Pusong

Halaw sa “Numskull Tales” sa Damiana Eugenio, The Folktales (QC: UP Press, 2001).

Noong unang beses niyang ikinuwento ito sa akin, natawa lang ako. Akala ko kasi, ginagago niya lang ako. Si Gabriel pa, e mahilig naman talagang magbiro iyon. Basta noong hindi niya ako dinamayan sa paghalakhak, napatigil rin ako agad. At iyon na nga, nalaman kong seryoso pala siya. Ilang minuto ring itinuon ko muna sa pag-inom ng kape ang atensiyon, bago siya nagpatuloy.

Imahen (c) Donnie Teodoro, tingnan ang iba pa niyang gawa sa kanyang Instagram

Bago pa lang din kasi kami noon. Pero iyon din mismo ang binanggit niyang dahilan: bago pa kasi kami. Kasama sa bawat nagsisimulang relasyon ang paglaladlad ng kasaysayan, ng nakaraan. Kailan ang huling pakikipaghiwalay, gaano na katagal mag-isa, sino-sino na ang nakasama (o naikama), mga ganyang bagay. Kaya ikinuwento sa akin ni Gabriel ang mga lalaking nagdaan sa buhay niya. At ito ngang si John ang hindi niya makalimutan. Ang sabi pa nga niya sa akin, ito ang litmus test niya sa mga bagong karelasyon. Kapag daw nalunok ang kuwento nila, magtatagal sila. Kapag hindi, may taning na. Kung hindi man magtatapos noon din mismo. 

Ganito kasi iyon: naging accessory sa mga krimen si Gabriel. Accessory lang, ha. Saka yang pagiging accessory na iyan e depende pa rin kung totoo nga ang mga hinala niya. Kasi kung tutuusin, wala naman talagang nakitang mga katawan si Gabriel. Ni isang bangkay, wala. Pero alam niyang may masamang nangyari sa mga taong ipinagpapalagay niyang namatay o pinatay, at wala siyang ginawa noong mga sandaling meron siyang magagawa. Kaya kung totoo man na namatay nga ang mga taong iyon sa kamay ni John—na technically, hindi rin naman talaga niya ex, dahil hindi naman naging sila, pero siyang tampok sa kasaysayan ng panlalalaki niya, nakakatawa di ba?—may pagkakasala rin talaga si Gabriel. At iyan ang dahilan kung bakit talagang ipinagpipilitan ni Gabriel na makipagpalitan ng listahan ng mga lalaking isinuka sa bawat bagong karelasyon niya. Kailangan niyang mangumpisal nang paulit-ulit. Gusto niyang marinig ang paulit-ulit ding pagpapawalang-sala ng mga nakikinig sa kanya: wala kang kasalanan, Gabriel; nagkataon lang iyon; ikaw lang ang nag-iisip ng lahat ng iyan; paano naman mangyayari na hinahayaan lang siya ng nanay niyang pumatay?; kilala kita, kung alam mong talagang may masamang nangyayari, may gagawin ka; mabuti kang tao, kaya kalimutan mo na yan, mahal na mahal kita.

Kahit pa natawa ako noong umpisa, siyempre, sinabi ko rin kay Gabriel ang lahat ng iyan. Hindi na rin namin pinag-usapan ulit pagkatapos noon. Paminsan-minsan, may mababanggit siya o ako, may makikita kami sa telebisyon, mababasa sa Internet na makakapagpaalala ng nangyari sa kanila ni John. Pero kapwa kami hindi umiimik. Patuloy lang sa ginagawa, ganyan, kahit nagkakahulihan ng biglaang paglunok ng laway at tunay na reaksiyon. Kahit alam naming pareho kaming nakokonsensiya. Na medyo weird, di ba? Kasi nagkuwento lang naman siya sa akin. Ni hindi ko nga kilala si John o kahit sino pang kakilala ni John. (Maliban kay Gabriel, siyempre.) Pero pagkatapos makinig sa kuwento niya, at pagkatapos siyang bigyan ng absolusyon, sa halip na gumaan ang loob ko (kasi nga, heto ang bago kong karelasyon, nangungumpisal sa harapan ko. Hindi ba’t ako ang may kapangyarihan noon? Basbas ko ang kailangan niya?), at sa halip na gumaan ang loob niya, dahil naibuhos na nga niya ang lahat ng nagawang kasalanan, lalo lang bumigat ang loob naming dalawa. 

May pagkukunwari naman si Gabriel, to be fair sa kanya. Umaarte siyang may bisa ang basbas ko—wala kang kasalanan, mahal kita, halina’t magparami kahit walang nabubuntis sa ating dalawa—kahit alam ko, kahit nararamdaman kong wala. Mabait naman talaga siya sa puntong iyan. Alam rin ni Gabriel kung gaano kabigat ang pag-amin niya: pati ang simpleng tagapakinig, nagpapasan. Ako? Pasan ko ang pagsisinungaling. Dahil alam ko, hindi totoong walang kasalanan si Gabriel. May dugo rin ang mga kamay niya. (Ganito rin kaya ang pakiramdam ng mga pari? Paano pa kaya sila nakakagulapay pagkatapos ng kumpisalang bayan?) 

Biruin mo naman, unang pagkikita pa lang nila, may namatay na. Pero sa kabila noon, walang ginawa si Gabriel. Tuloy-tuloy lang siya. Nakikipaglandian pa rin. Kasi kung hindi raw siya nagpatuloy, hindi na niya makikilala si John. Siya na nga mismo ang nagsabi, kapag isinakdal siya, ang sasabihin niya sa judge: ang kasalanan ko lang po ay pagiging malandi. Ibang klase rin, di ba? 

Pero iyan nga kasi mismo ang deskripsiyon niya kay John: ibang klase. Kaya hindi rin siya nakapagpigil umalembong. Noon lang daw siya nakakita ng ganoong uri ng lalaki. Mayroon talagang magnetismo. Hindi naman guwapo, wala namang mapananalunang contest ang postura at bulto ng katawan, pero talagang hindi raw niya maalis ang mga mata niya kay John. (Medyo nag-react ako noong sinabi niya ito. Bumawi naman agad si Gabriel, ang sabi, sa akin lang daw niya ulit naramdaman ang ganoong uri ng magnetismo. Ewan kung totoo. Ewan din kung natuwa ba ako o ano.) Lalo na noong nagtama ang paningin nila. Kakatwa raw ang laki ng mga mata ni John—kuwago pa nga ang hayop na binanggit ni Gabriel—pero nakakahalina ang mga ito. Malaki, halos luwa, maraming puti, malaki ang itim. Nagbiro pa nga siya, yung “Lost in Your Eyes” ni Debbie Gibson, puwedeng maging literal kapag napatitig sa mga mata ni John. Maliligaw ka sa kakatingin, dahil ang daming puwedeng tingnan. At iyon na nga, hindi siya magkandatuto noong unang beses silang magkita, noong magkatitigan sila sa pasilyo ng ospital, kaya pinanood lang niya ang unang pagpatay ni John.

May buhat na sanggol si John noon. Anak ng maputing babae na siyete ang gupit ng buhok. Natatandaan ni Gabriel ang babae dahil nakasabay niya ito papunta sa Pediatrics Section. Iyak nang iyak ang buhat nitong sanggol. Naroon din si Gabriel dahil magbebenta ng gamot sa isang doktor. Paborito niyang maging kliyente ang mga pediatrician dahil madadali raw kausap. (Wala silang masyadong kuskos-balungos, dagdag pa niya. Hindi katulad ng mga nasa internal medicine na nuknukan ng arte, at laging paimportante.) 

Magkaiba ang opisina ng doktor na sinadya nila ng babaeng naka-siyete, pero iisang pasilyo ang kanilang paghihintayan. Pumasok lang si Gabriel sa kuwarto ng doktor na kanyang bibisitahin para mag-abiso sa sekretarya. Sinabihan siya ng sekretarya na tatapusin muna ng doktor ang unang limang pasyente, at saka siya haharapin. Pagbalik ni Gabriel sa pasilyo, noong naupo siya sa isang bangko para maghintay sa unang limang pasyente, naroon na at nakatayo sa kabilang gilid ng pasilyo si John, buhat ang sanggol. Nakaupo naman sa katabing bangko ang babaeng naka-siyete, nakatingin lang kay John, na para bang kung sino itong dakilang taong nagdalang-awang bumuhat ng isang ordinaryong sanggol. Bahagyang inuugoy ni John ang sanggol para patahanin, pero umaalingawnagaw pa rin sa buong pasilyo ang mga ngawa nito. Ilang minuto pang nagpatuloy ang ingay, ang pagtatangka ni John na patahimikin ang sanggol, at ang may pagsambang tingin ng babaeng naka-siyete kay John. (Kay John lang talaga, diin pa ni Gabriel. Parang nakalimutan daw ng babae ang sariling anak na buhat ng lalaki.) 

Noong una, inakala ni Gabriel na mag-asawa si John at ang babae. Nalaman lang niyang hindi sila magkaano-ano nang may dumating na matandang babae. Ito si Miss Rosa, ang nanay ni John. Isang akademikong malapit nang mag-retire. Pero saka pa niya malalaman iyan. Basta pagdating daw ni Miss Rosa, sinita agad nito si John—saan ka ba nanggaling? Kanina pa kita hinahanap, nandito ka lang pala, ano ka ba, ganyan—at halatang nagulat ito na madatnang may buhat na maingay na sanggol ang kanyang anak. Sa katunayan, mukhang biglang sinundot sa puwit ang hitsura ng matandang babae. (Yan talaga ang sinabi ni Gabriel sa akin.) Dali-dali nitong pinagsabihan si John, naku, kaninong anak ba iyan, tinamaan ka ng lintek, isoli mo na, isoli mo na, dalian mo, dalian mo. Na siyempre, tinanggihan naman ni John. Pinapatahan ko lang ang baby, Ma. Kaya ko ito, Ma. Ano ba, Ma. Lalo mo lang siyang pinapaiyak, sandali na lang talaga, promise. Habang nangyayari ang lahat ng ito, patuloy sa pag-ugoy sa bata si John, at tila walang pakialam ang babaeng naka-siyete. Nakapagkit pa rin ang atensiyon nito sa mukha ng lalaking may buhat sa kanyang sanggol. 

Ayaw tumigil ni Miss Rosa. Tinamaan ka ng lintek, huwag kang makulit, bitiwan mo na, bitiwan mo na, isoli mo na, isoli mo na. May iba pang tao sa pasilyo, naghihintay sa kani-kanilang doktor. Walang pumapansin kay John, dahil may kanya-kanya silang iniisip, at sa totoo lang, hindi naman talaga kapansin-pansin ang mga bata sa Pediatrics Section, dahil lahat sila, nagkalat, at lahat sila, maingay. Pero bihira sa Pediatrics Section ang matatandang babaeng makulit at nakikipagtalo, kaya may mangilan-ngilang napalingon kay Miss Rosa. Nahalata ni Gabriel na naiinis na rin si John sa matandang babae, dahil mas lumakas ang pag-ugoy nito sa sanggol. Na ikinalakas din lalo ng pag-iyak ng sanggol. 

Papatahanin ko na muna, Ma. Manahimik ka muna, sumasabay ka pa, e, asik ni John. Sumunod naman si Miss Rosa. At saka nakita ni Gabriel kung paanong hinimas-himas ni John ang ulo ng sanggol, dahan-dahan noong una, pagkuwa’y dumausdos ang palad at mga daliri sa anit nito, hanggang sa bumagal ang himas, at naiwan ang hinlalaki sa bumbunan ng sanggol, at saka ito dumiin nang dumiin. At dumiin. At dumiin.  

Napasinghap si Gabriel, natakot siyang lumusot sa bungo ng sanggol ang hinlalaki ni John. Napaangat ang puwit niya sa pagkakaupo sa bangko. Napapitlag ang batang nasa tabi niya na kanina lang ay abalang-abala sa paglalaro sa ipad, walang kamalay-malay sa nangyayari sa pasilyo, sa krimeng nagaganap noong sandali rin iyon. Hinawakan siya nito sa braso, na parang nagtatanong, bakit? Ipinaling ni Gabriel ang mukha sa bata—alam niyang nakanganga siya—habang panay ang iling. Wala, wala, nagawa niyang ibulong. Tumango lang ang bata, at bumalik sa pagkalikot ng ipad. (May katabing payat na babae ang batang may ipad, pero abala rin ito sa pagkalikot ng sariling ipad, at ni hindi namalayan ang komunikasyon sa pagitan ni Gabriel at ng bata.)

Sa saglit na iyon ng paglingon niya sa bata, tumigil sa pag-iyak ang sanggol. Pinalitan ang pagngawa ng impit na tili mula sa babaeng naka-siyete. Humarap ulit si Gabriel sa kabilang gilid ng pasilyo, at buhat na ng babae ang sanggol. Tahimik na ang sanggol. Manghang-mangha ang babae. Panay ang iling at ang paglipat ng tingin mula sa kanyang anak at kay John. Nakangiti lang ang lalaki habang naglalakad na palayo, hila-hila ng nagmamadaling si Miss Rosa. Pero bago tuluyang nakalayo, napansin ni John na kanina pa pala nanonood si Gabriel, at nagtama ang mga mata nila. At iyon na nga, magnetismo, etc. 

Isa pa lang sa unang limang pasyente ang kinakausap ng doktor, may apat pang kasunod; mabait ang doktor na kakausapin niya, nakakahiyang hindi siputin pagkatapos magpasingit sa schedule, paano na lang kung magtagal, mayroon pa siyang ibang appointment sa araw na iyon: pumasok daw lahat ng iyan sa isip ni Gabriel—sabi niya, ha—pero nawalan ng saysay lahat, dahil ilang sandali pagkatapos silang magkatinginan ni John na hila ni Miss Rosa, tumayo na si Gabriel at sumunod sa mag-ina. 

Nag-abot sila sa elevator. Hindi isinara ni John ang elevator hangga’t hindi pumapasok si Gabriel. (Paano mo namang nalaman na hindi nga niya isinara, baka nagkataon lang, sabi ko. Pero ipinilit ni Gabriel na sigurado siyang hinintay siya ng mag-ina, dahil panay na ang palatak ng iba pang tao sa elevator pagpasok niya.) Niyaya siya ng mag-ina na kumain sa ibang lugar. Sa malayo, bulong pa raw ni John sa kanya habang naglalakad sila sa lobby, palabas ng ospital. Lumapit ito sa likuran niya, idinantay ang katawan, at saka halos ikiskis ang mga labi sa kanyang tainga. Ngayon, hindi naman salat sa mainit na hininga ng lalaki ang tainga ni Gabriel—wala siyang kasintahan noon pero mayroong mga tinatawagan kapag nalulungkot sa gabi, alam mo na—pero tumayo ang mga balahibo niya sa katawan pagkatapos bulungan ni John. 

Kasabay ng pagtayo ng balahibo ang pagkalimot sa katwiran: hindi na raw maalala ni Gabriel kung paano sila nakarating sa coffeeshop, pero hayun at natagpuan na lang niya ang sarili na kakuwentuhan ang mag-ina, pagkatapos ng mga pangyayari sa ospital. (Nag-taxi lang siya noong araw na iyon, dahil coding ang plaka ng company car.) May bahagyang puwersa pa rin ang alaala ng sanggol na pinatahan sa pamamagitan ng halos pagbutas sa bumbunan, pero gustong malusaw ni Gabriel sa tuwing tinitingnan siya ni John. Kaya hinayaan na rin niyang malusaw ang pagkakonsensiya na hinayaan lang niya ang krimeng nasaksihan. At nasundan pa ang pagkukuwentuhan nilang tatlo sa coffeeshop. Nagpunta sila sa iba pang coffeeshop, sa kung ano-anong restaurant, at maging sa bahay ng mag-ina, sa isang bahaing subdivision sa Malabon. Dumadalaw si Gabriel doon kapag tapos na ang mga appointment niya sa mga doktor, o kung minsan, kapag tinatamad siyang mag-field, at naka-quota na para sa buong buwan. 

Sa mga kuwentuhan nila ng matandang babae, nakilala ni Gabriel si Rosa, na nakaugalian na niyang tawaging Miss, dahil propesor pala ng antropolohiya sa isang unibersidad. Malapit na itong magretiro, at inaasikaso na lang ang itinayong negosyo na pagbebenta ng baking soda. Si John ang namamahala sa negosyo, at ito na raw ang mag-aalaga sa kanya kapag nagpaalam na siya nang tuluyan sa akademya. (Malabo nang ma-extend, at anong emeritus? Ano iyon? biro ng matanda. Marami raw kasi itong nakagalit sa mga kasamahan sa departamento.) Mahilig pa rin itong magbasa, at patunay ang bahay na sa halip mga dingding, namumuwalang bookshelves ang makikita. Sa bawat dalaw ni Gabriel, walang mintis niyang inaabutang may hawak o kalong na libro si Miss Rosa. 

Kay Miss Rosa lang niya narinig ang salitang iyon, ang salitang lagi nitong banggit para bigyang katwiran ang kakaibang gawi ni John: pusong. Pusong daw ang anak niya. Ano naman ho ang ibig sabihin non, tanong ni Gabriel. Ayan, kung paanong kumilos si John ko. Makulit. Pilyo, ganun. Sabay ngiti ng matanda. Ngayon, bilang medical representative, nakakahalubilo ni Gabriel ang mga doktor, at matatalino naman ang mga ito—maraming opinyon, lohikal ang mga sinasabi. Doktor din si Miss Rosa, pero iyong doktor na hindi nakakagamot. (Sabihin mo na: ako ang doktor na walang silbi, madalas ibiro sa kanya ng matandang babae, sa tuwing may nababanggit na doktor si Gabriel.) Tulad ng mga kilala niyang doktor, marami rin itong opinyon, pero hindi niya magagap ang lohika ng lahat ng mga sinasabi ng matanda. May kakulitan rin daw ito, mahilig mangontra. Tipong sasabihin ni Gabriel na naiinis siya sa gobyerno dahil corrupt ito. Sasagot ito nang pabaligtad, na ang dapat talagang sisihin ay ang mga tao. Nang minsang tanungin niya kung bakit ugali ng matandang babae na mangontra ng kausap, ang isinagot lang nito, dialectical thinking ang tawag diyan. I-google mo.

Hindi nag-google si Gabriel, pero nasiguro niyang may sayad ang matanda. May pinagmanahan nga si John. At ito mismo ang pumasok sa isip niya, isang Biyernes ng hapon na silang dalawa lang ni John ang nasa bahay. Nagpunta sa Quiapo si Miss Rosa para manood ng mga deboto. (Hindi raw ito deboto, tagapanood lang.) Nasa sala silang dalawa, nagkukuwentuhan habang nakabukas ang TV. Pagkaraan ng dalawang commercial breaks, nagyaya si John na pumasok sa kuwarto. Ngayon, mula noong bulungan siya ni John sa lobby ng ospital, hindi na muling nagkadikit ang mga katawan nila. Lagi nilang kasama si Miss Rosa kapag lumalabas, o kahit nagkukuwentuhan lang sila sa bahay. Pero tumatagos pa rin sa kaluluwa ni Gabriel ang mga titig ni John, na kahit kasama nila sa iisang mesa ang matandang babae, para na rin siyang nakikipagbastusan sa lalaki. 

Si Gabriel ang pinaunang pumasok ni John. Nang kapwa na sila nasa loob, isinara ng lalaki ang pinto, pumunta ito sa likuran ni Gabriel, at muling bumulong—mas malapit ngayon, talagang kumikiskis sa tainga ang mga labi: mapapatahimik ko na rin si Mama. Muling gumapang ang kilabot sa katawan ni Gabriel. Haharap na raw sana siya para yumakap kay John, pero biglang sinundot ang ilong niya ng mabahong amoy. Bago pa siya makapagtanong, nagsimula nang magreklamo si John tungkol sa pangungulit ni Miss Rosa na mag-asawa siya. Kailan ka ba mag-uuwi ng girlfriend, madalas raw nitong tanungin ang anak. Panay rin daw ang bilin nito na kung pipili ng babae, dapat iyong mahinhin, masunurin, hindi sumasagot nang pabalang, at higit sa lahat, tahimik. 

Paano mo siyang patatahimikin, itatanong sana ni Gabriel, pero hinihimas na ni John ang leeg niya. (Umikot ang mga mata ko nang ikuwento niya sa akin, pero sa totoo lang, naiintindihan ko naman.) Hindi na rin siya nakapag-usisa pa tungkol sa mabantot na alingasaw sa loob ng kuwarto dahil mula sa leeg, bumaba ang mga kamay ni John sa kanyang mga braso, hinihimas-himas, pinipisil-pisil ang mga ito, habang sige pa rin ang bulong, kuntodo init ng hininga at kiskis ng labi sa tainga ni Gabriel: nandito na ang babaeng ipapakilala ko sa kanya. Iniupo siya ni John sa kama. Malambot naman ang kama, pero hindi niya malaman kung bakit parang may pinapatungan itong kung anong gamit sa ilalim. Parang may isiniksik sa ilalim nito na malaking bagay, at kahit makapal ang kutson, may bahagyang pag-umbok na mararamdaman ang kahit na sinong umupo. 

Kung naiba ang sitwasyon, kahit pa raw siguro nakatitig sa kanya si John, baka natauhan na si Gabriel. Pero hindi raw niya talaga mapigil ang sarili noong mga sandaling iyon. Ilang buwan na rin silang naglalandian, nagbabastusan sa mata, at ano ba naman daw ang antot sa kuwarto at banta ng kasal? Marami namang baklang kabit, di ba? (Sabi ba naman. Haha.) Kaya pumikit na lang si Gabriel, nilulon ang mga tanong at nagpaubaya. (Isama mo na rin ang dignidad mo, gusto ko sanang idagdag, pero pinaalala ko sa sarili na heto na nga, nangungumpisal na si Gabriel ng mga kasalanan. Alam naman niyang mali ang mga nangyari, na pumalpak ang mga desisyon niya. Kaya hindi na lang rin ako kumibo. Saka sa totoo lang, medyo nagising rin ang dugo ko sa bahaging ito ng kuwento.) Tumigil lang sila nang marinig ang kalabog ng pinto. Dumating na si Miss Rosa. Lumabas sila ng kuwarto, at nagkunwaring parang walang nangyari. 

Nag-uwi ng cake ang matanda, at inalok na makisalo si Gabriel sa kanilang mag-ina. Noong kumakain na sila ng cake, narinig niya ang mga tanong na hindi nabigkas noong nasa loob siya ng kuwarto kasama si John, dahil pagkaraang banggitin ni John na may naiuwi na siyang babaeng taglay ang mga katangiang laging binabanggit ni Miss Rosa—mahinhin, masunurin, hindi sumasagot nang pabalang, at higit sa lahat, tahimik—nagpaulan na ng mga tanong ang matandang babae: ano ang pangalan, ano ang hitsura, saan nakilala ni John, tagasaan ang pamilya, ano ang trabaho, ano ang edad. Na sinagot naman lahat ni John. (Hindi na nga lang maaalala ni Gabriel ang mga sagot. Hindi naman mahalaga sa kuwento.) Pero nang dumako ang pagtatanong ni Miss Rosa tungkol sa pagiging mahinhin, masunurin, hindi sumasagot nang pabalang, at tahimik ng babae, bumalalas ng pag-aalala si John: pero ma, meron lang akong problema. Ano yon, tanong naman ni Miss Rosa. Mabaho kasi siya, sagot naman daw ni John. 

Wala namang mainit na hininga at kumikiskis na labi sa kanyang mga tainga, pero muli, gumapang ang kilabot sa buong katawan ni Gabriel. May nakaumbok sa ilalim ng kama at kutson, may mabaho sa kuwarto… May ipapakilalang babaeng mahinhin, masunurin, hindi sumasagot nang pabalang, at higit sa lahat, tahimik… Nanlaki ang mga mata niya, at pumaling ang ulo kay John. Patuloy lang ito sa pagkain ng cake. Lumingon siya kay Miss Rosa. Nanlalaki rin ang mga mata nito, at nakatingin rin kay Gabriel. Ilang sandali silang nagtitigan, at halos sabay ring iniwas ang tingin. Ibinalik ni Gabriel ang atensiyon sa kanyang cake. Narinig niya ang pagtatanong ni Miss Rosa, ingat na ingat: anak, ilang araw mo na siyang nakilala? Noong Lunes, sagot ni John. Apat na araw na? tanong ni Gabriel, hindi na nakapagpigil sumawsaw. Tumango lang si John. Muli silang nagkatinginan ni Miss Rosa. Wala pang sinasabi ang matandang babae, pero alam ni Gabriel na iyon na ang tamang sandali: nagpaalam siyang umuwi. Panay naman ang tango ng matanda, hindi magkandatuto sa magkahalong pagsang-ayon at pasasalamat na aalis na si Gabriel. Ihinatid siya nito sa pintuan, at muling tumimo kay Gabriel ang mga salita ng matandang babae bago ito nagpaalam: hayaan mo na lang muna si John. Pusong talaga kasi.  

Isang linggo siyang hindi nagpakita kina John at Miss Rosa pagkatapos noon. Kinumbinsi na lang ni Gabriel ang sarili na wala naman siyang nakitang bangkay. Iyong naamoy niya sa kuwarto, baka kung ano lang iyon. Weird naman talaga si John, baka may kababuyan lang din. At iyong bumubukol sa ilalim ng kama at kutson? Puwede namang kahit ano iyon. Marami namang puwedeng ilagay sa ilalim ng kama. (Sige nga, tulad ng ano, hamon ko naman. Golf clubs! sagot niya. Natawa kami pareho, pero walang laman.) Pero kahit anong paliwanag ni Gabriel sa sarili, sinusurot siya ng duda. Paano na lang kung magkaroon ng imbestigasyon, at may magsabing nakita pala siyang nanggaling sa bahay noong Biyernes ng hapon na iyon? Ano ang sasabihin niya sa pulis? May sipon siya kaya hindi naamoy ang alingasaw ng nabubulok na katawan? 

Si John ang tumawag sa kanya. Nag-aaya sa bahay nila. Parang wala naman siyang narinig na kakaiba sa boses ng lalaki. May bahagyang lungkot lang. (Feeling mo dahil sa iyo, tukso ko kay Gabriel. Ngumiti lang siya nang mapakla at nagkibit-balikat.) Wala rin naman siyang nabalitaang kahit anong pagkamatay sa lugar ng mag-ina. Sinisi na lang ni Gabriel ang sarili: baka napapraning lang. Baka tama talaga si Miss Rosa, at sadyang espesyal lang si John? Pusong talaga kasi. 

Kaya tulad ng dati, kinalimutan na lang ni Gabriel ang mga pagdududa, at nagpaubaya sa kanyang pagnanasang makita muli si John. Nahirati na rin naman siyang makita ang lalaki, at kahit isang linggo lang talaga silang nawalay, parang isang buwan na ang pakiramdam. 

Si John ang nagbukas ng pinto sa kanya. Pinatuloy nito si Gabriel sa sala. Binigyan ng juice at cake. Nagsimula agad itong magkuwento tungkol sa mga nangyari sa kanya noong nakaraang linggo. May nakilala raw itong bagong kliyente, at kailangan palang magdagdag ng oras sa mga manggagawa dahil mas maraming order na baking soda. Nakinig naman si Gabriel, patango-tango. Saka niya kinumusta si Miss Rosa. Ilang minuto na silang nagkukuwentuhan, pero hindi pa ito lumilitaw. Ni hindi rin binabanggit ni John. Ang naisip lang ni Gabriel noong una, baka nagsimba lang pala ito ulit, at puwede na nilang ituloy ang naunsiyaming pagbubulungan noon sa kuwarto. Pero tila walang narinig si John, dahil dire-diretso lang ito sa pagkukuwento. Hanggang sa halos kalahating oras na silang nagkukuwentuhan, nalilibang na ulit si Gabriel sa pagtitig sa lalaki, at muli siyang magtanong tungkol kay Miss Rosa. Biglang tumigil si John, at saka sinabing patay na ang nanay niya. 

Gulantang si Gabriel, siyempre. Ano, bakit ngayon mo lang sinabi, ganyan. Ano ka ba naman, anong klase ka, ganyan. Pero lalo siyang nagulantang nang marinig ang sagot ni John sa tanong ng sanhi ng pagkamatay ni Miss Rosa: mabaho na raw kasi ang matanda. Anong mabaho, tili ni Gabriel. Ang sagot lang, basta isang araw na kumakain silang dalawa, may naamoy na mabaho si John. Inamoy naman nito ang sarili, pero hindi siya mabaho. Hindi rin galing sa pagkain ang amoy. Hindi rin sa kahit anong galing sa labas. Kaya nasiguro niyang sa nanay niya ang namamaho. Kaya naisip ni John na patay na ang nanay niya. At nang makita nitong nakahiga ang matandang babae sa sofa noong isang araw, nakumpirma na nga ang hinala ni John. Patay na ang nanay niya, at bangkay na lang nito ang nasa sofa. 

Tumutol si Gabriel, siyempre pa. (Hindi na niya nakuhang magkaroon ng dahan-dahang reyalisasyon. Yung tipong matatawa muna, tapos maiisip na, ay, seryoso pala ito! My God, killer! Killer! Dahil, Diyos ko naman, yung kausap niya kasi, di ba?) Tili-tili siya, ganyan. Hindi patay ang nanay mo! Tanga ka lang! Sumigaw naman pabalik si John: hindi ako tanga, pusong ako! Tili na naman si Gabriel, siyempre: Well, tanga kang pusong ka! Mayroon bang patay na naglalakad, nagsasalita? Napakatanga mo! (Medyo nagulat rin siya na alam pala ni John na pusong ang tawag sa kanya ng sariling ina, pero wala nang oras si Gabriel para pagmunihan ang mga implikasyon ng impormasyong ito.) Ayaw raw talagang magpatalo ni John, pang-kuwago na nga raw ang mga mata nito, lalo pang lumaki noong sumisigaw: sinabi ko na sa iyo, nakita ko siya, patay na talaga siya noong hapon! Kaya inilibing ko na siya! Ano bang ginagawa sa patay? Di ba inililibing? Nanlaban pa nga siya, may pasigaw-sigaw pa, nilagyan ko na lang ng tape sa bibig! Hindi na naman niya mararamdaman iyon, kasi nga patay na siya! Inilibing ko na siya diyan sa likod bahay!

Naalala mo yung kilabot na binabanggit ni Gabriel na nararamdaman niya kapag binubulungan siya ni John? Trumiple daw ang kilabot na iyon pagkatapos niyang marinig ang sinabi ni John. Inilibing ba naman nang buhay ang nanay niya. Mantakin mo yon. Ayun, umalis siya agad ng bahay. Humangos rin daw si John nang kaunti, pero parang nagbago ang isip, tumigil bigla. May ilang sandali ring nag-atubili si Gabriel kung magpapahabol ba o hindi. (Ang weird naman kasing magmadaling umalis na inaasahan mong hahabulin ka, tapos sa simula, hinabol ka, tapos biglang titigil. Parang, ano na ang kasunod? Wala ito sa script, biro pa ni Gabriel. Natawa lang ako, siyempre.) 

Nasa biyahe pa lang pauwi, tumawag na si Gabriel sa pulis. Ang plano talaga niya, isuplong si Gabriel, papuntahin ang mga pulis sa bahay ng mag-ina, doon sa bahaing subdivision sa Malabon. Hukayin ang bangkay! Ganyan. Pero nang hingin ng kausap niya sa cellphone ang pangalan ni Gabriel, dinaga na siya, at pinutol rin kaagad ang tawag. Naalala raw niya ang mga naunang pagpatay ni John, at baka idamay siya nito. Baka sabihin nito, hinahalikan ko nga ang tainga niyan nung may bangkay ng babae sa ilalim ng kama ko, e. Ano na lang ang isasagot ni Gabriel kapag nagkataon? At iyong sanggol sa ospital? Baka may iba pa itong pinatay nang naroon siya, at hindi niya rin napansin? Masyadong magulo. Makalat.

Kaya nakuntento na lang si Gabriel sa pangungumpisal sa mga nakakarelasyon niya. At ngayon nga, sa akin. Iyong sinundan ko raw, hiniwalayan siya kaagad. Hindi raw kayang makipaghalikan sa mamamatay-tao. Natawa na lang ako. Napaka-drama queen naman. Mamamatay-tao raw si Gabriel? Ang sabi ko lang, huwag nang pansinin. Siyempre, paminsan-minsan, nakikita ko pa rin sa mga mata niya yung mga nangyari. Dala niya pa rin. Pero alam ko naman, alam niyang dala ko rin. Kaya alam ko, kapag nagpapasalamat sa akin yang si Gabriel, ganoon na lang, e. Puro siya I love you Clyde, baby ko. I love you, Clyde. Tinatanggap ko naman, siyempre. Mahal ko rin naman siya talaga. Kaya hanggang ngayon, pinag-iisipan ko pa rin kung sasabihin ko ba sa kanya na ganoon din ang tawag sa akin ng nanay ko. Tulad noong masunog ang bahay ng kaibigan ko. E kasi naman meron silang rice cooker na bumubulong. Ano pa ba iyon, kundi rice cooker ng demonyo, di ba? Kaya ayon, bumalik ako sa kanila noong tulog na silang lahat, saka ko sinunog ang bahay nila. Para siguradong masunog ang rice cooker na demonyo. Umamin ako sa nanay ko pag-uwi. Naisip ko kasi bigla, paano kung nasa loob pala ng bahay ang kaibigan ko at ang pamilya niya? Masusunog ba silang lahat? Napakatanga ko, sabi kong ganyan. Tapos alam mo, ang sabi lang din ng nanay ko sa akin? Hamo na, anak. Pusong ka talaga kasi. 

Si Chuckberry J. Pascual ay awtor ng Ang Nawawala (VisPrint, 2017). Ang iba pa niyang koleksyon ng maikling kwento ay Kumpisal, 5ex, at Hindi Barbra ang Ngalan Ko. Ang maikling kwentong “Pusong” ay bahagi ng kanyang Hindi Ito Romansa (Sentro ng Wikang Filipino, forthcoming).

1 Comment

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Google photo

You are commenting using your Google account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s