Ang Sarili ko at ang Malungkot na Graphic Novel

Nasa Cubao kami noon para ipagdiwang ang ikatlong taon ng kaarawan ni Gavin — pamangkin ko sa sinundang kapatid. Dahil maglalaro pa naman sila ng ilang oras sa mga kiddie house, nagpasya akong sumilip muna sa Booksale malapit sa Expo.

Personal na kopya ng awtor ng libro

Mga komiks agad ang hinanap ko pagdating sa tindahan pero wala akong makita. Nagtanong ako sa sales lady at itinuro sa ‘kin kung nasaan ang mga komiks. Nasa likod pala nila mismo sa cashier. Nung makita ko, ampapangit ng meron sila. Kasimpangit ng komiks ko.

Maya-maya, aksidente kong makikita itong libro na inihalo sa mga naka-hard bound ang cover. Sabi ko, pucha parang graphic novel ‘to ah. At hindi nga ako nagkamali. kinuha ko agad ang libro at napunang madrama ata ang kwento. Di bale ‘ka ko, tignan ko muna ang loob, baka naman maganda ang mga drawing. At ‘yun na nga, nagandahan ako sa mga art. P300+ ang presyo para sa makapal na libro, sabi ko pwede na. Puwera gender stereo types pero para akong babaeng nagdalawang-isip kung kukunin ko nga ba ito o hindi na lang. Nung makita ko ang interesanteng prologue at malaman na tungkol sa sakit na cancer ang sinapit ng bida sa kwento, nagpasya na ‘kong bayaran sa kahera ang libro.

Naalala ko bigla rito sa libro ang nanay. Hindi alien sa ‘kin ang drama ng kwentong tangan ko, ‘ka ko sarili.

Last week ko pa ‘to natapos basahin. So, ang tanong, paano ko ba pahahalagahan itong libro? Actually, nagandahan talaga ako sa art dito ng may akda. Magandang pagbatayan ng mga ido-drawing ko minsan. Oo, ang author na nagsulat nito ay siya ring nag-drawing at nagpinta sa buong akda. Kaya ang husay-husay, parang si Manix Abrera. Alam niya rin kung kailan kailangan ng thought baloon at alam niya kung kailan sapat na mismo ang larawan para maisaad kung ano ang nangyayari.

Pero bukod dito, may naituro sa ‘kin ang nobela tungkol sa kung paano ba hinaharap ng mga taong maiiwan ang parating na kamatayan ng isang minamahal.

Naaalala ko, nung magkasakit din ang nanay namin ng cancer ito rin ang naging suliranin ko. Ang pagkakaiba ko lang sa mga tauhan dito sa nabasa kong nobela, sila, tinanggap na nila na mangyayari na talaga ang di maiiwasang kamatayan ni David – – ang kanilang padre de pamilya, though hirap din sila lalo na ang kanyang asawa na si Paula, samantalang ako, nagkaroon ako ng kumpiyansa at pag-asang gagaling pa rin ang nanay ko at hindi niya pa kami iiwan.. Nasa isip ko noon na malakas ang nanay ko at alam kong nasa katangian niya ang hindi pagsuko sa mga laban.

Ang malungkot lang dito, sa sobrang tiwala ko sa tatag at kakayanan ng nanay ko na lumaban at gumaling, naging kampante naman ako sa pag-aalala sa kanya hanggang sa ang pagbibigay ng sapat na panahon at pag-aalaga ay parang napabayaan ko na.. Wala tuloy akong kamay-malay na iiwan na pala kami noon talaga ng Nanay.

Sa dulo’y ang dami ko tuloy guilt feeling at pagsisisi.

Iilan lang ang mga naaalala kong pagsusumikap na makatulong sa paggaling ng nanay ko nung ipagpalagay kong stress ang pinakanagdudulot sa kanya ng sakit na cancer. Una, sinubukan kong patugtogan siya lagi sa kwarto ng mga musikang paborito niya na nalalaman ko tulad ng Beatles, Joey Ayala at Gary Granada. Pangalawa ay ang paghanap ko sa isang rare na music box na paboritong-paborito raw niya noong maliit pa siya. antigo na ito. Isa itong maliit na kahon na kapag binuksan eh magsasayaw ang munting laruang balerina sa loob nito kasabay ng pagtugtog ng isang medyo malungkot na musika. Panghuli ay ang pagbili ko ng Chicharap mula sa Chowking (na nung matapunan niya ko ng sawsawang suka e nagalit pa ‘ko sa kanya, tsk tsk).

Nagi-guilty naman ako ‘pag naalala ko ang isang pagkakataon na mas pinili ko pang tumuloy mag-surf sa Baler kesa samahan ang aking mga kapatid na alagaan si nanay. Mabuti at nakansela ang biyahe kong iyon at umuwi rin kinaumagahan pero nagi-guilty pa rin ako kapag naiisip ko ang katangahang iyon sa buhay ko.

Dito sa nabasa kong graphic novel, sumuko si David na mabuhay pa nang matagal at hiningi sa kaibgan niyang doctor na si George (sa paraan ng pagsulat dahil wala na siyang boses) na tapusin na ang kanyang paghihirap. Nakapagpaalam pa siya ng husto sa kanyang asawa na si Paula sa pamamagitan din ng pagsusulat.

Si Nanay, ang naaalala ko, ibinilin niyang mag-usap kaming maigi magkakapatid kasama ng isa kong pinsan tungkol sa aming gagawing pagpapagamot sa kanya sa mga susunod na linggo. Umaga bago ako pumasok sa trabaho, ibinilin niyang mag-usap nga kaming magkakapatid. At nagawa naman namin ito nung gabi. Pagtapos mag-usap, dumaan ako sa kwarto noon ni nanay para siya tignan at tinanong niya ko kung nagawa ba namin ang bilin niya na sinagot ko naman ng oo.

Wala kaming kamalay-malay noon na ‘yun pala talaga ang gusto niyang mangyari bago siya tuluyang magpaalam – ang malaman na nagkakasundo kaming magkakapatid. Siguro’y yon ang kapanatagan na naibigay namin sa kanya.

Kinabuksan, patakbong humahagulgol ang kapatid kong bunso para gisingin kami sa mga kwarto namin. Wala na raw si Nanay. Hindi na humihinga. At dun na nga siya ganap na nagpaalam.

Nitong mga nagdaang linggo, habang binabasa ko uli ang libro, humiling si Inday — ang apat na taong gulang kong anak — na basahin ko rin daw sa kanya ito. Nang madinig niya na ang kwento ay pumapatungkol pala sa pamamaalam ng tatay na nagkakasakit at nag-aanyong kalansay, nalungkot si Inday at umiyak sa tabi ko. Naisip niya ata ako bigla sa libro. E sino pa nga ba ang iisipin niya?

Mali yata na pumayag ako sa pangungulit niya na basahin itong akda sa kanya. Naakit din siya siguro sa mga dibuho nito pero hindi sa mismong kwento. Sabi ko na lang sa kanya, “Hindi pa naman mamamatay si Tatay, strong pa ‘ko oh, tignan mo!” sabay flex ng maskels ko sa harap niya.

Umiiyak pa rin siya. Naku, sabi ‘ko sa sarili, na-introduce sa apat na taong gulang na si Inday ang konsepto ng death. Anxious na tuloy siya tuwing maghihiwalay kami. Gusto kong magpaliwanag. Naiisip niya ata si David. Si David na naging skeleton sa mata ng mga nagmamahal sa kanya noong nabubuhay pa.

Paano ko ipakikila sa batang nagsisimula pa lang mabuhay ang konsepto ng kamatayan?

Si Dekki Morales ang kasalukuyang puno ng PUP Center for Creative Writing. Ang ilan sa kanyang mga akda ay mababasa sa Entrada, journal ng PUP-CCW at ilang indipendyenteng publikasyon. Nagtuturo siya ng Filipino at Panitikan sa nasabing unibersidad at naninilbihan din bilang Executive Council Member ng NCCA-NCLA. Libangan niya ang paggawa ng cartoon.








Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Google photo

You are commenting using your Google account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s