng nagpadala ng misteryosong bungkos ng rosas. Wala siyang pinagsabihan tungkol sa insidenteng nabanggit, pero hindi lingid sa sinumang nasa restoran ng mga sandaling iyon ang mahigpit na pagtangan niya sa bungkos ng bulaklak.

Tulad ng nakasanayan, nagsimulang mag-usap ang mga kaibigan ni Henri tungkol sa maraming bagay. Isa sa mga kaibigan niya ang nagkuwento tungkol sa bagong pelikulang ipinalabas sa sinehan. Pagkatapos ay nagpatuloy ang kanilang usapan sa mga kakatwang kuwentong inilathala sa pahayagan. Pagkalipas pa ng tatlumpung minuto’y politika na ang kanilang pinag-uusapan.

“Sa wakas ay tapos na rin ang gulong iyon,” wika ng isang dalagang Indo. Bakas sa mukha niya ang pag-aalala sa isang isyung ipinagpapalagay niyang mali.

“Tama ka diyan. Muling naibalik ng pamahalaan ang ano…ano nga ulit iyon, Henri?”

“Rust en Orde.” 

“Ayun, rust en orde. Ilan na ba ang mga ipinadala mo sa bilangguan?”

Bahagyang natawa si Henri bago sagutin ang tanong ng kaibigan: “Hindi ko lang sila sa bilangguan pinatapon kundi sa Boven Digoel”

“Nagpapatapon ka rin pala sa Boven Digoel?”

“Oo. May ilang provocateur at subersibo na rin akong inulat at hiniling na maipatapon sa Boven Digoel.”

Mabilis na umalis sa kaniyang pwesto ang dalagang nagtitinda ng bulaklak. Napansin ito ni Henri at muli niyang naalala ang misteryosong bungkos ng rosas na natanggap niya. Tahimik niyang inobserbahan ang mga kaibigan niyang dalaga na patuloy lang sa kanilang pag-uusap. Pero ni isa sa kanila, sa isip niya, ay hindi maaaring paghinalaang nagpadala sa kaniya ng bulaklak.

Hanggang sa pagsapit ng gabi, sa kaniyang pag-uwi, ay dala-dala niya ang pagnanais na malaman ang sagot sa palaisipiang iyon. Pagdating sa bahay, kahit na nakapaghanda na ng hapunan ang kasambahay, ay dumiretso siya sa kuwarto niya at nahiga sa kama. Hindi maalis sa isipan niya ang insidente noong tanghaling iyon. Sinubukan niyang matulog, kinukumbinsi ang sarili na marahil ang lahat ng iyon ay isang malaking biro lang ng kaniyang mga kaibigan. Hindi, waksi niya sa naturang hinala, wala namang kakaiba sa ikinilos ng mga kaibigan niya kanina. Wala rin siyang napansing mga tanda o bakas ng pagsasabwatan sa pagitan nila.

Matamlay niyang inilapag sa mesita sa tabi ng kaniyang kama ang bungkos ng rosas. Ilang sandali pa’y nakatulog na siya. Dumampi sa mukha niya ang malamig na hangin ng gabi. Nalimutan niyang isara ang bintana. Dahil naalimpungatan, buryong siyang bumangon at nagtungo sa direksyon ng bintana. Nang akmang hihilain na niya ang kurtina, nasumpungan niyang nakasingit sa trelis ng bintana ang isa na namang bungkos ng rosas at kapirasong papel na ang tanging nakasulat ay “Para kay Henri.”

Halos takasan siya ng katinuan at katwiran noong mga sandaling iyon. Sino ba namang hindi? May isang taong palihim na sumusunod sa kaniya at pinadadalhan siya ng rosas. Sa isip niya, sino ba ang gustong mang-ulol sa akin gamit ang mga lintik na bulaklak na ‘to?

Dala ni Henri hanggang kinabukasan ang kaniyang buryong noong nakaraang gabi. Ito rin ang dahilan kung bakit nagpasya siyang hindi muna pumasok sa opisina. Sa halip, niyaya niya ang kaibigan niyang si Piet na maglaro ng tennis sa court na madalas nilang paglaruan. Kahit pansamantala lang, nagawa ni Henri na makawala sa paninindak ng rosas na iyon. Sa puntong iyon, hindi na itinuturing  ni Henri ang naturang bungkos ng rosas bilang tanda ng pag-ibig ng isang dalagang nahihiyang umamin ng damdamin nito sa kaniya. Sa halip, itinuturing na niya ito bilang lasong dahan-dahan siyang pinapatay. Kung maaari lang, nais na niya itong iwasan. Naiisip din niyang baka pati sa mesa ng kaniyang opisina ay may nakapatong nang isang bungkos ng rosas. Hindi. Ayaw niyang makita ang sinumpang bulalak na iyon. Bahala na ang mga tagalinis sa opisinang makakita nito at itapon ito sa basurahan. 

Kahit na nilampaso siya ni Piet sa lahat ng kanilang laban, tatlong set ang nilaro nilang dalawa upang mawala sa isip ni Henri ang lintik na rosas. Pagkatapos maglaro ay agad silang dumiretso sa silid pahingahan upang magpalit ng damit. Habang papunta roo’y pinag-uusapan nila ang kanilang plano para sa darating na Sabado at Linggo. Iminungkahi ni Piet na pumunta sila sa paliguang may mainit na tubig o di kaya’y mangaso. Habang pinag-uusapan ang mga ito, biglang tumambad kay Henri ang isa sa namang bungkos ng rosas at kapirasong papel ng dedikasyon.

Ganun na lamang minulto at tinakot si Henri sa mga susunod na araw ng mga ipinadadala sa kaniyang rosas na kalakip na kapirasong papel. Mismong ako, akong nagsasalaysay sa inyo, ay hindi ubos maisip kung gaano kaburyong si Henri bunga ng pangyayring iyon. Hanggang sa isang araw, muli niyang nasilayan ang dalagang nagtitinda ng bulaklak. Sa isip ni Henri, laging nasa paligid ang dalagang iyon sa tuwing may natatanggap siyang rosas.

Muli niyang sinipat kung sino-sino ang mga bumibili ng bulaklak sa dalaga. Mga kabataan ang karamihan sa kanila, ngunit wala ni isa ang maaaring pagsuspetsahan bilang parokyanong paulit-ulit na bumibili ng bulaklak upang ipadala sa kaniya. Manaka-naka’y mayroong matatandang bumibili. Pero madalang. Nariyan din ang mga nyai at sinkeh na ewan kung para saan o para kanino bumibili ng bulaklak.

Hindi nagtagal ay naging pamilyar at nasanay si Henri sa mukha ng dalagang nagbebenta ng bulaklak. Totoong hindi siya ganun kalinis, pero kita rin ni Henri ang angking kagandahan ng dalaga. Ang mahaba’t nakalugay nitong buhok na ni minsan’y hindi nakita ni Henri na nakapuyod. Gayundin, nagustuahan ni Henri ang maliit na ilong ng dalaga at ang mata nitong puno ng ambisyon at buhay. Minsan ay nagsusuot ang dalaga ng damit galing Java, minsan naman’y damit Europeo tulad ng bestida na hanggang paa ang haba. Paris siyang kagalang-galang at nakahahalina alinman sa dalawang damit ang kaniyang isuot. Dumalas ang panakaw na pagsulyap-sulyap ni Henri sa dalaga hindi upang sinuhin ang mga bumibili ng bulaklak kaniya, kundi upang pagmasdan kagandahan nito.

Hindi nagtagal ay sinasal na ng lagnat ng pag-ibig ang puso ni Henri. Tuluyan nang nahulog ang loob niya sa dalaga. Kahit na tuloy-tuloy ang pagdating ng misteryosong rosas saan man siya magpunta at sa mga panahong hindi niya inaasahan, nawaglit ang lahat sa isipan ni Henri dahil sa kaniyang nararamdaman para sa dalaga. Ang kaniyang mga araw at gunita ay pinupuno ng mukha ng naturang dalaga. Umabot din sa puntong kinikilig siya sa tuwing nakikita ang misteryosong rosas at kalakip nitong kapirasong papel na may nakasulat na “Para kay Henri,” sapagkat noong mga sandaling iyon, tanging ang mukha lamang ng dalagang nagbebenta ng bulaklak ang nakikita niya. 

At nang dumating ang araw na hindi na mapigil ni Henri ang kaniyang damdamin, nagpasya siyang umamin sa dalaga, sa labas mismo ng restoran kung saan sila unang nagkakilala. Bumili si Henri ng isang tali ng rosas mula sa dalaga.

“Para sa inyo, Senyor, libre na lang,” wika ng dalaga.

Napangiti si Henri. “Huwag mo akong tawaging Senyor. Bata pa ‘ko.”

“Opo, Senyorito.”

“Henri na lang ang itawag mo sa ‘kin.” Malapitan na niya ngayong nakikita ang mukha, maliit na ilong, at mga matang puno ng buhay ng dalagang kaniyang pinipintuho. “Bakit ayaw mo akong magbayad?”

“Ang bulaklak na ‘yan ay simbolo ng pag-ibig, at ikaw, Senyorito, ay isang taong kulang sa pag-ibig. Dapat lang na makatanggap ka ng maraming bulaklak.”

Muling naalala ni Henri ang mga natanggap niyang bulaklak at itinuon ang kaniyang pagsususpetsa sa dalaga. Pero agad niyang pinaslang ang hinalang iyong upang patuloy na makipag-usap sa dalaga.

“Bakit ka nagtitinda ng bulaklak?” tanong niya

“Para sa Republika,” kalmadong sagot ng dalaga.

“Republika?”

“Oo, para sa Republika.”

Minamaliit ni Henri ang ganuong tipo ng paninindigang pampolitika. Para sa kaniya, naibigay na ng pamahalaan ng Hindia Belanda ang lahat ng makabubuti para sa bansa at mamamayan nito. Paaralan, volksraad, pahayagan, at marami pang iba. Bakit kailangan pang maghangad ng isang republika? Totoong narinig na niya noon ang alingangas tungkol dito mula sa hanay ng mga katutubo. Sa katunayan, mayroon pa ngang isang puganteng pampolitika (na nasa ibang bansa) na naglabas ng pampletong pinamagatang Menuju Republik Indonesia. At pambihira ang naging popularidad nito. Napangiti lamang si Henri, nalulungkot para sa mga ilusyonadong tinuran. Pero para hindi masaling ang damdamin ng dalaga, pinigilan ni Henri ang sariling magbigay ng kaniyang pagkukuro tungkol sa bagay na iyon.

Mula noo’y araw-araw nang nagkikita si Henri at ang dalagang nagtitinda ng bulaklak.  Pagkatapos bilhin ang mga bulaklak na ayaw pabayaran ng dalaga, uubusin nila ang maghapon sa pag-uusap. Sa ika-18 araw ng kanilang pagsusuyuan, nasabi rin sa wakas ni Henri na iniibig niya ang dalaga. Tinanong din niya ang dalaga kung maaari ba silang maging magkasintahan.

“Huwag mong sasabihin ang mga bagay na ‘yan dito,” sita ng dalaga kay Henri. “Para kang walang-modo.”

“Pero…mahal mo rin ako, ‘di ba? Sigurado akong ikaw ang nagpadala sa akin ng mga bulaklak na  iyon hanggang sa mabaliw ako,” sagot ni Henri.

“Hindi na mahalaga kung ako ang nagpadala sa ‘yo ng mga bulaklak. Kailangan mo ng maraming bulaklak dahil kulang ka sa pag-ibig.”

“Mahal ko naman. Hindi totoo yang sinasabi mo. Halika’t tumira ka sa bahay ko.”

“Napakabastos mong lalaki ka. Kung gusto mo talaga akong mapangasawa, humingi ka muna ng basbas mula sa ama at ina ko. Ayokong maging nyai, maging kabit.”

“Tara na’t puntahan natin ang mga magulang mo,” naiiritang yakag ni Henri. Nananatili ang kaniyang titig sa magandang mukha ng dalaga. “Nasaan ba sila?”

“Nasa Digoel.”

“Oo, Boven Digoel.”

“Digoel?”

“Bakit sila nandoon?” tanong ni Henri.

“Ikaw mismo ang nagpadala sa kanila doon.”

Halos madurog ang puso ni Henri sa kaniyang narinig. Ni hindi niya matingnan ang magandang mukha at maibalik ang tingin ng dalaga. Sa isip niya, tila may matibay na membranang naghihiwalay sa kapalaran nilang dalawa. Dala ang kaniyang sugatang puso, nagpasya si Henri na umuwi sa Olanda. Ginugol niya ang mga nalalabing panahon ng kaniyang buhay na araw-araw hinihiling sa tindahan ng bulaklak na padalhan siya ng isang bungkos ng rosas tuwing umaga at hapon, taglay ang diyagnosis ng doktor na siya ay may schizophrenia. (2000)

Tala ng tagasalin

kontrolir – mga mabababang opisyal ng pamahalaang kolonyal na pangunahing nangangasiwa ng ugnayan sa pagitan ng mga katutubo at pamahalaang kolonyal. Tanging ang mga Olandes at/o mga Indo na may mapuputing kutis lang ang maaaring maging kontrolir.

Indo – mga indibidwal na ipinanganak na may dugong Indones at Olandes.

Rust en Orde – literal na “Kapayapaan at Kaayusan.” Isa ito sa mga palisiyang ipinatupad ng pamahalaang kolonyal sa Hindia Belanda noong ika-19 siglo upang higit nilang mapangasiwaan ang lumolobong populasyon ng mga katutubong Indones at mas episyenteng mapagsamantalahan ang kanilang lakas paggawa.

Boven Digoel – penal colony na itinayo ng pamahalaang kolonyal noong 1927. Dito ipinatapon ang mga pinuno at iba pang kasangkot sa nabigong himagsikan ng Partai Komunis Indonesia noong 1926. Naipatapon din dito ang batikang manunulat na si Pramoedya Ananta Toer noong 1940s.

sinkeh – unang henerasyon ng mga migrante mula sa Tsina.

volksraad – “konseho ng mamamayan” o people’s council; itinatag ng pamahalaang kolonyal noong 1916 tungo sa layunin nitong pagulungin ang proseso ng demokratisasyon sa Hindia Belanda. Binubuo ito ng 30 miyembro na napapalitan tuwing apat na taon.

Menuju Republik Indonesia – Ang” Naar de Republiek Indonesia” ay pampletong pampulitikang sinulat ni Tan Malaka. Sinasabing ito ang unang akda na sinulat ng katutubo na gumamit ng salitang “Indonesia” sa pamagat ng isang akda at/o aklat.

nyai – sa pinakaliteral na pagpapakahulugan, ginagamit ang “nyai” bilang panturing o pantawag sa mga babaeng mas nakatatanda (kasal man o hindi). Sa kontekstong kolonyal, tumutukoy ito sa mga babaeng katutubo na naging kalaguyo o kaapid ng mga Olandes. Sa kasalukuyan, ginagamit pa rin ang salitang ito para tukuyin ang mga babaeng kabit o nakikiapid (tingnan, halimbawa, ang salitang “gundik”).

Si Eka Kurniawan ay Indones na manunulat. Awtor siya ng Corat-coret di Toilet (Cerita Pendek, 2000)at iba pang libro. Basahin ang mga panayam sa kanya dito.

Si Amado Mendoza III, mas kilala bilang “Arlo,” ang awtor ng nobelang Aklat ng mga Naiwan (Balangiga Press, 2018). Bihasa sa Bahasa Indonesia, kasama ang “Mga Himutok sa Palikuran” sa salin niya ng Mga Himutok sa Palikuran ni Eka Kurniawan.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Google photo

You are commenting using your Google account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s