Pambobola para kay Marietje (Rayuan Dusta untuk Marietje)

Dumating ako sa Batavia noong 1869 bilang isang mersenaryo. Bagaman hindi ako maituturing na eksperto sa digmaan, nagawa kong mapaniwala ang rekruter ko na isa akong kinatatakutang berdugo at tirador sa Olanda. Isipin ninyo, tirador!  Sa sobrang bilib sa akin ng kumander ko, ipinadala niya ako sa isang maliit na tanggulan sa Ancol. Oo na, stirero at bolero ako. Numero unong sinungaling sa Olanda at maging sa buong Europa.

Ang awtor, si Eka Kurniawan, at ang tagasalin, si Arlo Mendoza (larawan (c) Amado Mendoza III)

Pero unawain ninyo sana ang kagustuhan kong tawirin ang mga karagatan marating lang ang lupaing banyaga: ako’y dukha’t ulilang lubos. Ang sabi ng marami, kaya raw ipangako ng Hindia Belanda ang lahat. Malalawak at matatabang lupa kumpara sa tigang at maliliit na lupang sakahan sa Olanda, nandyan din  ang gintong hindi pa nasisimulang hukayin, at sari-saring mga rekado. Talagang sabik na sabik akong makarating sa Hindia Belanda upang baguhin ang kapalaran ko. At ang pangakong iyon ng lahat ang nagtulak sa mga paa kong tumungo sa Batavia. Dito, maliban sa isang bagay, ang lahat ay kasiya-siya: wala akong kasintahan!

Napakahirap maghanap ng kasintahan. Gusto ko ng nobyang puti na may mahaba at kulay mais na buhok, matangos na ilong, at asul na mata. Lamang, bihira ang ganuong tipo ng babae dito sa Hindia Belanda! Sa susunod na tatlong buwan pa nama’y tutungtong na akong bente-dos anyos. Iyong ibang kasama ko dito sa kuta, nangahas nang makipagrelasyon sa mga katutubo. Pwe! Ako, ayoko. Mga ulikba, dugyot, mangmang….nakakawalang-gana. Totoong hindi ganuon ang lahat ng dalagang katutubo. Mayroon din naman talagang magaganda. Higit na maganda kaysa babaeng Kastila na minsan ko nang nasaksikhan: morena, maliit na ilong, itim at mahabang buhok, at mga matang puno ng ambisyon. Pero kaibigan, huwag kang umasang magkakaroon ang isang tulad kong mersenaryo ng ganuong kasintahan. Tanging sa keraton lang matatagpuan ang mga ganuong tipo ng babae. Mga tunay na anak at prinsesa ng keraton! Kahit ang Gobernador Heneral ay hindi basta-basta pwedeng makipagrelasyon o mag-asam na ikasal sa kanila.

Dahil dito, kapag may mga kaguluhang nag-uudyok sa aming makilahok sa labanan, mas pinipili ko na lang na matulog at magpantasya. Laging pinupuna ng mga kasamahan ko ang pagiging pihikan ko, ang kagustuhan kong magkaroon ng nobyang puti. Ang katuwiran ko sa kanila, nais ko lang panatiliing puro ang aking dugo at lahi. Panatiliing puro ang dugong Europeo at ang dakilang sibilisasyon, kaalaman, pilospiya, at iba pang maliliit na bagay kaugnay nito. Natatameme at tinatamaan ng hiya (dahil nakipagrelasyon sila sa mga katutubo) ang mga kasamahan ko sa t’wing naririnig nila ang ganitong paliwanag ko. Hetong sa inyo! O ano? Palag pa?

Pagkatapos ng aming munting debate, upang labanan ang bagot, napunta sa ibang paksa ang aming usapan. May ilang matanda na nagkuwento tungkol sa mga malalaking digmaang kanilang nilahukan. Halimbawa nito ay ang Digmaang Diponegoro noong 1825 hanggang 1830. O di kaya’y ang Digmaang Jaraga sa Bali noong 1846-1849. Kakatuwang marinig ang mga ganuong kuwento, lalo na kung ang nagkukuwento ay ang matandang si August, isang retiradong sundalo galing Pransiya na sumumpa sa kaniyang puntod na nakaharap niya si Prinsipe Diponegoro.

“Iniwanan pa nga niya ako ng sugat sa balakang,” buong pagmamalaki niya. “Binigyan pa nga ako ni Gobernador de Kock ng parangal.”

Gusto ko ring maranasan ang ganuong mga bagay. Pero sayang, imposible na iyon sa kasalukuyan. Tapos na ang panahon ng malalaking digmaan. Mas madalas pa ngang nakatengga lang kami dito sa kuta. At sa mga sandaling ganuon, talagang gustong-gusto kong matulog at magpantasya. At habang natutulog at nangangarap, bigla kong naalala ang isang dalagang may maputing kutis, matangos na ilong, asul na mata, at kulay mais na buhok—si Marietje

Magkatrabaho kami noon sa isang panaderya sa Delft. Mas bata siya sa akin ng dalawang taon. Katulong siya sa panaderya samantalang ako naman ang bantay nito. Bago ako magpasyang tumungo sa Hindia Belanda, alam kong paris naming sinisinta isa’t isa (sigurado ako!). Oh Diyos ko, bakit kasi sa Europa lang mayroong dalagang puti? Muli akong naburyong at binista ni Marietje sa aking alaala. Sa totoo lang, hindi naman talaga kagandahan si Marietje. May kaunti siyang tigyawat sa mukha, medyo maarte, at hindi rin ganuon katalino. Ang ebidensya? Hindi niya alam kung nasaan ang bansang Pransiya (ang kamangmangang tulad ng kay Marietje ay matatapatan lamang ng mga babarbong tribo dito sa Hindia Belanda). Pero anu’t anuman, nahulog pa rin ang loob ko sa kanya. Nasa mga mata niyang nangungusap ang sikreto. Mga matang manaka-nakang tumatagos sa aking kalooban.

Sayang at hindi makararating si Marietje dito sa Hindia Belanda. 

“Bakit di ka magpadala ng sulat sa kaniya at sabihan siyang pumunta dito?” tanong ng isang kasama pagkatapos pakinggan ang nakalulungkot kong istorya.

“Para ‘tong tanga,” bulalas ko. “Alam mo naman kung bakit hindi siya makapunta dito.”

Oo, dapat alam niya, nila, na imposible para kay Marietje na pumunta dito sa Hindia Belanda. Tulad ng alam ng lahat, napakalayo ng distanya mula Olanda hanggang sa lupaing barbarong ito. Ang sabi nila, para mo raw tinawid ang kalahati ng mundo. Isipin: magaganda’t malalambing na dalagang Europeo na kailangan dumaan sa nakahihibang na paglalakbay makarating lang dito. Sa katunayan, sa paglalakbay namin patungo dito, marami sa amin, kahit ako, ang gusto na lamang magpatangay sa alon sa gitna ng karagatan (ewan kung anong pangalan ng dagat na iyon, liyong-liyo kasi ako noong panahong iyon). At nang sandali kaming dumaong sa Marseille, nagawa pang makpag-away ng mga pasahero sa mga trabahador sa pantalan bago inawat ng mga kawal ng kaharian. Ano na lang ang mangyayari sa isang dalagang Olandes kung sasama siya sa isang paglalakbay paris ng sa amin? Pihadong magiging biktima siya ng mga kaululang endemiko sa naturang paglalakbay.

At isa pa, dahil nga sa mga nabanggit kong balakid sa paglalakbay, matagal nang patakaran ang hindi pagdadala ng babaeng Olandes dito sa Hindi Belanda. Pero kung iisipin, estupido ang patakarang iyon. Gamitin na lang nating halimbawa si Marietje: siya’y isang babaeng matatag. Hindi siya mahihirapan sa paglakakbay patungo sa kabilang panig ng mundo. Pero anong magagawa ko? Napatupad na ang patakaran ito noong simula nang dumating sa Batavia noong 1619 ang grupo ni Jan Pieterszoon Coen. Noong panahong iyon, nais din ni Coen na magsama ng babaeng Olandes upang mapanatiling puro ang kaniyang dugong Europeo (mautak din itong si Coen, aaminin ko). Pero siya’y nabigo dahil hindi ito pinahintulutan ng lintik na si Heeren (patawad, ang ibig kong sabihi’y kamahalang Heeren XVII).

At nanatili nga  (hindi man lang inamyendahan) ang bwiset na patakarang iyon. At nagdurusa ako, ako na isang mersenaryo, dahil ang pinakmamahal kong si Marietje ay hindi makararating dito sa Hindia Belanda. Nakakaburyong!

Pagkatapos ay narinig ko ang boses ng kaibigan ko na puno ng resignasyon: “Kalimutan mo na ang lahat ng ‘yan. Ganun talaga ang kapalaran ng mga mersenaryong tulad natin.”


“Anong pinagsasabi mo?” angal ko. Sa isip ko, hindi na nakatutuwa ang taong ito. Nakakainsulto na. Nakakalalaki na.

“Alam mo namang panahon pa ng VOC ay tanging mga mataas na opisyal lang ang pwedeng magsama ng mga asawa at anak nila dito. Para sa atin lang ang lintik na patakarang ito.”

Aaminin kong tama siya. Pero saan naman ako kukuha ng lakas ng loob para kalabanin ang Gobernador Heneral? Sabihin pa, ang mismong kaharian na nasa kabilang panig ng mundo?

Sa totoo lang, noong panahong iyon, nawawalan na talaga ako ng pag-asa. Sumagi pa nga sa isip kong umuwi na lang sa Olanda.  Pero hindi ko iyon ganun kadali. Wala na akong pamilya doon. Wala rin akong ibang kasanayan o trabaho na alam gawin. Hindi rin ako tiyak kung saan ako madedestino. Usap-usapan na sa Belanda ang dumadaming bilang ng mga nadidistyerong indibidwal. Hindi ako mabubuhay kung manatili lang akong manggagantso. Kung sakali, pwede siguro ulit akong maging bantay sa panaderya. Maginhaw at masaya naman ang buhay sa Olanda. At isa pa, malulunasan na rin sa wakas ang pangungulila ko sa babae. Hayy…nakakahilo!

Paano kaya kung maghanap na lang ako ng kasintahang katutubo? Hiii… nandidiri at kinikilabutan pa rin ako. Pero kung iisipin, posibleng may mga dalaga mula sa kanayunan, mga anak ng magsasaka o mangingisda, na maganda. Hindi man asul ang kanilang mata, maputi ang kutis, kulay mais ang buhok, at matangos ang ilong, ang mahalaga ay maganda pa rin sila. Pero tiyak na iyong mga ganuong tipo ay napasakamay na ng matataas na opsiyal. Reserba ba. O Diyos ko, bakit ninyo ako ginagawang matandang binata? Bwiset!

Subalit noong panahong iyon na talagang nawawalan na ako ng pag-asa at handa nang lunurin ang sarili sa dagat, nakarating sa akin ang isang magandang balita. Isang himala ng mundo, kasama! Sa ngalan ng mga Diyos ng mga katutubo, nagpapasalamat ako para sa makasaysayang pangyayaring ito: ang pagbubukas ng Kanal ng Suez noong 1869 at pagpapahintulot ng Kaharian ng Olanda na maglayag ang mga kababaihan papuntang Hindia Belanda. Napasigaw at napatalon ako sa tuwa. Walang mapaglagyan ang kasabikang nadarama ko. Muling sumigid sa aking gunita ang imahe ni Marietje. Napanigipan kong nagkita na kami. O Marietje, mahal ko na matagal kong hinintay. Ano na kayang itsura niya ngayon? Wala na kaya ang kaniyang mga tigyawat? Mas tumalino na kaya siya? Bakit ko ba iniisip ang mga bagay na iyon? Sapat na sa aking gusto niya akong maging kasintahan, na gusto niyang pumarito sa tabi ko.

Madali akong lumiham kay Marietje. Sinabihan ko siyang maglayag papunta dito sa Hindia Belanda, na sakyan niya ang pinakaunang barkong dadaan sa Kanal ng Suez. Idinagdag ko rin sa dulo ng liham na iniibig ko pa rin siya at gabi-gabi ko siyang napapanaginipan (walang halong pambobola ang huling pangugusap, ha!).

Marami din sa mga kaibigan ko ang nagpadala ng liham sa kanilang mga kasintahan sa Europa. Iyong mga mas matanda, tiyak na hiniling sa kanilang mga asawa at anak na tumungo sa Hindia Belanda. Kahit iyong mga sundalong mayroon nang kasintahang katutubo ay hindi nangiming magpadala ng liham sa Olanda, binubuyo ang kasintahang puti na dumalaw sa Hindia Belanda: lupaing birhen at marikit. Napangiti ako habang inaasar ang mga damuho. Sa isip ko, ang mga lalaki talaga, oo.

Sa wakas ay dumaong na ang unang barko na dumaan sa Kanal ng Suez. Pinagkaguluhan ng tao ang presensya nito. Nag-abang kami ng mga kasamahan ko sa pantalan. At pangako, walang halong biro, punong-puno ng naggagandahang babae ang naturang barko. Bumilis ang tibok ng puso ko habang pinagmamasdan ang prusisyon ng mga babaeng may buhok na kulay mais. Isang-isang sinundo ng mga lalaki ang kani-kanilang mga asawa’t anak. Gayundin ang ginawa ng mga binata sa kani-kanilang kasintahan.  Ubos-lakas kong hinanap si Marietje.  Nasaan si Marietje? Mahal kong Marietje, nasaan ka? 

Kasama, isang liham lang at hindi si Marietje ang dumating para sa akin. Sa liham niyang iyon, sinabi ni Marietje na hindi siya makaalis ng Olanda dahil kakataas lamang ng sahod niya sa trabaho. Sa palagay niya, sayang lang kung iiwan niya iyon para lamang tumungo sa Hindia Belanda. 

“Hangal na Marietje!” bulalas ko na puno ng pagkadismaya (napatalon tuloy sa gulat ang mga kasama ko).  “Anong saysay ng mataas na sahod at pwesto sa panaderya kung ihahambing sa kaalwanang kayang ibigay ng Hindia Belanda?” Tagalang nakayayamot at nakaiinis ang naturang pangyayari.

Sinubukan akong aluin ng ilan sa mga kaibigan ko. Isa sa kanila ang malumanay na nagsabi na, “Subukan mo siyang padalhan ulit ng liham. Baka kailangan mo lang mas maging malambing. Kaunting bola pa.  Hindi ba ikaw ang pinamatamis ang dila sa atin? Manggagantso? Bolero? Kumbinsihin mo si Marietje hanggang sa pumayag siyang iwan ang lintik na panaderyang iyon.

Tumango-tango lang ako.

“Sabihin mo sa kaniya na talagang sobrang yaman ng Hindia Belanda,” mungkahi ng isa ko pang kaibigan. “Sabihin mo ring sa kaniyang nasakop na natin, tayong kabataang Olandes, ang lahat ng lupain at dagat sa kabuuan ng Hindia Belanda. Nakuha na natin ang kayaman nito, at tayo na rin ang namumuno rito. ‘Yan ang sinabi namin sa aming mga kasintahan hanggang sa makumbinsi silang pumarito. Alam mo namang mukhang pera ang mga babaeng Europeo.”

Napatango lang ako, sumasang-ayon sa mungkahi ng kaibigan. Agad akong lumiham kay Marietje.  Mahal kong Marietje, simula ko, susuyurin at sasakupin ko ang lupaing barbarabong ito alang-alang sa iyo. Iaalay ko sa iyo ang kaniyang kalikasang maganda, diyamante, ginto, samut-saring brilyantes, at lahat-lahat para sa ‘yo. Ayos na ‘to. Kahit yata ako’y mapapaoo sa sarili kong pambobola. At kung magkasubukan man, kaya kong mag-armas at lumaban para sa mga bagay na iyon.

At sa wakas ay dumating na nga si Marietje.

Nginitian niya ako. Mga kasama, tila mas naging hinog na siya ngayon. Parang wala na ang kaniyang mga tigyawat at mas lalo siyang gumanda. Mukha rin hindi na siya mangmang tulad noon. Ang sabi pa niya sa akin, alam na niya kung nasaan ang bansang Pransiya. Pinagmamalaki rin niya sa akin na marunong na siyang mag-Ingles at mag-Espanyol.

Walang mapaglagyan ang ligaya ko.

Pagkatapos, biglang bumaling sa akin si Mariteje: “Mahal ko, nasaan na ‘yung lupaing sasakupin mo para sa akin?”   

At muli, kasama ang sanlaksang magigiting na kabataang Olandes, nag-armas ako at sumabak sa bakbakan. Nakpagdigman sa kanluran, sa silangan, sinusuyod-sakop ang bawat sulok ng mahiwagang lupain na ito. Totoong naging matindi ang paglaban ng mga kaaway, pero lagi kaming nagwawagi! Maitatala sa kasaysayan na nagpunyagi kami sa lupaing iyon ng mga barbaro. Maiwawagayway ang bandila ng Kaharian ng Olanda sa lahat ng sulok ng Hindia Belanda: pula, puti, asul. Iniaalay namin ang mayamang lupaing ito sa aming pinakmumutyang hari at reyna. Siyempre, pati sa aming mga kasintahan. At sa kaso ko, para sa pinakamamahal kong si Marietje na wala nang tigyawat at hindi na ganuon kamangmang.

At iyon ang kuwento ng aming kagila-gilalas na pakikidigma. Pakikidigma laban sa kamangmangan ng mga nilalang sa lupaing ito na noo’y wala pang pangalan—na pagdaka’y papangalanan naming Hindia Belanda. (2000)

Tala ng tagasalin

Jan Pieterszoon Coen (1587-1629) Ang gobernador heneral na nagtatag ng siyudad ng Batavia (Jakarta sa kasalukuyan). Itinuturing bilang isa sa mga pambansang bayani ng Olanda, isa siya sa mga higit na nagpaunlad ng VOC o Dutch East India Company

Si Eka Kurniawan ay Indonesian na manunulat. Awtor siya ng Corat-coret di Toilet (Cerita Pendek, 2000)at iba pang libro. Basahin ang mga panayam sa kanya dito.

Nagtuturo si Amado Anthony G. Mendoza III ng mga kurso sa panitikan at malikhaing pagsulat sa UP Diliman. Bukod sa kaniyang mga malikhaing akda at pananaliksik na nailathala sa Likhaan, Daluyan, Tomas, Southeast Asian Studies (CSEAS, Kyoto University), JONUS, at iba pang publikasyon, isinalin din niya ang ilang akda ng mga batikang manunulat na Indones tulad nina Eka Kurniawan, Wiji Thukul, at Chairil Anwar sa Filipino. Siya ang may-akda ng nobelang Aklat ng mga Naiwan (Balangiga Press, 2018), ang unang tomo sa binabalak na “Trilohiyang Reaksyonaryo.”

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Google photo

You are commenting using your Google account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s